#SONA2017: Mga manggagawa, patuloy ang pakikibaka para sa regularisasyon

24 July 2017
190 Views

nina Claremont Mercado at Samirah Janine Tamayo

NAGTAYO ng kampuhan sa Mendiola ang mga manggagawa mula sa Metro Manila, Timog Katagalugan, CARAGA, at Southern Mindanao Region kaakibat ng patuloy na panawagan para wakasan ang kontraktwalisasyon, Hulyo 17-23. Layon ng Kampuhan Kontra Kontraktwalisasyon na pagbigkisin ang mga manggagawa at igiit sa administrasyong Duterte na kinakailangan tugunan ang suliranin ng mga manggagawa.

20394621_1755470521133797_147414251_o

 

Ayon sa Alyansa ng mga Manggagawa Laban sa Kontraktwalisasyon, patuloy ang malawak na kontraktwalisasyon sa ilalim ng administrasyong Duterte sa kabila ng pangakong wawakasan ito. Bagamat nangako rin ang administrasyong pagbutihin ang kalagayan ng mahihirap, hindi pa rin natutupad ang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa.

Sa pag-aaral ng IBON Foundation, umaabot sa P1,119 ang kinakailangan ng bawat pamilya upang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa kabila nito, P491 lamang ang minimum wage sa Metro Manila, P378.5 sa Timog Katagalugan, P340 sa Southern Mindanao Region, at P280 naman sa CARAGA.

Ibinahagi rin ng Shin Sun Workers Union mula sa Southern Mindanao Region na hindi umano sapat ang mga kagamitang pamproteksyon laban sa mga kemikal ng kanilang pagawaan. Anila, wala silang natatanggap na benepisyo kahit na lima o hanggang sampung taon na silang nagtatrabaho.

“Tinatanggal ang mga nagrereklamo sa sahod,” wika ni Ka Jerome mula sa Shin Sun Workers Union. Lampas din umano ang kanilang inilalaang oras sa nakatakdang oras ng paggawa subalit hindi sila nabibigyan ng sapat na sahod.

Giit ng Alyansa ng mga Manggagawa Laban sa Kontraktwalisasyon, kulang ang inilabas na Department Order (D.O.) 174 ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang iwaksi ang kontraktwalisasyon. Nagiging regular lamang ang mga manggagawa sa mga ahensya at hindi sa mismong kompanyang pinagtratrabahuhan, pagbabahagi nila.

Mula naman sa panig ni Ka Raffy, isang manggagawa sa pabrika ng Coca-Cola, patuloy na nagkakaroon ng mga malawakang tanggalan. Ani ng mga manggagawa sa kampuhan, isang taktika ito mula nang ipatupad ang D.O. 174. Pagtatapos niya, pinangangatwiranan umano ng mga kompanyang hindi nararapat gawing regular ang mga bagong pasok sa pabrika.

20347918_1755470491133800_1325393646_o

Nanawagan din ang mga manggagawang wakasan ang Martial Law sa Mindanao. Batid ni Ka Jerome, gumigimbal ang pandarahas ng mga militar at armadong grupo matapos ideklara ang Martial Law. Bukod sa pagbuwag ng mga picket line, binansagan din sila umanong mga terorista.

“Sabi sa amin, pag ‘di kayo aalis dito [sa picket line], gagamitan kayo ng dahas. Martial law na, wala na kayong karapatan,” salaysay ni Ka Jerome.

Kinondena rin ni Ka Gera, isang manggagawa mula sa Proctor and Gamble, na sa kabila ng kakayahan ng administrasyong Duterte na magpatupad ng martial law, hindi pa rin magawang sugpuin ang malawakang kontraktwalisasyon. “Isang executive order lang [ang kailangan] para mawakasan ang kontraktwalisasyon,” paliwanag niya.

Makikiisa ang mga manggagawa sa kampuhan sa People’s SONA sa Batasan Complex, Hulyo 24.

Retrato – kuha ni Steven Encarnacion

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?