
IBINULSA ng De La Salle University Green Archers ang panalo kontra Far Eastern University Tamaraws, 74–72, sa kanilang unang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa UST Quadricentennial Pavilion kahapon, Oktubre 1.
Bumida bilang Player of the Game si DLSU small forward Andrei Dungo na umukit ng 17 puntos kaakibat ang 7/11 na field goal.
Umagapay rin sina Mason Amos, Jacob Cortez, at EJ Gollena matapos kumamada ng tig-14 na puntos para sa Taft mainstays.
Nanguna naman para sa FEU si Janrey Pasaol na nagrehistro ng 25 puntos at limang rebound na siya namang sinaklolohan ni Mo Konateh ng 14 na marka.
Dikdikang pagratsada ang tumambad sa kort nang magtabla ang talaan, 9–all, ngunit binasag ito ni Amos sa bisa ng 4-point play na pinagmulan ng 12-5 run ng Taft-based squad hanggang sa tinuldukan ng buzzer-beater layup ni Dungo ang unang sampung minuto ng salpukan, 21–14.
Rumatsada ang Tamaraws pagdako ng ikalawang kuwarter matapos ang fastbreak play ni Pasaol na nagpundar ng 5-0 run para sa Morayta mainstays, 21–19, ngunit namuhunan si Cortez sa arko upang ibalik ang momentum sa Green Archers na ginatungan pa ni Gollena ng matikas na layup, 37–30.
Namaga nang tuluyan ang kalamangan ng Berde at Puting koponan matapos bumira ng magkasunod na tres si Dungo, 60–46, bago wakasan ni Gollena ang ikatlong kuwarter sa bisa ng floater, 64–51.
Uminit naman ang tensyon pagtungtong ng huling yugto nang pumukol ng tres si Pasaol, 66–58, na sinegundahan ni FEU point guard Jorick Bautista upang paigtingin pa lalo ang bakbakan, subalit nagmintis ang layup ni Bautista na tuluyang tumapos sa laro, 74–72.
Tangan ang 2-1 panalo-talo baraha, sisikaping tibagin ng Green Archers ang malinis na kartada ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa SM Mall of Asia Arena sa ika-5:00 n.h. sa Linggo, Oktubre 5.
Mga Iskor:
DLSU 74 – Dungo 17, Amos 14, Cortez 14, Gollena 14, Phillips 6, Marasigan 5, Pablo 2, Abadam 2.
FEU 72 – Pasaol 25, Konateh 14, Mongcopa 13, Bautista 10, Owens 6, Daa 2, Ona 2.
Quarterscores: 21–14, 37–30, 64–51, 74–72.