Legasiyang Lasalyano: Mga proyekto at adhikain ng DLSU, itinampok sa University General Assembly

Kuha ni Chloe Karel Tiamzon

INILATAG sa University General Assembly ang mga proyektong mabisang naipatupad at mga nakahanay pang inisyatiba ng De La Salle University (DLSU) para sa simula ng akademikong taon 2025–2026 sa Most Blessed Sacrament Chapel, Setyembre 12.

Inilahad nina University Provost Dr. Robert Roleda, Vice President for Administration Kai Shan Fernandez, at University President Br. Bernard Oca FSC ang mga nakaambang plano ng Pamantasan sa pagpapaigting ng pagbabago sa edukasyon, kalidad na serbisyo, at epektibong sistema upang isulong ang pagpapahalaga sa karanasan ng mga Lasalyano. Tinalakay rin sa programa ang mga natatanging tagumpay na naisakatuparan ng DLSU sa nagdaang akademikong taon.

Binhi ng inobasyon at edukasyon

Ibinahagi ni Roleda ang pagtanggap ng Pamantasan sa 4,395 estudyante sa kanilang unang taon ng kolehiyo at 53 Lasalyanong guro para sa pagsalubong ng bagong akademikong taon. Nagtala rin sa unang pagkakataon ng higit 1,000 first year na mga estudyante ang kampus ng Laguna ng DLSU mula sa karaniwang 300 enrollee lamang.

Tinalakay rin ni Roleda ang pagkasa ng Challenge-Based Learning (CBL) ngayong taon sa School of Innovation and Sustainability sa kampus ng Laguna matapos ang unang pagmungkahi rito noong 2019. Nakatuon ang CBL sa pagiging praktikal, kolaboratibo, at multidisiplinaryong paraan ng pagtuturo upang matugunan ng mga Lasalyano ang mga suliraning kinahaharap ng lipunan.

Ibinahagi niyang matagumpay na inilunsad ang CBL sa 67 estudyanteng kumukuha ng mga kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship, Bachelor of Science in Computer Science, at Bachelor of Science in Information Technology.

Binalangkas din ni Roleda ang pagpapatupad ng polisiya ukol sa Generative Artificial Intelligence (AI) sa mga akademikong gawain ng mga Lasalyano. Iginiit ni Roleda ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na patnubay sa responsableng paggamit ng AI. “Just as importantly, the policy seeks to be compactable, using language that is as clear and simple as possible—providing examples and best practices,” dagdag niya pa.

Ibinida rin ni Roleda ang pagtalaga sa kampus ng Laguna bilang isang Knowledge, Innovation, Science, and Technology Ecozone batay sa Proclamation No. 985 ng Malacañang at tanging DLSU pa lamang ang nakatatanggap ng naturang pagkilala. Hirit niya pa na magsisilbing pangunahing lugar ang DLSU Innovation Hub sa industriya ng inobasyon.

Kaugnay nito, ipinakilala ni Roleda ang inisyatibang Goal Zero na layong pataasin ang antas ng edukasyon sa inobasyon at ang karanasan ng mga estudyante ng DLSU. “[Goal Zero is] a score of excellence in education and educational innovation and a first-rate student experience to expand DLSU’s reach,” wika niya.

Isinulong din ni Roleda ang ideya ng mas inklusibong edukasyon gamit ang teknolohiya upang mas maabot ng Pamantasan ang mga estudyanteng mula sa iba’t ibang dako ng bansa na may limitadong kakayahang pinansiyal para mabigyan sila ng oportunidad na maranasan ang Lasalyanong edukasyon.

Isiniwalat din ng Provost na nasa 49% lamang ang kasalukuyang paggamit sa mga silid-aralan, patunay na sapat ang espasyo sakaling gugustuhin ng Pamantasang bumalik sa in-person learning. Gayunpaman, pinabulaanan niya rin ito dahil sa dalang tagumpay sa edukasyon ng hybrid learning ng DLSU. “The bigger challenge really is the availability of good teachers,” pagtatapat ni Roleda at nanawagan sa mga gurong paigtingin ang kanilang kakayahan sa pagtuturo para sa ikabubuti ng DLSU at ng buong bansa. 

Inanyayahan ni Roleda ang pamayanang Lasalyanong yakapin ang hybrid learning bilang pangmatagalang modelo ng edukasyon. Inilahad niyang napatunayan sa mga nakaraang taon na mas mataas ang kinalalabasang resulta mula sa hybrid learning tulad ng pagkamit ng topnotchers sa board exams kompara sa panahon bago ang pandemya.

Haligi ng serbisyo at kaunlaran

Ibinahagi naman ni Fernandez ang mga makabuluhang proyekto sa larangan ng impraestruktura at serbisyo na naisakatuparan ng Pamantasan sa nakaraang akademikong taon. 

