67th Palanca Memorial Awards for Literature: Pagbibigay-pugay sa mga bumubuhay sa literaturang Pilipino

2 September 2017
431 Views

ni John Emer Patacsil

Sa pagbabago ng kinahihiligan ng kasalukuyang henerasyon, hindi maikakailang tila natatabunan na ang interes ng karamihan dahil sa kompetisyon sa merkado at nababalewala ang mga gawa ng mga lokal na awtor, poet, essayist, at playwright.  Kapansin-pansing mas nababaling ang mga mambabasa sa mga gawang banyaga. Sa panahon ngayon, paunti nang paunti ang nakakikilala sa mga manunulat at obrang Pilipino.

Makikita rin sa mga aklatan ang pagkakaiba sa pagpapakilala sa merkado ng gawa ng Pilipino at obra ng banyaga. Sa kadahilanang mas sikat ang mga awtor mula ibang bansa, nariyan ang mas malalaking espasyong nakalaan para sa mga nobelang isinulat nina John Green, J.K. Rowling, at iba pa. Sa kabila nito, walang humpay pa rin ang pagkilala sa mga natatanging manunulat na Pilipino sa pamamagitan ng paggagawad ng prestihiyosong Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Idinaos ang ika-67 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, o mas kilala sa tawag na Palanca Awards, noong Setyembre 1 sa The Peninsula Manila sa Makati City.

09.01.17 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature kuha ni Arah Josmin Reguyal (2)

Tradisyon sa pagkilalang kinagisnan

Palanca Awards ang pinakamatandang award giving body na kumikilala sa mga manunulat na Pilipino sa larangan ng nobela, maikling kwento, maikling kwentong pambata, sanaysay, tula, tula para sa mga bata, dulang may isang yugto, dulang ganap ang haba, at dulang pampelikula para sa dibisyong Filipino. Dagdag pa rito, mayroong 8 kategorya para sa dibisyong Ingles, kabilang na ang novel, short story, short story for children, essay, poetry, poetry written for children, one-act play, at full-length play. Kinilala rin ang mga manunulat ng maikling kwento sa iba’t ibang dialekto tulad ng Cebuano, Hiligaynon, at Ilokano.

Sa buong kasaysayan ng Palanca Awards, nakapaggawad na ito ng 2385 gawang pampanitikan sa 12 kategorya, mapa-Ingles, Filipino, Iluko, Cebuano, o Hiligaynon. Bukod dito, 25 na ang nagawaran bilang Hall of Fame simula noong mag-umpisa ang Palanca Awards.

Pinangunahan ni Dr. Jose “Butch” Dalisay, isang eksperto sa larangan ng panitikan, ang selebrasyon at pagkilala sa 51 manunulat. Binigyan siya ng pagkakataong magsalita at magbahagi ng kanyang naging karanasan sa larangan. Pinarangalan din siya ng Gawad Dangal ng Lahi matapos makapag-uwi ng 16 Palanca Awards sa magkakaibang taon. Bukod dito, hinirang siyang Hall of Famer noong 2000 matapos makapanalo ng 5 unang gantimpala.

DSCF7826

Pagkilala sa mga nagwagi

Sa umpisang bahagi ng programa, binasa ang mga tulang pinarangalan sa taon sa pangunguna ni Prof. Victor Emmanuel D. Nadera, Jr., ang Father of Performance Poetry ng Pilipinas, na nagsilbi ring tagapangulo ng mga hurado para sa kategoryang maikling kwento. Kapansin-pansing mayroong malalim na pakahulugan ang bawat salitang kanyang binigkas. Sa kabilang dako, sinalubong ng masigabong palakpakan ang bawat manunulat na kinilala sa kani-kanilang mga kategorya.

Sa mahigit 900 na natanggap na entries, 51 lamang ang ginawaran ng parangal para sa ika-67 selebrasyon. Iniuwi ng 4 na manunulat ang dalawang parangal sa magkaibang kategorya at 23 ang nakatanggap ng Palanca Award sa unang pagkakataon. Dagdag pa rito, may kategoryang walang hinirang na nagwagi at mayroon ding hindi kompleto ang ginawaran ng pagkilala.

Para sa Grand Prize, naiuwi ni Eros A. Atalia ang Natatanging Gantimpala sa kategoryang Nobela para sa kanyang obrang “Ang Ikatlong Anti-kristo”. Nakamit naman ni Glenn L. Diaz ang pagkilala sa kategoryang Novel para sa likha niyang “The Quiet Ones.”

Katulong sa paghihirang ng mga mananalo ang piling mga hurado. Kabilang sa kanila ang mga akademiko, personalidad sa telebisyon at pelikula, at mga dati nang naparangalan ng Palanca Awards. Ngayong taon, 63 ang bilang ng huradong sumuri at nagpasya ng mga ginantimpalaan.

Patuloy na pagkilala sa gawang Pilipino

May kaakibat din ang mga medalya at gantimpala na natanggap ng mga Palanca awardee. Isa na rito ang responsibilidad na ipinagkatiwala ng Palanca Awards na ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng literaturang maka-Pilipino, sa kabila ng mahigpit na kompetisyon sa mga banyagang manunulat. Ika nga ni Dalisay, higit sa perang papremyo at medalya ang pagkakapanalo, dapat ding isaisip ng manunulat ang katotohanan at pagmamahal niya sa wika, Ingles man o Filipino.

Nabubulag ang karamihan sa mga umuusbong pa lamang o maging sa mga sikat nang mga banyagang manunulat at kanilang likha. Lingid sa ating kaalaman, maraming kayang ihain ang kapwa natin Pilipino na kagaya o higit pa sa mga nakasanayan. Ipinahahayag ng Palanca Awards ang buhay na buhay na literaturang Pilipino, kaagapay ang mithiin ng bawat manunulat na gumawa ng marka at pagbabago. Patunay rin itong patuloy pa ring kinikilala ang mga gawang Pilipino sa larangan ng literatura.

Retrato – mga kuha ni Arah Josmin Reguyal

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?