Pagbibitiw at paghirang ng mga opisyal ng USG, isinapormal; pagtatatag sa Laguna Campus Government Code, inaprubahan sa ikatlong regular na sesyon ng LA

PORMAL NA KINILALA sa ikatlong regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagbibitiw nina BLAZE2025 Batch Legislator Juan Iñaki Saldaña, Business College Government (BCG) President Hannah Castillo, at Engineering College Government (ECG) President Franklin Osis Jr., Setyembre 17.

Hinirang din sa naturang sesyon si Andrei Migel Alviar bilang Deputy Ombudsman at inanunsiyo ang pagtatatag sa Laguna Campus Government Code. Tinanggap din ang pagbasura ni University Student Government (USG) President Lara Capps sa ipinasang Cabinet Act ng LA dahil sa iminungkahi nitong pagbaba ng kalipikasyon sa tatlong termino sa mga posisyon sa gabinete.

Pagbibitiw sa upuan ng kapangyarihan

Pinangunahan ni BLAZE2026 Karl Cedric De Castro ang talakayan sa pagbibitiw sa posisyon ni Saldaña bilang lehislador ng BLAZE2025. Ipinabatid ni Saldaña sa kaniyang huling mensahe ang paglisan sa puwesto upang bigyang-priyoridad ang kaniyang thesis at internships. Aniya, “I would rather step back than hold this position without giving the dedication [needed].”

Pinagtibay naman ni Chief Legislator Ken Cayanan ang naging papel ni Saldaña sa proyektong Pulso ng Lasalyano ng National Affairs Committee na tumukoy sa mga kandidatong ineendoso ng USG sa 2025 Senatorial Elections. 

Kaugnay nito, naging opisyal ang paglisan sa puwesto ni Saldaña sa botong 12 for, 0 against, at 0 abstain. Nilinaw ni Cayanan ang pagkakaroon ng LA ng 13 lehislador na lamang sa kasalukuyan.

Inihain din ni De Castro ang pagbaba ni Castillo bilang BCG President bunsod ng pagtatapos ng kaniyang termino. Bagaman hindi nakadalo si Castillo, ipinahayag niya ang kaniyang huling mensahe sa pinamunuang kolehiyo sa tulong ni Cayanan. “I carried the vision of maximizing the relentless pursuit of business excellence,” saad ni Castillo. 

Kaugnay nito, pansamantalang hahalili sa kaniyang posisyon si BCG Student Support Director Cedric Perez hanggang magkaroon ng bagong maihahalal na BCG President sa darating na Special Elections (SE) 2025.

Binigyang-diin naman ni Osis sa huling pagkakataon ang naging hangarin niyang palawakin ang oportunidad sa larangan ng inhenyeriya sa kaniyang kolehiyo. Aniya, “I wanted to make sure that beyond our classes and exams, you will feel that this college is a place where you can grow, explore, and create opportunities for yourselves and others.” 

Nagbitiw si Osis bunsod ng pagtatapos ng kaniyang termino sa posisyon. Ipinahayag ni Osis ang pagiging officer-in-charge ni ECG Chief of Staff Kassandra Nicole Senario sa kaniyang posisyon hanggang SE 2025.

Inaprubahan ng LA ang pagbaba sa puwesto ni Castillo at Osis sa botong 11-0-0.

Bagong yugto ng Ombudsman

Inusisa ng LA ang nominadong si Andrei Migel Alviar sa kaniyang kalipikasyon bilang deputy ombudsman. Nagsilbi si Alviar sa USG sa loob ng apat na taon bilang dating associate magistrate ng USG Judiciary. Bahagi rin siya sa bumalangkas ng USG Constitution 2025 bilang commissioner ng USG Law Commission.

Binigyang-diin ni Alviar na hangarin niyang umupo bilang deputy ombudsman upang ipagpatuloy ang kaniyang serbisyo sa mga estudyante at tanggapin ang nominasyong inihain ni Capps.

Inilahad niyang bibigyang-priyoridad ang mga kasong kinasasangkutan ng matataas na posisyon sa USG, gaya ng Executive Board at mga pinuno ng mga opisina, bago ang mga kaso ng maliliit at mabababang yunit, tulad ng mga college at batch government.

Ninanais din niyang paigtingin ang sistema sa pagpapatupad ng batas, pagpigil sa mga maling gawain, at pag-uusig sa mga kaso ng anomalya sa USG. Sa pagtugon nito, isinusulong niya ang pagtatatag ng Whistleblower Policy o isang comprehensive witness protection program upang paigtingin ang proteksyon ng mga magnanais na lumantad at magsalita laban sa mga opisyal ng USG.

Makikipagpulong naman si Alviar sa LA, kasama ang USG Law Commission, upang maiangkop ang Ombudsman Act, Code of Violations, at Revised Penal Code ng USG para sa epektibong pagpapatupad ng mga programa, tulad ng witness protection program. Inaasahan naman sa ugnayang ito na matutugunan din ang mga tutukuying “unfair” o “unconstitutional” na mga batas at probisyon ng Office of the Ombudsman para sa pagpapabuti ng sistema.

Ninanais din niyang maglunsad ng integrity caravan na bukas para sa pamayanang Lasalyano at mga opisyal ng USG upang palawigin ang kaalaman sa mga mandato at probisyong nakapaloob sa mga batas. Hinahangad nito na patatagin ang pakikilahok ng mga estudyante upang hilingin ang nararapat na serbisyo mula sa mga tanggapan ng USG.

