Pondo ng Pinoy: Kalakaran sa kaban ng bayan, inilatag sa KAMALAYAN

Kuha ni Florence Marie Osias

NILINAW sa Kamustahan ng Malalayang Lasalyano (KAMALAYAN) ang usapin ukol sa karapatan ng mga Pilipino sa pondo ng bansa sa pangunguna ng De La Salle University (DLSU) Committee on National Issues and Concerns, katuwang ang Lasallian Justice and Peace Commission at Jesse M. Robredo Institute of Governance (JRIG), sa Teresa Yuchengco Auditorium, Setyembre 24.

Pinaigting nina JRIG Director Dr. Francisco Magno, Barangay Matandang Balara, Quezon City Sangguniang Kabataang (SK) Chairperson Belle Aro, at Disaster Risk Reduction Network Philippines representative Amor Tan Singco ang pagtuwid sa sistema ng pamamahala sa pondo ng bayan tangan ang temang “Kaban ng Bayan, para sa Mamamayan?: A Dialogue on the Filipino Access to Public Funds.”

Nagsilbing tagapamagitan ng talakayan sina Joms Villegas mula Green Giant FM at Clea Ramos mula Bachelor of Science in Legal Management. 

Pagsilip sa pamamahala ng pondo

Binuksan ni University President Br. Bernard Oca FSC ang usapin ng sistematikong katiwalian sa pananalapi na kinahaharap ng Pilipinas. Bunsod nito, hinikayat niya ang pamayanang Lasalyanong tumindig at manawagan sa pananagutan sa bawat sentimong nawawala at oportunidad ng mamamayan na ninanakaw ng korapsiyon.

Binigyang-diin naman ni Magno ang pagwawaldas ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaban ng bayan at hindi paglagak nito sa tamang proyekto at pangangailangan ng mga Pilipino. Inalala rin niya ang naging partisipasyon ng taumbayan sa naganap na Trillion Peso March sa EDSA People Power Monument bunsod ng mga naturang anomalya.

Inilantad ni Magno na napupunta ang 60% buwis at pondo ng taumbayan sa gobyerno habang 40% naman ang natatanggap ng mga lokal na pamahalaan. “These budget resources, they are used to support programs, projects, and activities,” paglilinaw niya.

Tinalakay rin nina Aro at Singco ang Philippine Development Plan (PDP) na naglalaman ng limang taong plano ng gobyerno upang paunlarin ang Pilipinas. Kaugnay nito, tinukoy ni Aro ang proseso ng pag-apruba sa pondo ng SK sa ilalim ng Republic Act (RA) 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015. Ilan sa nararapat paglaanan ng badyet ng SK ang mga sektor ng edukasyon, ekonomiya, pangkalusugan, at agrikultura.

Iminungkahi rin ni Aro ang karapatang manghimasok ng mga Pilipino sa usaping pondo sa SK o barangay na kanilang kinabibilangan. Pagsisiwalat niya, “Milyon-milyon din po ang napupunta sa budget ng SK at barangay ninyo. . . Hindi lang po ayuda o liga ang mga mandato dapat nila.”

Ipinahayag naman ni Singco ang RA 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Act na pinagtitibay ang kahandaan ng Local Government Unit (LGU) sa mga sakuna. Layunin nitong maglaan ang LGU ng limang porsiyentong badyet para sa DRRM. Kabilang dito ang mga pagsasanay sa pagresponde sa sakuna at paglalaan ng Quick Response Fund para sa epekto ng bagyo.

Isinaad naman ni Gladstone Cuarteros, national coordinator ng Lasallian Justice and Peace Commission na nakabatay sa interes ng mga politiko ang pagproseso ng pagbabadyet sa Pilipinas at pinananatiling walang boses ang bawat Pilipino.

Mga polisiyang gabay ng bayan

Inilahad ni Magno ang pagkasa ng PDP hanggang taong 2028 habang pinagtitibay ito ng Ambisyon Natin 2040 ng National Economic and Development Authority. Layon ng naturang ambisyon ang pagkakaroon ng middle class na pamumuhay ng mga Pilipino tulad ng bansang Singapore.

