#propaganda2017 | Pagkilala sa tumatakbong pangulo: De Vega, paiigtingin ang mga polisiya

17 July 2017
165 Views

nina Andre Nidoy at Tyrone Jasper Piad

“Ang nag-udyok talaga sa akin is meron akong nakitang direksyon of where the USG should go,” pagbabahagi ni independent presidential candidate Mikee De Vega. Bagamat hindi siya naging elected officer, ipinahayag ni De Vega na mayroon siyang karanasan sa University Student Government (USG) dahil naitalaga ang kandidato nang dalawang beses sa posisyon noong unang taon sa kolehiyo. Isinaad din niyang may pagkakataong nakapaglingkod siya sa Office of the Executive Secretary.

 

Pangakong plataporma

Isa sa mga nais tutukan ni De Vega sa kanyang plataporma ang aspetong akademiko. “Yung plano ko under that is kailangan natin pagandahin yung research and recommendations system,” aniya.

Bagamat isinasagawa ng USG ang focus group discussion at survey, naniniwala si De Vega na mayroon pang maaaring gawin upang malaman ang opinyon ng mga estudyante sa matrikula. Paliwanag ni De Vega, “Kailangan [din] nating tignan kung ano yung palagay ng mga estudyante about our professor, yung learning assessment natin, yung mga quizzes natin, [and] activities.”

Ipinunto ni De Vega ang kahalagahan ng pagkakaroon ng external evaluator ng Pamantasan. Gayunpaman, naniniwala siyang nararapat ding alamin ano ang pakiramdam o opinyon ng mga estudyante sa kasalukuyang curriculum.

“Kailangan nating alamin kung saan nagkukulang at para to make sure na di lang tayo maganda for external evaluators pero maganda rin yung programa natin for the students themselves kasi yung hinahanap naman natin sa academics is yung sense of security,” ani De Vega.

Binigyang-diin din ni De Vega ang pagsusulong ng Comprehensive Mental Health Act bilang bahagi ng polisiya ng Pamantasan. Nais niya itong isakatuparan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Center for Social Concerns and Actions at administrasyon.

Dagdag pa rito, may ilang pagbabago rin sa polisiya ang nais ipatupad ni De Vega kaugnay ng nalalapit na student handbook revisions. Kabilang dito ang academic requirement para magkaroon ng Latin honor, dress code policy, safe place policy, at grievance process.

Nais ding tutukan ni De Vega ang pagpapabuti ng accreditation process ng mga unrecognized student organization sa kampus. “Kung hindi naman talaga sila ma-accredit kasi limited lang yung funding ng university para supportahan yung rights ng mga students to self-organize kailangan magbigay ng tulong ng USG sa mga tao,” paliwanag ni De Vega.

Bukod dito, hinahangad ni De Vega na matulungan ang mga proseso ng mga organisasyon upang mas maging matiwasay ang operasyon. Pahayag ni De Vega, “I think kailangan na mas makihalok ang USG to make sure na mangyari ito ng mas mabilis para mas maraming estudyante ang makinabang.”

Nakikita rin ng presidential candidate ang kahalagahan ng pakikiisa ng pamayanang Lasalyano sa mga pambansang isyu. Aniya, nararapat lamang na mas maging mabilis ang paglalabas ng USG ng tindig sa mga pambansang isyu. “Kailangan natin ng mas sistematikong paraan ng [mobilization] ng mga estudyante pagdating sa mga kilos-protesta […] kailangan na natin gumawa ng network ng mga estudyante na talagang involved naman sa mga bagay,” suhestyon ni De Vega.

 

“Sense of security”

Binanggit ni De Vega na nakikita ang pagsusumikap ng admin na mapabuti ang estado ng edukasyon ng Pamantasan. Ginamit niyang halimbawa ang katatapos lamang na pagsusuri ng ASEAN University Network at pagkakaroon ng DLSU ng maraming center of excellence.

Gayunpaman, hindi naiwasang isalaysay ni De Vega ang suliraning bumabagabag sa kanya kaugnay nito. “Pero kapag tinanong mo yung mga estudyante kung ano ang palagay nila sa academics they think its challenging feeling nila hindi, minsan palagay nila yung mga inaaral nila hindi nila magagamit in real life,” paliwanag niya.

Binigyang-diin ng presidential candidate ang kahalagahang malaman ng mga estudyanteng maaari nilang gamitin ang kanilang inaaral sa hinaharap. “Yung sense of security natin pag nakagraduate tayo palagay natin ito na yung ticket to success […] naramdaman mo yung sense of security na itong inaral ko magagamit ko talaga siya sa labas at naaral ko siya sa pinakamabuting paraan,” aniya.

“Unfortunately very varied kasi yung needs ng mga students so kapag nag-e-evaluation ng teachers, di ba numbers kasi yan eh, so hindi mo nakikita yung qualitative aspect and yung problema kasi yung sa execution,” patuloy na pagsasaad ni De Vega.  Buhat nito, nais niyang ayusin ang pamamaraan ng pananaliksik ng Pamantasan at USG sa pamamagitan ng pinaigting na focused group discussion at survey.

Iminungkahi rin ni De Vega na nararapat lamang na makipag-ugnayan ang USG sa Dean of Student Affairs upang maipahayag ang resulta ng isinagawang pananaliksik kaugnay nito.

 

Pagtakbo sa posisyon

Naniniwala si De Vega na ang pagkamit niya ng posisyon ang magbibigay-daan upang matugunan niya ang pangangailangan ng pamayanang Lasalyano. “Siya (USG president) yung nagrerepresent ng mga students […] Ang kaya niyang gawin talaga is mag-set ng direction USG. […] Ano ba talaga yung mga collaboration na gagawin natin sa loob ng USG para makarating roon?” ani De Vega.

Higit sa estadistika, nais patunayan ng presidential candidate na dapat mas tutukan ang iba pang aspeto ng suliranin upang matugunan ito nang maayos. “Nakakalimutan natin yung qualitative aspect of the problem which is ano ba talaga yung pinagdadaan ng mga estudyante,” paniniwala ni De Vega.

Mula sa patnugot: Ninanais ng Ang Pahayagang Plaridel na mas maipakilala sa pamayanang Lasalyano ang mga kumakandidatong USG president upang makatulong sa kanilang pagboto. Ito ang una sa tatlong serye ng artikulo tungkol sa mga tumatakbong pangulo.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?