Ninanais niya ring palawigin ang mga tauhan sa Office of the Ombudsman sa nalalapit na Student Government Annual Recruitment dahil kinilala niyang hindi lamang nakaasa ang opisina sa mga hinirang na opisyal, ngunit pati na rin sa lahat ng bumubuo rito.

Itinanong naman ni Cayanan ang ugnayan ng nangyaring pagtigil sa paglilitis kaugnay ng pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte at ang pagsisiguro ng checks and balances sa USG lalo na sa mga kasong impeachment.

Tugon ni Alviar na bibigyang-solusyon ang mga kaso sa Office of the Ombudsman sa paraan ng paggalugad sa mga katotohanan upang maitama ang aplikasyon ng mga batas. Aniya, “Kasi kung sa simula pa lang mali na ‘yung facts, mali na ‘yung application. So, that is one of the ways that it is ensured that the checks and balances [are] observed, due process is observed, and the facts are correct.”

Sa botong 11-0-0, idineklara ng LA si Alviar bilang bagong Deputy Ombudsman.

Pinaigting na Laguna Campus Student Government

Inilatag ni Laguna Campus Student Government (LCSG) Legislator Nauj Agbayani ang panukalang pagtatatag sa Laguna Campus Government Code.

Nakapaloob sa panulaka ang paglikha sa campus government na bubuoin ng campus president, campus secretary, campus representatives, at mga opisyal ng mga departamento. Kasama rin dito ang mga miyembro ng College Legislative Board, campus president, batch representatives, at batch legislators sa kampus ng Laguna.

Binuo ang naturang panukala sa gabay at masusing konsultasyon sa USG Law Commission, LA, at Campus Executive Board ng LCSG.

Nanindigan sina Agbayani at LCSG Danelle Raya Morales na mas epektibong matutugunan ng naturang panukala ang mga tiyak na pangangailangan at representasyon ng mga Lasalyano sa kampus ng Laguna. Iginiit ni Agbayani na hindi natutugunan ng isang malawak na campus code na kinabibilangan ng lahat ng mga kampus ng De La Salle University (DLSU) ang mga problemang kinahaharap ng bawat kampus.

“The Laguna Campus Government Code was very much crafted in consideration of the circumstances of Laguna campus students, so this entails the need to harness existing communication[s] or existing relationships within college units and the central campus government,” wika ni Agbayani.

Ipinaliwanag din niyang isinulat ang Laguna Campus Government Code nang may maluwag na estruktura para sa kalayaan ng mga yunit na magpanukala ng kanilang sariling Rules of Internal Governance.

Inusisa naman ni Minority Floor Leader Aleia Silvestre ang dahilan sa likod ng paglalagay ng isang taong pagitan bago maaaring enmiyendahan ang Laguna Campus Government Code.

Binigyang-linaw ito ni Agbayani dahil magiging paralisado ang mga opisina ng LCSG sa agarang pagbabago matapos lamang ang isang termino. Gayundin, kinakailangan ang isang taon upang masusing masuri ang kalakasan at kahinaan ng panukala upang matukoy ang mga nararapat na baguhin sa panukala sa susunod na taon.

Sinuri naman ni FOCUS2024 Neil Maniquis ang opinyon ng mga nagsulong ukol sa pagboto ng mga lehislador mula sa kampus ng Maynila sa naturang panukala sa gayong sa kampus ng Laguna naman ito ipatutupad. 

Minabuti ni Agbayani na maaprubahan ang naturang panukala ng LA sa kampus ng Maynila dahil ito ang kinikilalang pinakamataas na kapulungan ng lehislatura ng USG. Sinadya ito upang masiguro na nakahanay ang mga probisyon at mga ipatutupad na batas ng LCSG sa susunod na mga taon batay sa mga kasalukuyang panuntunan.

Inaasahan namang maihahalal ang mga college legislator para sa LCSG sa darating na Special Elections 2025 sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa DLSU Commission on Elections at pagrebisa ng Omnibus Election Code upang maisama ang mga naturang posisyon.

Inaprubahan ang panukala sa nagkakaisang botong 11-0-0.

Paghadlang sa Cabinet Act

Tinalakay naman ng LA ang pagbasura ni Capps sa inaprubahang Cabinet Act of 2025. Matatandaang itinatag ang panukala sa ikalawang regular na sesyon ng LA na may orihinal na mungkahing pagkakaroon ng limang akademikong termino sa Pamantasan at namalagi na sa USG sa loob ng tatlong termino upang maging kalipikado sa mga posisyon.

Nilinaw ni Capps na hindi maaaring enmiyendahan ang panukalang batas matapos itong maipasa. Binigyang-diin din ni Capps na nililimitahan nito ang pagpili sa mga nararapat na estudyante upang mamahala.

Bunsod nito, iminungkahi niya ang pagbaba sa tatlong akademikong terminong pamamalagi sa Pamantasan mula sa lima upang bigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga nagnanais manungkulan, partikular na ang mga pumasang opisyal ngunit nasa kanilang ikalawang taon ng pag-aaral pa lamang.

Kinuwestiyon naman ng LA ang kalidad ng pagluwag ng pamantayan. Binigyang-linaw ni Cayanan na ang pagiging kapantay ng mga posisyon sa executive board ang dahilan ng pagbuo ng naturang batayan ng LA. 

Pinabulaanan naman ito ni Jules Valenciano at sinabing, “I don’t think that it should be a basis, yung kung gaano katagal yung naging stay nila in the University, but rather, how much they have worked in the USG.“

Bigong maipawalang-bisa ng LA ang pagbasura ni Capps ang naturang panukala matapos hindi maabot ang two-thirds majority vote sa botong 7 for, 5 against, at 0 abstain.