Selebrasyong nakatuon sa pagbibigay-serbisyo: UnivWeek 2017, matutunghayan ngayong linggo

12 June 2017
479 Views

ni Alyssa Gervacio

PUSPUSAN ang naging preparasyon ng DLSU para sa University Vision-Mission Week (UnivWeek) 2017 na idaraos ngayong Hunyo 9 – 16. Pinangunahan ni Vice President for Internal Affairs (VPIA) Karl Ong, kasama ang iba’t ibang sektor ng Pamantasan, ang paghahanda para sa selebrasyon.

Sa temang “Imakadiwa: Sigaw ng Paglilingkod,” hinihikayat ng selebrasyon na maging Imakadiwa o “relentless warriors” ang mga Lasalyano sa pamamagitan ng pagbibigay-serbisyo sa anomang paraan.

Sinimulan ang paghahanda para sa UnivWeek noong naluklok sa pwesto bilang VPIA si Ong kasama ang dalawang co-project heads na sina Sarah Pheobe Lim at Kaye Baguilod. Pagmamalaki ni Ong, “Marami pa ang kailangan ayusin ngunit dahil maayos namin itong nasimulan, naayos namin ang lahat ng problema. Masasabi kong napakahusay ng central committee kaya lahat ay naaayos.”

Nakipagtulungan ang opisina ni Ong kay Vice President for Lasallian Mission Br. Michael Broughton upang maisakatuparan ang lahat ng programa ng UnivWeek tulad ng Culminating Night, Indie Night, Lasallian Showtime, at marami pang iba.

Tampok sa UnivWeek ngayong taon ang samo’t saring programang makatutulong upang isabuhay ng pamayanang Lasalyano ang mga layunin ng DLSU. Pahayag ni Ong, “Dahil service ang tema sa taon na ito. hinikayat namin na ipasok ang serbisyo sa lahat ng mga programa.”

Gaya ng mga nagdaang UnivWeek, sasailalim ang bawat estudyante sa Lasallian Enrichment Alternative Program (LEAP) na naglalayong mabigyan ang mga Lasalyano ng karagdagang kaalaman sa pamamagitan ng mga alternative class.
Bibigyan din ng pagkakatong masulyapan ang pamumuhay ng mga Lasallian Brother sa pamamagitan ng Brothers’ Community Open House.
Para mapaigting ang layuning Faith, Service, at Communion ng DLSU, magdaraos ng Eucharistic Celebration Annual Memorial Mass at Battle of the Bands na magtatampok ng praise songs.

Tinitiyak din ng OVPIA na makapagdudulot ng kasiyahan sa mga estudyante ang mga programang handog ng selebrasyon. Kaugnay nito, magtatanghal ang ilan sa mga sikat na banda sa bansa gaya ng Parokya ni Edgar, Moonstar88, 6Cyclemind, Spongecola, at marami pang iba. Magkakaroon din ang iba’t ibang patimpalak katulad ng Lasallian Showtime at Talent Quest 2k17.

Sa kabila ng masusing preparasyon, ipinahayag ni Ong na maaari pa ring magkaroon ng suliranin sa pagdiriwang. Aniya, “Isa sa mga problemang hinarap namin ay ang koordinasyon sa iba’t ibang sektor sa unibersidad.” Gayunpaman, tinitiyak niyang masosolusyonan ang problema sa pamamagitan ng maayos na paghahati ng trabaho sa buong komite.

“Importante ang pagdaraos ng UnivWeek dahil nagsisilbi itong paalala sa bawat Lasalyano na tinatawag tayo upang magbigay serbisyo sa iba. Bukod sa perang maibibigay natin sa mga beneficiaries, isa rin itong pagkakataon upang tayo ay magkasama at magdiwang na tayo ay mga Lasalyano,” pagtatapos niya.

Inaasahang magsisilbing-daan ang UnivWeek para makakalap ng pondo para sa La Salle Pre- School, LINGAP Scholarship Fund, Lasallian Legacy Scholarship Fund, USG Student Government Assistance Fund, at University Vision- Mission Week Fund.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?