#propaganda2017 | Pagkilala sa tumatakbong pangulo: Ong, isusulong ang Progressive Lasallian Engagement

17 July 2017
196 Views

ni Kathleen Elayda

IPINANGANGAKO ni USG President candidate Karl Ong ng Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) na makasasama ng mga Lasalyano ang University Student Government (USG) sa bawat hakbang na kanilang gagawin sakaling siya ang manalo sa darating na eleksyon.

Naniniwala si Ong na may karapatan ang mga Lasalyano na makibahagi sa USG kaya malaking papel ang kanilang gagampanan sa kanyang pamumuno. Bunsod nito, aniya, makatitiyak ang mga estudyanteng angkop para sa kanila ang bawat proyektong kanyang ipatutupad.

 

Motibasyon sa pagtakbo

Pagsasaad ni Ong, ang bawat pagkakataong magbigay serbisyo sa mga Lasalyano ang nagtulak sa kaya upang tumakbo bilang pangulo. ¨Hindi ko man naisip na maging presidente ngayon, pero dahil sa taon-taon na pinatawag ako ng mga estudyante… na may pagkakataon ako magbigay serbisyo sa kanila, ito ang nagtulak sakin upang tumakbo muli,” aniya.

Sa apat na taon ng kanyang paninilbihan sa USG, naging kapansin-pansin umano ang pagkakaiba sa paraan ng pakikipag-uganayan ng mga estudyante sa pamunuan. Ito ang naging dahilan upang isulong niya ang Progressive Lasallian Engagement na nakasentro sa pagbibigay ng iba’t ibang oportunidad sa lahat ng estudyante.

¨Kaya naman, gusto namin, bilang USG, na maibigay ito sa mga estudyante. Nama-maximize nila ang student life nila [rito] at makukuha rin nila or at malalaman din [nilang] sila rin ay mamamayan din ng ating bansa,¨ paglalahad ni Ong.

 

Pangako para sa Lasalyano

Sa kanyang pagtakbo, ipaglalaban ni Ong ang Inclusive at Holistic Governance, Dynamic USG, Empowered Lasallian Action, at Student Partnership. Aniya, ¨Sisiguraduhin ko na pagtitibayin ang pagkatawan sa bawat Lasalyano sa pamamagitan ng pagsimula ng mga proyekto at programa kung saan ang mga estudyante ay malaya na magbigay ng kanilang mga hinaing sa kanilang USG.¨

Isa sa mahahalagahang programa rito ang USG check and balance na magsusulong at magpapatuloy ng mga progama at resolusyong magpapabuti sa buhay ng mga Lasalyano.

Kaugnay nito, sa nalalapit na student handbook revision, titiyakin ni Ong na ipaglalaban niya ang mga pagbabagong nais ng mga estudyante para matugunan ang kanilang pangangailangan.

“Pwede nilang asahan na pag ako ang nanalo na makakasama nila ang USG sa bawat hakbang na aming gagawin. From every project that we’ll do We’ll be consulting the students at the beginning, before we do the project, as we do the project, and even after,” pagtitiyak ni Ong.

Bukod dito, bibigyang-pansin ni Ong ang seguridad sa loob Pamantasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tamang emergency protocols at response team upang maging handa sa anomang sakuna. Batid niya, “Bilang presidente, napapansin ko rin na dumadami ang problema natin katulad ng perwisyo sa Mindanao at marami din naman ditong kalamidad katuad ng pag bagyo, pag earthquake, at pag tsunami.”

Pagtitibayin din ng tumatakbong pangulo ang koordinasyon sa Science and Technology Complex (STC) sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga serbisyo at proyektong ihahandog sa mga estudyante. Dagdag pa niya, ¨Ipaglalaban namin na madagdagan ang mga opisinang aming nakakausap at nakakatrabaho upang palawakin ang mga katawan ng USG sa STC.¨

Batid ni Ong na mas magiging epektibo ang pamumuno kung hindi mag-aatubiling lumapit ang mga estudyante sa mga opisyal. Saad pa niya, “¨Naniniwala ako na pag mas nagtitiwala ang estudyante sa USG, nagagawa niya yung dapat niyang gawin.”

Maliban dito, mahalaga rin para kay Ong ang papel ng iba´t ibang opisina at administrasyon dahil sila ang daan upang mas makapagbigay ng oportunidad ang USG sa mga Lasalyano. “Alam namin na kapag kami ay nakakapagusap sa kanila, mas nabibigay naming ng oportunidad at mas napapaganda naming ang student life ang mga estudyante [rito],” pahayag ni Ong.
Mensahe sa mga estudyante

Sa darating na eleksyon, inaanyayahan ni Ong ang mga Lasalyano na makinig sa mga plataporma ng mga kandidato sapagkat isa itong pagkakataon upang makilala at makilatis ang mga pinunong mamumuno sa USG.

¨Hinihikayat ko na ang bawat Lasalyano ay bumoto at iboto ang student leader na para sa kanila[… ] Ang boto ng isang Lasalyano ay napakaimportante dahil ito ay magbabago o eto ay magdidikta kung ano ang mangyayari sa susunod na taon,¨ aniya.

Mula sa patnugot: Ninanais ng Ang Pahayagang Plaridel na mas maipakilala sa pamayanang Lasalyano ang mga kumakandidatong USG president upang makatulong sa kanilang pagboto. Ito ang huli sa tatlong serye ng artikulo tungkol sa mga tumatakbong pangulo.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?