Balik-Saka, inilunsad sa Lupang Kapdula; mga magsasaka, nagpahayag ng mga hinaing

6 July 2017
416 Views

ni Claremont Mercado

IKINASA ng Samahan ng Magsasaka ng Kapdula (SAMAKA) ang Balik-Saka sa Lupang Kapdula sa hasyenda ng pamilyang Enrile, Hulyo 1 sa Dasmariñas, Cavite. Layunin ng pagbubungkal ng lupa na igiit ang tunay na reporma sa lupa at pagyamanin muli ang lupaing nakatiwangwang matapos paalisin ang mga magsasaka.

Inimbitahan din ang sektor ng kabataan sa naturang programa upang makiisa at tumulong sa pagtatanim. Bukod dito, hangad din ng programang mamulat ang kabataan sa kasalukuyang lagay ng sektor ng mga magsasaka.

 

06.30.17 Hacienda Enrile (Kuha ni Nicole Rey) B

 

Ipinagkaloob ang Lupang Kapdula sa mga magsasaka noong 1991 subalit nagkaroon ng Joint Venture Agreement (JVA) ang mga magsasaka at South Cavite Land. Pangako ng South Cavite Land, uunlad umano ang buhay ng magsasaka sa ilalim ng JVA kaysa sa tradisyunal na pagsasaka.

Gayunpaman, iginiit ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) na inabuso ng South Cavite Land ang mga magsasaka sa ilalim ng JVA. Inihain ng South Cavite Land ang Land Use Conversion sa Department of Agrarian Reform (DAR) noong 2003 dahilan para hindi mapakinabangan ng mga mambubukid ang lupa. Dagdag pa rito, lingid sa kaalaman ng mga magsasaka na gagawing residential land ang mga lupang nagsilbing pastulan ng baka.

Ayon kay *Ka Peter, magsasaka sa Kapdula, matagal na nilang ipinaglalaban ang kanilang pagmamay-ari sa lupain subalit hindi sila pinapapasok ng mga armadong gwardiya at tanod dito. “Pitong taon na kaming nalaban sa papel-papel lang. […] Nakapangalan sa amin ang Kapdula, nakatitulo sa amin ang lupa subalit hanggang papel lang,” wika niya.

Ibinunyag din ng KASAMA-TK na nagtayo noong 2010 ang National Power Corporation (NAPOCOR) ng mga linya ng kuryente para sa tinatayong subdivision sa Kapdula. Sambit ni *Ka Peter, “Nagkaroon ng desisyon noong 2010 na pinagbabayad yung NAPOCOR ng P1,725 per square meter [sa mga naapektuhang magsasaka].” Sa kabila nito, sa South Cavite Land napupunta ang kabayaran ng NAPOCOR sapagkat mas kinikilala raw ng hukuman ang abogado ng South Cavite Land.

 

06.30.17 Hacienda Enrile (Kuha ni Nicole Rey) C

 

Bukod sa suliranin sa lupa, hinaharap ng mga magsasaka ang problema sa irigasyon at kakulangan sa kagamitan. Bunsod nito, nakadepende lamang ang mga magsasaka sa ulan upang maipagpatuloy ang produksyon.

Kabilang din sa mga suliranin ang sapilitang pagpapalayas sa mga magsasaka at mga residente sa naturang kalupaan. Pahayag ni *Ka Red, tagapangasiwa ng programa mula sa KASAMA-TK, kung hindi lalaban ang mga magsasaka, marami ang mapalalayas. Inoorganisa rin ng mga magsasaka ang mga mamamayan sa kanilang lugar upang sama-samang makibaka para sa karapatan sa lupa.

Ipinaglalaban ng SAMAKA ang pagpapatupad ng repormang agraryo na sasagot sa suliranin sa lupa ng mga magsasaka. Sa kabila nito, hindi pa rin naipapasa sa kongreso ang House Bill No. 255 o Genuine Agrarian Reform Bill.

Bukod pa sa suliraning pang-agraryo, nanawagan din ang samahang ipagpapatuloy ang usaping pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Kasalukuyang isinusulong ng NDFP sa usaping pangkapayapaan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms na naglalayong maipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

*hindi tunay na pangalan.

 

Retrato – mga kuha ni Nicole Rey

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?