Kaakibat nito ang kasalukuyang panukalang National Expenditure Program sa pangunguna ng tanggapan ng pangulo ng bansa at mga sangay nito. Ipinabatid din ni Magno ang kasalukuyang pagreporma sa General Appropriations Act na pangungunahan naman ng mga kinatawan ng kongreso at senador. Inaasahang paiigtingin ng naturang batas ang kaayusan sa pagpaplano sa paggamit ng pondo ng Pilipinas. 

Ipinakilala naman ni Aro ang RA 12009 o New Government Procurement Act na nagbibigay-linaw sa pananagutan sa pondo ng bayan. Aniya, “Nakasaad nga po sa ating local government code na kailangan pong nakapaskil lahat po ng physical transactions ng Sangguniang Kabataan.” Ipinabatid din niyang isa itong sistema ng paglalantad sa publiko ng mga isasagawang procurement o pagbili ng SK.

Kaakibat nito, binigyang-pansin din ang usaping digitalization ng mga pondo. Binanggit ni Aro ang kasalukuyang portal ng mga transaksiyon tulad ng Philippine Government Electronics Procurement System (PhilGEPS). Binigyang-pansin naman ni Aro ang pagiging problematiko ng kalakalan ng naturang website. “Pero ano ‘yong problema? Sobrang pangit ng website to the point na it’s not usable,” pangangatwiran niya.

Ipinahayag naman nina Magno at Aro ang kanilang pakikiisa sa mungkahing panukala ni Senator Bam Aquino patungkol sa paggamit ng blockchain technology bilang kahanay ng PhilGEPS.

Binigyang-lalim naman ni Singco ang umiiral na mga aplikasyong Fault Finder na katuwang sa paghahanda laban sa mga sakunang nararanasan sa Pilipinas. Ibinahagi rin ni Singco ang lupon ng mga aplikasyong kapaki-pakinabang sa panahon ng kalamidad gaya ng GeoRisk PH na inisyatibo ng Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Samantala, iminungkahi ni Cuarteros ang pagpapalawig ng digitalization sa mga Pilipinong may edad na upang mas maging epektibo ang naturang mungkahi. 

Paninindigan tungo sa katapatan

Nilinaw ni Singco ang pagiging teknikal ng konsepto ng pagbabadyet para sa pag-unawa ng ordinaryong mamamayan. Idiniin niya ang kahalagahan ng patuloy na pakikialam ng bawat Pilipino sa kalagayan ng pananalapi sa kabila ng naturang hamon. “Aside from ensuring the democratic space, we have to be out there to participate,” paghihikayat niya.

Kaugnay nito, inihain naman ni Magno ang pagpapaigting sa budget literacy sa kabataang Pilipino upang pagtibayin ang puwersa ng kamalayan ng mga mamamayan ukol sa kaban ng bayan. 

Kinilala rin niya ang karapatan ng mga magsasaka at mangingisda na bumoses sa proseso ng pagbabadyet. Mahalagang may aktibong kinatawan sa local development council ang mga naturang sektor upang palakasin ang kanilang mga pangangatwiran.

Ibinahagi ni Aro ang kanilang proyektong Katipunan ng Area Youth Organizations na naglalayong palawigin ang kanilang inisyatiba sa bawat sulok ng kanilang komunidad. “We try to think of initiatives that would target each sector, each community, and also consult with them,” pagbabahagi niya.

Tinalakay naman ni Cuarteros ang kasalukuyang anomalya sa Prime Water na patuloy na nagbibigay-perwisyo sa akses ng tubig sa mga pamayanang sakop nito. Hangad niyang buhayin ng mga katiwaliang ito ang diwa ng mga Pilipino at patuloy na makiisa sa pakikibaka.

“Kung kaya’t kailangan marami tayo para hindi sabihin sa atin na tayo lang ang nagrereklamo,” paghimok ni Cuarteros.