
NANAIG ang De La Salle University (DLSU) Lady Booters kontra University of Santo Tomas (UST) Lady Booters, 2–1, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Football Tournament sa Ayala Vermosa Sports Hub Football Field, Setyembre 24.
Sa pag-usbong ng matitinding sipaan, maagang nagpamalas ng lakas ang kampo ng Taft nang maipasok ni DLSU rookie Jodie Banzon ang unang goal sa ika-14 na minuto ng sagupaan laban sa kampo ng España, 1–0.
Naging mabagal ang usad ng alitan matapos pumalya si España mainstay Bianca Sy na maipasok ang kaniyang goal sa ikalawang yugto ng laro, ngunit nanaig ang Taft-based squad nang magsanib-puwersa ang tambalang Banzon at Dani Tanjangco na tumudla ng puntos sa ika-56 na minuto ng sagupaan, 2–0.
Nagliyab ang pag-asa ng UST nang magpakawala ng quick shot si Ivy Tapiz sa ika-65 minuto, 2–1, subalit tuluyang kinapos sa bangis ang mga tigre na siyang sumiil sa panalo ng mga nakaberde sa huling bugso ng laban.
Bitbit ang malinis na 2–0 panalo-talo kartada, sasabak ang Taft mainstays kontra University of the Philippines (UP) Women’s Football Team sa UP Diliman Football Stadium sa ika-4:00 n.h. sa Sabado, Setyembre 27.