Kabilang sa mga ito ang pagtatayo sa kampus ng Laguna ng Enrique K. Razon Jr. Hall, University Hall, bagong semi-olympic swimming pool, electric vehicle charging stations, at ang muling pagbubukas ng John Gokongwei Jr. Innovation Center. Ibinida rin ni Fernandez ang natapos na unang bahagi ng St. Mutien Marie Hall na may mga bagong silid-aralan, laboratoryo, at espasyo sa mga tanggapan para sa kampus ng Maynila.

Ipinagmalaki rin ni Fernandez ang paggamit ng Pamantasan ng 100% renewable energy sa mga gusaling maaaring gumamit nito sa parehong kampus ng Maynila at Laguna bilang tugon sa isyu ng climate change at pagpapahalaga sa likas-kayang kaunlaran.

Itinampok din ni Fernandez ang Archers Hub na isang platapormang dihital na layong padaliin ang karanasan ng mga Lasalyano sa mga pang-akademikong proseso. Nilinaw niyang pakay nitong gawing episyente ang proseso ng enrollment, pangangasiwa ng mga dokumento, at pabilisin ang hakbangin sa pagbabayad.

Tinalakay rin niya ang malaking pagbabago sa sistema ng procurement ng Pamantasan. Mula sa dating 85 araw noong akademikong taon 2022-2023, bumaba sa 28 araw na lamang ang turnaround time ng biddable items. Nabawasan naman hanggang 23 araw ang dating 50 araw na turnaround time ng customized items at bumaba sa 15 araw ang regular items. Patunay ang datos na ito ng mas bihasang pamamahala ng mga rekurso ng DLSU.

Dagdag pa rito ni Fernandez, binigyang-pagkilala sa dalawang magkasunod na taon ang DLSU sa bisa ng 5-star rating ng ASEAN University Network Healthy University Rating System bunsod ng mas pinaigting na serbisyong pangkalusugan at support system para sa pamayanang Lasalyano.

Sa panukalang Lasallian Service Model, iginiit ni Fernandez ang dalawang haligi ng bagong kultura ng serbisyo para sa Pamantasan—pagpapaigting ng kakayahan ng mga empleyado at pagsusulong ng kulturang self-service.  “This means learning to do more basic tasks independently, rely less on staff to do them for us, so that they can be deployed toward higher value activities,” ani Fernandez.

Ipinaliwanag ni Fernandez na mahalagang sanayin ang mga estudyante sa disiplina at malasakit upang maging handa sila sa kanilang propesyonal na buhay. “We want them to be a blessing and not a burden to their future colleagues,” dagdag ng pinuno.

Liham ng pasasalamat at pag-asa

Nagbalik-tanaw si DLSU President Br. Bernard Oca FSC sa bawat natatanging inobasyong naganap sa mundo na humubog sa kasaysayan ng DLSU. Binalangkas niyang naging pagsubok ang mga ito sa pamayanang Lasalyano upang bigyang-halaga ang bawat pagbabagong dala ng panahon na kinakailangang yakapin ng Pamantasan.

Isinaalang-alang niya rin bilang sagradong pamamaraan ang kaniyang pagbati sa bawat indibidwal na bumubuo ng Pamantasan. “That to me is a sacred moment. . . I am very grateful for your presence and your work at this moment in DLSU history,” pasasalamat niya.

Gayunpaman, pinaigting ni Oca ang paninindigan sa mahahalagang kaugaliang Lasalyano upang malampasan ang mga sakripisyo at ang mga natamasang tagumpay ng Pamantasan nitong mga nagdaang taon.

Mariing inanyayahan ni Oca ang bumubuo sa administrasyon at kaguruan na pag-igihan pa ang pagtuturo at paghubog sa kaisipan ng mga estudyante. Hinikayat niyang palaguin ang pagiging malikhain at kritikal na pag-iisip ng mga Lasalyano upang mapaigting ang kanilang kakayahan sa pagharap sa mga hamon ng buhay. 

Ibinahagi rin ni Oca na sinimulan na ng iba’t ibang tanggapan ng DLSU na magsagawa ng mga makabagong kagamitan at kasanayan upang mapaigting ang pagganap sa tungkulin ng mga ito sa pamayanang Lasalyano. Iginiit niyang hindi naging madaling pagsabayin ang tungkulin ng administrasyong lumikha ng mga estratehiya para sa operasyon ng mga departamento, pag-antabay sa kalagayan ng mga resulta, at pagdalo sa mga pagpupulong habang inaasikaso ang pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Inudyok niya rin ang administrasyon na paghusayan pa ang edukasyon sa gabay ng hybrid learning, etikal na paggamit ng artificial intelligence, at paghahatid ng dekalidad na serbisyo sa Pamantasan. 

“Higit kailanman, dapat nating ipamalas ang ating sariling wika bilang isang institusyong pang-edukasyon na may kalidad [at] isang pamantasan ng kahusayan,” pagdiriin ni Oca.