Pride March 2017: Pagkakaisa tungo sa mapagpalayang lipunan

29 June 2017
442 Views

ni Jhuneth Dominguez

“Hindi makikita ang tunay na kagandahan sa panlabas na anyo sapagkat makikikita ito sa paglabas ko ng pinto! Ang nagpatibok sa puso ni Dingdong Dantes. Ako po si Marian Rivera, 14, Philippines!”

Kasabay ng pagbigkas ni Totoy ng mga katagang ito ang pagrampa niya sa harap ng salamin sa loob ng kanyang silid. Ipinusod na naman niya ang kanyang sando at itinerno ito sa nakapulupot na kumot sa baywang. Puno rin ng kolorete ang mukha gamit ang make-up at lipstick na palihim niyang kinuha mula sa kwarto ng kanyang ina.

Makikita ang lambot ng katawan sa patuloy na pagkembot sa awiting nasa radyo habang binibigkas ang kanyang linya. Matapos ang ilang saglit, bigla na lamang bumukas ang pintuan ng kanyang silid at bumungad ang kanyang ama. Mapapansin ang galit sa mukha ng kanyang ama–nanlilisik ang mga mata sa pagkamuhi sa sariling anak. Hinila niya ang kumot na nakapulupot kay Totoy at itinulak siya papunta sa kama. Itinaas niya ang kanyang kamao at nagdilim ang lahat.

Isa lamang ito sa mga kadalasang diskriminasyong nararanasan ng mga myembro ng LGBTQ+ community. Bagamat nais lamang nilang magpakatotoo sa kanilang mga sarili, patuloy pa rin ang pagtanggap nila ng panghuhusga mula sa lipunan

 

6.24.17. Pride March (Kuha ni Arah Reguyal)

 

Pagsikat ng araw, pagsibol ng pag-asa

Ipinagdiwang noong Hunyo 24 ang ika-25 na Pride March sa Plaza De Los Alcaldez, Marikina City. Daang-daang mga myembro ng LGBTQ+ ang nakiisa at dumalo sa selebrasyong ito. Dala-dala nila ang makukulay nilang mga bandera, damit, sumbrero, karatula, at iba pang mga simbolo ng mga kulay mula sa bahaghari. Bukod pa rito, kasama rin nila ang kanilang mga kaibigan at kaparehang walang sawang sumusuporta sa adhikain ng LGBTQ+ community.

Bagamat nasa ilalim ng tirik na araw, patuloy pa rin ang pakikilahok ng mga dumalo at pagdaraos ng programa, maging ang pagpoprotesta ng ilang kinatawan ng Simbahan. Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ilang mga myembro ng LGBTQ+ ng mga karanasan nila, pati na rin ang kahalagahan ng selebrasyon para sa kanilang pagkakaisa. Ipinakita nila ang kanilang suporta sa mga taong hindi pa handang lumantad at ipinabatid na hindi sila nag-iisa.

Isa sa mga guest speaker na nakiisa sa pagdiriwang si Sen. Riza Hontiveros. Ayon sa kanya, “Ang walk na ito ay para sa mga hindi kayang magwalk dito.” Nakilahok rin sa nasabing selebrasyon si Super Star Nora Aunor.

Pagsapit ng alas kwatro ng hapon, naghanda na ang mga tao para sa parada. May mga nakatalagang mga lugar sa bawat grupong nakilahok. Taas-noo silang humakbang sa parada–walang iniisip na iba kundi ang kanilang layunin.

Bata, matanda, Pilipino man o banyaga, naroon silang lahat upang ipagdiwang ang pagiging bukas at malaya ng kanilang sarili. Sama-sama nilang ipinaglalaban ang kanilang karapatan nang walang kinatatakutan.

“Huwag ‘mashokot’, ‘makiwarla’,” malakas na hiyawan ng mga nakiisa sa parada. Maririnig din ang pag-awit ng mga ibang nakilahok ng kantang Born this way ni Lady Gaga.

Tunay na makikita ang masidhing pagkakaisa.

Patuloy ang pag-iingay at pagsasaya ng bawat organisasyong nakilahok. Kitang-kita ang bakas ng pagkagalak sa kanilang mga mukha. Matapos ang parada, nagpatuloy ang programa hanggang sa paglalim ng gabi.

 

06.25.17. Pride March (Kuha ni Don Pablo)(1)

 

Pag-alpas sa masalimuot na nakaraan

Hindi matatawaran ang ipinaglalaban ng mga myembro ng LGBTQ+ community. Nais nilang ipakita ang pagkakaisa at pagmamahalan sa lipunan, anomang sektor ang kinabibilangan.

