Selebrasyon ng mga kampeon: Lady Spikers, bumida sa meet and greet!

21 May 2017
257 Views

ni Jea Rhycar Molina

DINUMOG ng daan-daang tagasuporta ang meet and greet ng DLSU Lady Spikers upang bigyang-pugay ang matagumpay na pagdepensa sa korona kontra Ateneo, May 20 sa Cory Aquino Democratic Space. Idinaos ito sa pangunguna ng University Student Government (USG) at Office of Sports Development (OSD).

Pagsilip sa back-to-back Champions

Dumagundong ang buong Henry Sy Grounds sa pagpasok ng Lady Spikers na bitbit ang matatamis na ngiti buhat ng pagkapanalo. Kasama nila ang head coach ng koponan na si Ramil De Jesus, pati na rin ang ilang coaching staff at manager ng koponan. Ipinakilala rin ang mga bagong Senior High School (SHS) Lady Spikers na kasalukuyang naghahanda para sa kanilang pagsabak sa UAAP pagsapit nila ng kolehiyo.

Binuksan ang programa sa pamamagitan ng dance number mula sa Lady Spikers na pinangunahan nina Michelle Cobb, Aduke Ogunsanya, at Ernestine Tiamzon. Sinundan ito ng ilang mga palaro upang mabigyan ng pagkakataon ang fans na makihalubilo sa kanilang mga iniidolo.

Sinabay rin ang paggunita sa Mother’s Day nang anyayahan ang mga butihing nanay na umakyat sa entablado upang mabigyan ng regalo at makalapit sa Lady Spikers. Bago matapos ang programa, nagkaroon ng pagkakataon ang 10 dumalong fan na magbigay katanungan na sinagot naman nang personal ng Lady Spikers.

“Sino ang susunod na team captain?” ang naging pambungad na katanungan para kay Coach Ramil De Jesus. Iling at wagayway ng mga kamay lamang ang kanyang ginawa na nagpapahiwatig na wala pang papalit sa kay Team Captain Kim Fajardo.

Humingi rin ng ilang payo ang mga tagasuporta na naglalaro rin ng volleyball. “Dapat ready kang masaktan,” sambit ni Dawn Macandili. Dagdag pa ni Kim Kianna Dy, “If you really want it, you have to work hard for it.”

Salamat, KAFtain!

Huling nagtanong ang isang batang lalaki kay Team Captain Kim Fajardo (KAFtain) kung maaari ba siyang makipaglaro sa kanya. Bumaba si Fajardo ng entablado upang lapitan ang bata na tuluyang naluha nang yakapin siya ng kanyang idolo.

Naging emosyonal na ang lahat matapos ang tribute na inihanda ng Lady Spikers para kay Fajardo. Ayon sa kapitan, handa na ang iiwan niyang team na depensahan ang titulo sa darating na UAAP Season 80.

Buong-pusong nagpasalamat ang buong koponan at coaching staff kay KAFtain sapagkat maraming oportunidad ang tinanggihan niya upang manatili sa koponan. .

Nagpasalamat din ang buong koponan sa fans na walang sawang sumusuporta sa bawat laban at patuloy na naniwala sa kanilang kakayahan. Inialay nila ang kampeonato na ito kay Fajardo at sa mga tagahanga na hindi bumitiw sa kampanya ng Taft based squad, manalo man o matalo . Winakasan ng Lady Spikers ang programa sa pamamagitan ng paghahandog ng isa pang dance number para sa kanilang mga tagasuporta.

Retrato – Kuha ni Kinlon Fan

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?