Boses ng mga katutubo, muling ipinarinig sa Lakbayan 2017

1 September 2017
212 Views

ni Kristine Paula Garcia

Sa temang “Para sa Sariling Pagpapasya at Makatarungang Kapayapaan,” kinondena ng mga katutubo at aktibistang grupo ang nagbabadyang pasismo at kawalan ng sariling pagpapasya sa ilalim ng rehimeng Duterte sa Lakbayan 2017, Agosto 31 sa kahabaan ng Maynila. Inorganisa ito ng Sandugo, isang pambansang alyansa ng Bangsamoro at iba pang pambansang minorya.

​Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng Salubungan sa pagitan ng mga katutubo at kanilang mga tagasuporta. Sinalubong sa University of Santo Tomas (UST) ang mga nanggaling sa Hilaga habang sa Pamantasang De La Salle (DLSU) nagtipon ang mga nagmula sa Timog. Nagmartsa sila patungo sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, kabilang ang Bonifacio Shrine at Mendiola. Sa idinaos na maikling programa sa Mendiola Peace Arch, nagsalita ang mga kinatawan ng iba’t ibang grupo at nagtanghal ang ilan sa mga dumalo.

Ayon kay Cordillera Peoples Alliance Vice Chairperson Jill Cariño, kasalukuyang nahaharap sa suliranin sa lupain ang mga katutubo sa Cordillera Administrative Region (CAR). Aniya, halos 20 taon nang nakabinbin sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang mga dokumento upang mabawi ng mga Igorot ang kanilang mga lupain.

Mayroon umanong mga “bogus claimant” na bumibili o nang-aangkin ng mga lupaing pagmamay-ari talaga ng mga katutubo. Dagdag ni Cariño, binibili ng malalaking korporasyon ang nasabing lupain upang gawing minahan, dam, o iba pang proyekto. Ibinahagi rin niyang kasalukuyang laganap ang militarisasyon sa rehiyon ng Cordillera.

Paglalantad naman ni Datu Jerome Succor Aba ng Sandugo, araw-araw binobomba ang Marawi at mga kalapit na lugar sa loob ng 100 araw ng Batas Militar sa Mindanao. “Pinulbos ni Duterte ang Marawi,” pagsalaysay niya. Dagdag pa rito, inilahad ni Aba na nahaharap sa krisis ang mga bakwit o mga katutubong lumikas mula sa kanilang mga tirahan. Namamatay ang ilang bata sa evacuation centers dahil sa kakulangan ng tulong mula sa pamahalaan. Nangangailangan din sila ng mga pangunahing pangangailangan kagaya ng pagkain, gamot, at edukasyon.

08.31.17 Lakbayan 2017 Juan Paulo Carlos-1

Inilahad din ni Kara Taggaoa ng grupong Anakbayan na kasalukuyang pinagbibintang kaaway ng estado ang mga Lumad dahil sa kanilang pakikibaka para sa karapatan sa lupa. Dagdag pa niya, sinusunog at ipinasasara ang mga paaralan ng kabataang Lumad dahil sa mga akusasyong tinuturuan silang magrebelde laban sa pamahalaan. Aniya, mas lumala pa ang kalagayan ng mga katutubo sa paglipas ng panahon lalo na’t patuloy ang kaguluhan sa Marawi at mga karatig-lugar nito.

​Bukod sa paglantad ng kanilang tunay na kalagayan, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga katutubong manawagan sa kasalukuyang administrasyon. Dulong ni Cariño, “Sana kilalanin ng gobyerno ang pag-aari ng lupa ng mga katutubo […] at ang karapatang pagdesisyunan kung ano ang [gusto naming] pag-unlad sa aming mga komunidad.” Paliwanag niya, pinipilit ang mga Igorot na tanggapin na lang ang mga proyektong makatutulong umano sa kanila ngunit wala naman talagang pakinabang.

Ayon kay Aba, nais maningil ng mga Moro sa mga ginawang pagbomba sa Mindanao dulot ng Batas Militar. Hangad din nilang mapawalang bisa ang mga polisiyang gumigipit sa kanilang mga karapatan. Tumindig siyang patuloy na makikibaka ang  katutubong minorya  para sa kanilang kaligtasan kaysa maging biktima sa nangyayaring kaguluhan.

Matapos ang programa sa Mendiola, muling nagmartsa ang mga kalahok patungong University of the Philippines (UP) Diliman. Nakatakdang manirahan sa mga kampo sa iba’t ibang pamantasan at magdaos ng iba’t ibang pagkilos ang mga katutubo hanggang Setyembre 21.

Retrato – kuha nina Judely Ann Cabador at Juan Paulo Carlos

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?