Ayon kay Superstariat XXX, isa sa mga host ng programa simula pa noong 1999, “This [Pride March] is important to show unity, to fight for basic human rights, to feel nurtured, accepted, and to fight against discrimination.”

Ayon naman kay Joshua Pardiñez, 17, myembro ng isang LGBTQ+ organization sa University of Sto. Thomas, “Katulad ng ibang LGBT, they don’t feel accepted and they feel alone but they’re not! Sama sama tayo. We are as one.” Bukod pa rito, isa rin sa ipinaglalaban ng LGBTQ+ community ang awareness laban sa HIV.

Isa sa mahahalagang dahilan ng adhikaing ito ang pagkakaisa sa kabila ng diskriminasyon. Karamihan sa mga nakikilahok sa selebrasyong ito ang mga biktima ng pang-aapi at panghuhusga.

Ayon kay Trish O’Bannon, 23, naglayas siya mula sa kanilang tahanan buhat ng labis na panghuhusga ng kanyang ina. “In-enroll ako ng mom ko sa all girls Catholic school dati. Nabasa niya yung diary ko kaya nalaman niya na I started liking girls. She forced me to go to mass only to find out na the mass was being offered for me to see the light and be enlightened.”

Kwento naman ni TJ, 34, “Kahit nga sa simpleng pag-CR lang, lalayo yung ibang lalaki kasi akala nila may masamang intensyon ako.”

 

06.25.17. Pride March (Kuha ni Don Pablo)

 

Kabilang panig ng pakikibaka

Bagamat maraming tumatanaw sa kahalagahan ng pagdiriwang, marami pa ring mga hindi sang-ayon sa adhikain ng Pride March. Habang patuloy ang pagsasaya ng mga dumalo, maririnig sa kabilang dako ng plaza ang hiyaw ng mga taong salungat dito.

“Huwag kayong magkasala sa Diyos!” sigaw ng isang lalaking may hawak ng megaphone.

“Lalaki at babae lamang ang ginawa ng Diyos!” dagdag ng babaeng patuloy na itinataas ang kanyang placard.

“Kasalanan yan! Mabubulok kayo sa impyerno!” hiyaw naman ng iba pa nilang mga kasamahan.

Sila ang ilan sa mga kinatawan ng Simbahan na nagpoprotesta sa labas ng plaza. Ayon kay Daisy Concepcion, 25, “Mahal namin sila bilang mga tao kaya ipinararating namin sa kanila na God really hates homosexuality. It’s in the Bible. Of course, love wins! Pero we have to define love according to the Bible. What if false love lang siya o self gratification?”

Ani Concepcion, hindi sila galit sa mga myembro ng LGBTQ+ at nais lamang niyang mapabuti ang lagay ng mga tao. “We don’t hate the person, we hate the sin,” dagdag pa niya.

Iba naman ang tingin ng ibang mga myembro ng simbahan dito. Ayon kay Noel Bordador, isang American-Filipino pastor, wala naman daw talagang tuwirang sinasabi ang Bibliya sa isyu ng homosexuality. Ipinakita pa nga niya ang isang linyang magpapatunay na pagmamahalan ang dapat manaig at hindi pagkapoot o pagkamuhi sa kapwa.

Hindi rin naiwasan ang pagsasagutan ng panig ng mga kinatawan ng Simbahan at ng ibang mga myembro ng LGBTQ+ community. Habang humihiyaw ang kabilang panig ng “Jesus”, sinasagot naman ito ng “Love wins!” ng kabila.

 

Pagkakaisa ng magkakaibang kulay ng bahaghari

Hindi man tanggap ng ibang mga tao ang paglalantad ng mga myembro ng LGBTQ+ community, hindi ito nagiging hadlang upang piliin nilang magpakatotoo sa kanilang sarili.

Para sa kanila, mahalagang mananatili sila para sa isa’t isa–nagdadamayan, at nagmamahalan. Nais iparating ng Pride March na hindi sila dapat matakot na magpakatotoo at ipaalam sa mundo ang kanilang identidad. Kaugnay nito, handang yakapin ng LGBTQ+ community ang sinomang nais makiisa sa kanila.

Wika nga ni Loreen Ordoño, 29, isa sa co-coordinators ng Pride March 2017, “We’re here. We’ll always be here. It doesn’t matter if you’re part of the LGBTQ+ community or if you’re an ally.” Ipinahayag niyang maaaring siyang lapitan ng sinomang bahagi ng komunidad kung kailangan nila ng suporta.

“We’re here,” pagtitiyak ni Ordoño sa lahat ng myembro ng LGBTQ+ community.

 

Retrato – mga kuha nina Arah Reguyal at Don Pablo

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?