#propaganda2017 | Pagkilala sa tumatakbong pangulo: Chua, ipinaglalaban ang platapormang “Rise of the Ordinary”

17 July 2017
148 Views

ni Josee’ Ysabella Abriol

“Yung gusto naming mangyari is ma-touch on lahat ng aspetong buhay ng isang Lasalyano, from USG representation to student life nila.”

Ganito ang University Student Government (USG) na hangad isulong ni Erielle Chua ng Alysansang Tapat sa Lasallista (Tapat) sakaling siya ang manalong USG President sa darating na eleksyon.

Sa platapormang “Rise of the Ordinary”, titiyakin ni Chua na mabibigyan ng boses ang bawat Lasalyano sa iba’t ibang usapin sa loob at labas ng kampus. Ipinangako rin niyang gagawin niya ang kanyang makakaya para makapaghatid ng mga oportunidad at hindi matatawarang serbisyo sa mga estudyante.

Inspirasyon sa pagtakbo

Pagbabahagi ni Chua, naisipan niyang tumakbo bilang pangulo dahil gusto niyang maging tulay para matugunan ang pangangailangan ng isang ordinaryong estudyante.

“[Nakikita ko kasi] na may mga estudyanteng nakakatanggap ng pagtulong ng USG pero hanggang ngayon marami pa ring tao na hindi napapansin, hindi nakikilahok sa sistema ng USG,” paglalahad ni Chua.

Matapos hindi palaring manalo bilang Vice President for Internal Affairs noong nakaraang halalan,  muling naranasan ni Chua ang realidad sa buhay ng isang Lasalyano. Ito ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na tumakbo para sa pinakamataas na posisyon sa student government ngayong General Elections.

Platapormang isinusulong

Sa pagsasakatuparan ng kanyang plataporma, isusulong ni Chua ang tatlong reporma: Open Government, Enhancing University Life, at Collaborative Student Engagement.

Ayon sa kandidato, pagsisikapan niyang mapaunlad ang kultura at sistema sa loob ng student government sa tulong ng mga mahahalal na opisyal.  “Papalitan namin yung mga kultura na pagiging exclusive tsaka elitista daw ng USG, kung saan papakinggan namin at bibigyan ng tugon ang bawat [problemang] pinapagdaanan ng bawat estudyante,” paliwanag niya.

Dagdag pa rito, gagawin niya ang kanyang makakaya para maging maayos ang iba’t ibang serbisyong maaaring ihatid ng USG, gaya ng WiFi at transportasyon. Titiyakin din niyang mabibigyang-pagkakataon ang mga Lasalyano na makilahok sa mga usaping pambansa sa pamamagitan ng mga programang kanyang ilulunsad.

“So, balak namin pa namin [is] we try to focus on kung ano talaga yung gusto nilang gawin,  hindi yung nagi-impose o nagdi-dictate kung ano yung kailangan nilang gawin,” diin pa ni Chua.

Kaugnay naman ng integrasyon ng Taft at Science and Technology Complex (STC) campus, paiigtingin ito ng USG President candidate sa pamamagitan ng mga programa at town hall sessions na bukas sa mga estudyante ng dalawang kampus. Wika pa niya, “[We will] ensure na reliable yung Arrows Express and free of charge sana siya kasi may plano kasi next year na yung Arrows Express, may bayad na. “

Tungo sa epektibong pamamalakad

“Every year na lang nahihirapan sa eleksyon, so ibig sabihin, may something wrong talaga sa loob ng USG or at least sa dalawang partidong nagpapatakbo ng USG [at marami ang nakararamdam] na toxic yung USG o yung dalawang partido,” salaysay ni Chua.

Bunsod nito, uunahin ng USG President candidate ang pagsasaayos ng sistema sa loob ng student government sakaling palaring manalo. Nananalig siyang magiging posible ito sa pamamagitan ng pagbibigay-halaga sa tunay na layunin ng USG – makapaghatid ng mga programang tunay na kailangan ng mga estudyante.

Nananalig si Chua na magiging epektibo ang kanyang pamumuno dahil ipadarama niya sa bawat opisyal ng USG na naglilingkod sila para sa mga estudyante. Sa pamamagitan nito, makabubuo, aniya, sila ng nagkakaisang student government na magsisilbing-kinatawan ng student body sa iba’t ibang sektor.

Para sa mga Lasalyano

Sa nalalapit na halalan, inaasahan ni Chua ang partisipasyon ng mga Lasalyano sa pamamagitan ng pakikinig sa plataporma ng lahat ng kandidato, anoman ang partido.

Batid ni Chua na pinag-isipang mabuti ng bawat isa ang mga platapormang kanilang inihain para lubusang maibigay ang pangangailangan ng mga estudyante.“From nahihirapan ka sa pag-aaral to paghahanap ng car o pagpunta sa school, or sa printing services na offer ng USG or SCOOP ‘no, lahat ito tinry talaga namin i-take into account,” salaysay ni Chua.

Kaya naman, iniimbitahan niya ang lahat ng botante na suriin ang mga pangakong binitiwan ng mga kandidato para malaman kung tutugon ang mga ito sa kanilang pangangailangan.

Mula sa patnugot: Ninanais ng Ang Pahayagang Plaridel na mas maipakilala sa pamayanang Lasalyano ang mga kumakandidatong USG president upang makatulong sa kanilang pagboto. Ito ang pangalawa sa tatlong serye ng artikulo tungkol sa mga tumatakbong pangulo.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?