2017 BLIA Cup: Green Archers, nagpasiklab ng galing sa Taiwan!

31 July 2017
347 Views

nina Jea Rhycar Molina at Kathleen Martinez

NAGHARI ang mayhem system ng DLSU Green Archers sa 2017 Buddha’s Light International Association (BLIA) Cup Basketball Tournament sa Kaohsiung Arena, Taiwan noong Hulyo 25-30. Inangkin ng Green Archers ang kampeonato matapos nilang talunin ang mga international squad mula sa Tsina, Taiwan, Pransya, at Estados Unidos.

Binubuo ng mga koponang mula sa iba’t ibang bansa ang mga kalahok sa BLIA Cup, isang collegiate tournament. Sinimulan ng Fo Guang Shan Monastery (FGSM) ang palaro bitbit ang layuning makabuo ng relasyon ang mga nasyong magkakaiba ang kultura.

Sa unang laban ng Taft-based squad, nagpasiklab agad sila matapos patumbahin ang Chie Hsin University ng Taiwan sa iskor na 110-103. Sinandalan ng koponan ang double-digit scorers na sina Ben Mbala (37 pts), Ricci Rivero (15 pts), Aljun Melecio (14 pts), at Andrei Caracut (14 pts). Bahagi rin ng lineup sa torneo sina Leonard Santillan, Kib Montalbo, Abu Tratter, Gonzales, Gabe Capacio, Justine Baltazar, Prince Rivero, at Jollo Go.

Nagbigay-daan ang three-point shot ni R. Rivero para sa kanilang ikalawang panalo sa torneo kontra Vanguard University Lions ng Estados Unidos, 84-81.

Sa ikalawang pagkakataon, nanguna si R. Rivero sa pagtala ng malayong agwat ng puntos dahil sa kanyang matinding defensive presence. Agarang nasungkit ng Green and White ang panalo mula sa home-based team, Chung Chou University, 97-74.

Muling namayani ang koponan sa kanilang ikaapat at pinakamatinding pagsabak sa loob ng kort. Nagpamalas ng maagang full court press ang Green and White team na naging dahilan ng mabagal na takbo ng laro ng kabilang koponan. Pinag-init ng Archers ang kort sa unang yugto ng laban nang magpamalas ng left-handed dunk si R. Rivero, 34-21.

Lalo namang pinagtibay ng koponan ang defensive press at plays sa pagbubukas ng 2nd quarter dahilan ng pag-angat ng iskor ng Archers. Naging sandigan nila ang magandang ball rotation na nagresulta ng scoring spree mula sa rainbow country, 41-25. Patuloy na umariba si R. Rivero sa laro nang masulot ang bola sa kalabang koponan na nagbigay-butas para sa isang fastbreak reverse lay-up, 58-42.

Sa ikatlong bahagi ng bakbakan, nagpakita ng signature alley loop dunk si Mbala na agad sinundan ng fastbreak three point shot ni Melecio. Hindi na nagawa pang pigilan ng Tsinghua University ang momentum ng Green Archers patungo sa huling yugto. Naging armas ng koponan ang mataas na free throw shooting percentage upang tuluyan nang selyuhan ang pwesto sa finals, 103-95.

Para sa finals round ng 2017 BLIA Cup, nakaharap ng DLSU ang Université de Lyon ng Pransya. Patuloy na pinabilib ng La Salle ang mga tagasubaybay sa kabila ng physical advantage ng kalaban.  Hindi nagpatinag ang rookie na si Capacio matapos sakupin ang kort. Sunod-sunod na gumawa ng three pointers ang bagito para sa Green and White team sa unang kalahati ng laban.

Muling nagpasikat si Melecio matapos ang hindi matatawarang ankle breaker na naikompara sa galaw ng dating Far Eastern University (FEU) Tamaraw MVP Terrence Romeo. Nakabuo si Melecio ng 19 puntos,  na pumangalawa kay top scorer Mbala na may 26 puntos. Tinuldukan ng Taft mainstays ang torneo sa iskor na 93-74.

Muling binigyang-karangalan ng Green Archers ang pamayanang Lasalyano at ang buong bansa. Matapos ang pagwawagi, mas naging kaabang-abang ang nalalapit na pagdepensa ng Taft-based squad sa trono sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 80 Basketball Tournament. Hindi pa man nagsisimula ang torneo, napatunayan na agad ng Green Archers ang galing ng koponan sa loob at labas ng bansa.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?