#propaganda2017 | GE 2017 candidates, humarap sa hamon ng debate

16 July 2017
223 Views

nina Juan Miguel Canja at Robert Jao Diokno

NAGTAGISAN ng galing sa pakikipagdebate ang ilang kandidato para sa General Elections (GE) 2017 sa isinagawang Harapan 2017: General Elections Debate, Hulyo 14 sa William Shaw Little Theater.

Unang sumalang sa entablado sina Adrian Mendoza (Santugon) at Pearl Guevarra (Tapat) na parehong kumakandidato bilang Legislative Assembly (LA) Representative. Ibinigay ng dalawa ang kanya-kanyang pananaw hinggil sa usaping transparency ng campaign funds ng mga political party. Inihayag ni Mendoza na hindi kailangan ng “full disclosure” sa paggastos sa pangangampanya dahil maaaring isipin ng student body na pondo ng Pamantasan ang ginagamit ng mga partido. Nilinaw naman ni Guevarra na karapatan ng mga estudyanteng mabigyan ng full transparency kahit pa sa mga bagay na may kaugnayan sa political parties.

Sunod na nakipagtunggalian ang mga tumatakbong University Student Government President na sina Erielle Chua (Tapat), Mikee De Vega (Independent), at Karl Ong (Santugon). Naniniwala silang lahat na kailangan maging mas mahigpit ang USG para malutas ang isyu ng korupsyon sa pamunuan. Ani Chua, kailangan ibalik ang Office of the Ombudsman upang mapadali ang pag-iimbestiga sa mga alegasyon. Inihayag naman ni De Vega na kailangan ayusin ang due process sa pagresolba ng alegasyon at hindi dapat patawan ang akusado ng parusa kung wala pang matibay na ebidensya. Para naman kay Ong, hindi perpekto ang sistema ng USG kaya naman kailangan magkaroon ng pagsusuri sa mga account balance ukol sa alegasyon.

Tungkol naman sa pagiging mas makapangyarihan ng USG sa Pamantasan ang sunod na tinalakay nina Zam Doctolero (Tapat) at Adi Briones (Santugon) sa college president round ng debate. Ipinahayag ni Doctolero na nais niyang panatilihin ang pagiging mas makapangyarihan ng admin kaysa USG ngunit hindi umano ito nangangahulugang mawawalan ng kapangyarihan ang student body. Ani Briones, kinakailangan may kinatawan ng USG na uupo sa mga pagpupulong ng Board of Trustees para maipaalam ang tindig ng mga Lasalyano.

Para sa huling paksa, nagharap ulit ang mga tumatakbong USG President para sagutin paano nila mahikayat ang mga Lasalyano na makibahagi sa mga usaping panlipunan. Ibinahagi ni Ong na kailangan makuha ang boses ng bawat Lasalyano upang magawan ito ng konkretong aksyon ng USG. Isinalaysay ni Chua na nais niyang magkaroon ng programang “Bantay Lasalyano” na maglalapit sa mga estudyante sa mga isyu sa lipunan. Naniniwala naman si De Vega sa kahalagahan ng pagiging proactive ng USG sa pagtalakay sa mga pambansang diskurso upang makapaglabas agad ng tindig.

Matapos ang deliberasyon ng mga adjudicator, itinanghal na panalo sina Mendoza, Doctolero, De Vega, at Ong.

 

Retrato – mga kuha ni Mitzi Gabit

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?