#StandWithMarawi: Pagdeklara ng Martial Law sa Mindanao, tinutulan ng mga estudyante

25 May 2017
444 Views

ni Marc Daniel Abiño

SININDIHAN ng mga estudyante ang mga hawak-hawak na kandila upang magpakita ng simpatya para sa mga biktima ng hindi inaasahang terrorist attack ng Maute Group sa Marawi, Mayo 24 sa Mendiola. Kinondena rin ng mga dumalo ang pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Batas Militar sa buong Mindanao bunsod ng engkwentro.

Ayon sa mga lumahok sa naturang candle-lighting activity, hindi kayang resolbahan ng militarisasyon ang armadong tunggaliang laganap sa Mindanao. Sa halip, nananawagan silang tugunan ng gobyerno ang sanhi nito tulad ng suliranin sa lupa at mababang kalidad ng serbisyo mula sa pamahalaan.

Kasalukuyang nakasuspinde ang pribilehyo ng writ of habeas corpus o ang pagbabawal na mang-aresto nang walang arrest warrant. Bukod pa rito, inanunsyo ng Pangulo na iaakyat pa niya ang naturang suspensyon sa Martial Law. Karahasan, pananalakay, at rebelyon ang batayan para magdeklara ng Martial Law alinsunod sa Art. 7, Sek. 18 ng Saligang Batas.

Ayon kay Kabataan Party-List Rep. Sarah Elago, peace negotiations sa Mindanao ang dapat na pagtuonan ng gobyerno. “Ang dapat na magpatuloy siyempre ay yung peace negotiations na nakabatay sa ugat ng armadong pakikibaka kasi kung hindi mo iyon gagawin, parang mga band-aid measures ang mangyayari,” ani Elago.

Iminungkahi rin ni Elago na dapat munang linisin ang hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Giit niya, “Matuto na tayo sa nangyari sa Mamasapano. May isang batch [ng] operation, nakita natin kung paano [kumikilos] itong ating forces and not really for the interest of the people.”

Dagdag naman ni JP Rosos, National Spokesperson ng League of Filipino Students, magbibigay-daan lamang ang pagdeklara ni Duterte ng Martial Law sa pagpasok ng mga dayuhang sundalo sa bansa. Bunsod nito, naninindigan si Rosos na mawawalan ng karapatang magpasya nang sarili ang mga kababayan sa Mindanao. Naniniwala rin si Elago na binuo ng US ang mga grupo katulad ng Maute at Abu Sayyaf upang mapangatwiranan umano ang kanilang pakikialam sa Pilipinas.

Nilinaw ni Duterte na hindi lalagpas sa 60 araw ang Batas Militar sa Mindanao. Sa kabila nito, binigyang-diin ni Elago na dapat matanggal kaagad ang Martial Law sa Mindanao sapagkat maaari pa itong magdulot ng paglabag sa karapatang pantao. “Wala pa nga yung Martial Law sa Mindanao, tuloy-tuloy yung human rights abuse, paano pa kaya [kung magtagal pa]?” pangamba ni Elago.

Sa pagtatapos ng programa, hinikayat ang mga kabataang ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa pasismo ng pamahalaan at sa posibilidad na magdeklara ng Martial Law, hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa.

 

Retrato – kuha ni Marc Daniel Abiño

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?