Lady Woodpushers, rumatsada sa unang araw ng UAAP Women’s Chess

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NAMAYANI ang taktika ng De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers kontra sa Ateneo de Manila University Women’s Chess Team, 2.5–1.5, sa unang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Chess Tournament sa Adamson University Gym, Setyembre 28. 

Nauwi sa Lion Defense ang dikdikang tagisan nina DLSU rookie Heart Padilla at taga-Loyola Heights na si Alphecca Gonzales, ngunit agad na isinalansan ng taga-DLSU ang maagang kalamangan matapos pasukuin ang katapat sa ika-41 galaw sa ikatlong board, 1.0–0.0. 

Ipinamalas naman ni Kapitan Francois Magpily sa unang board ang Modern Defense sa isa pang gitgitang sagupaan kontra sa nakaasul na si Jiessel Marino, ngunit nalagay sa alanganin ang puwesto ni Magpily sa ika-38 move na sinamantala ni Marino upang neutralisahin ang talaan, 1.0–all.

Binitbit ni Taft mainstay Rinoa Sadey sa ikalawang board ang French Defense sa kaniyang duwelo kontra sa Loyola-based player na si Ma. Elayza Villa kasunod ng pananalasa sa depensa ng katunggali sa ika-36 na galaw upang lumamang sa piyesa at posisyon na nagbunsod sa pagbalik ng bentahe sa DLSU, 2.0–1.0.

Umeksena ng English Opening ang taga-Taft na si Lovely Geraldino sa kaniyang engkuwentro kay Loyola mainstay Kristine Flores sa ikaapat na board at bumida ng samot-saring trade na nagresulta sa tabla bunsod ng naulit na mga galaw, 2.5–1.5. 

“Ayun, talo ako. Malungkot ako siyempre natural emotion but at the same time, happy ako kasi I can see na nandiyan ‘yung team para saluhin [ako],” emosyonal na pagbabahagi ni Team Captain Magpily sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) hinggil sa kabuoang resulta ng kanilang pambungad na laro. 

Bitbit ang dalawang match point, susubukang panatilihin ng Lady Woodpushers ang kanilang momentum kontra University of Santo Tomas Female Woodpushers sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 1.