Pagpiglas sa paniniil at pasismo, pinangunahan ng YANAT

9 September 2017
345 Views

ni Lalaine Reyes

NAGBIGKIS ang kabataan sa paglunsad ng Youth Act Now Against Tyranny (YANAT) upang kumilos laban sa usapin ng paniniil, pasismo, at batas militar sa ilalim ng administrasyong Duterte, Setyembre 8 sa U.P. Diliman College of Mass Communication Auditorium. Layunin ng alyansang gamitin ang boses ng kabataan upang lupigin ang pagpapahirap sa mga Pilipino dulot ng iba’t ibang programa ng pamahalaan.

Nagsilbing daan ang salaysay ng ilang saksi at biktima ng panunupil sa Mindanao upang palawakin ang kamalayan ng mga Pilipino sa mga nababalitaang paglabag sa karapatang-pantao sa ilalim ng rehimeng Duterte.

“Kapag makakita sila ng mga tao sa Marawi City, kahit hindi Maute, kahit hindi ISIS, bobombahin,” pagbabahagi ni Mohammad, isa sa mga biktima ng krisis sa Marawi. Maliban sa malulupit na airstrike at sapilitang paglikas, kapansin-pansin diumano ang diskriminasyon at paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan sa Mindanao.

Kinondena ni Catherine Bautista ang patuloy na malawakang pagpaslang sa kabataan. Inilahad niya ang kinahinatnan ng kanyang anak na pinatay dahil umano sa droga nang hindi dumadaan sa makatarungang proseso. “Umaasa po ako sa mga [kabataang] nandirito na kayo pa rin po sana ang [maging] pag-asa ng bayan. Umaasa rin po ako na makiisa kayo sa hinihinging katarungan para sa mga biktimang katulad po namin,” panawagan ni Bautista.

Naipaliwanag ang sanhi ng pagtitipon nang ilahad ni JP Rosos, National Spokesperson ng League of Filipino Students, ang pampulitikang sitwasyon ng Pilipinas sa kasalukuyan. Ayon kay Rosos, kabilang sa nagiging ugat ng hindi magagandang pangyayari sa bansa ang malawakang pagpatay sa mga mamamayan. Binalangkas pa niya ang pag-ayon ng pamahalaan sa imperyalismong Estados Unidos, pagpapatuloy ng independent foreign policy, at pambubusabos sa mga mamamayan gamit ang neoliberalismo.

Dumalo rin ang kinatawan ng KABATAAN partylist na si Sarah Jane Elago bilang pakikiisa sa hangarin ng YANAT. Aniya, “Kami, sa KABATAAN, ay nagpapahayag, sa lahat ng mga konseho, publikasyon, [at] lahat ng organisasyon na nandito, sa laban natin sa tiraniya.” Kaugnay nito, nanawagan si Elago na palawakin pa ang sakop ng kabataan na kikilos para sa kolektibong kabutihan ng sambayanan.

09.08.17 Youth Act Now (Nicole Rey) - Makasimbulong pagpirma ng iba't ibang organisasyon sa Youth Act Manifesto

Minarkahan ang pagtatapos ng pagtitipon sa pamamagitan ng pagpirma ng kabataan sa manifesto of unity. Nagsisilbi itong simbolismo ng pakikiisa at pagiging bahagi sa kasaysayan ng kabataan na may paninindigan laban sa lumulubhang pasismo at paniniil ng administrasyong Duterte.

Hinihikayat ng manifesto of unity ang kabataan na dumalo sa idaraos na pagdiriwang ng National Day of Action on Martial Law sa Setyembre 21.

Retrato – kuha ni Nicole Venice Rey

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?