DLSU Lady Booters, muling ibinulsa ang kampeonato matapos ang pitong taon!

8 May 2017
423 Views

nina Maria Jose Elumba at Justine Earl Taboso

NAKAMIT ng DLSU Lady Booters ang championship title ng UAAP Season 79 Women’s Football Tournament nang wasakin ang UST Growling Tigresses sa iskor na 3-1, Mayo 7 sa Rizal Memorial Stadium. Itinanghal na Most Valuable Player si DLSU Booter Kyla Inquig sa kanyang husay na ipinamalas sa buong season.

Agad sumabak sa mainit na banggaan ang parehong koponan sa pagsisimula ng laro. Naging agresibo ang DLSU sa agarang pagpuntos upang malamangan ang kalabang koponan. Nagpakawala ng isang corner kick si DLSU Lady Booter Irish Navaja sa 8’ minute mark ngunit napigilan ito ng UST. Hindi nagpatinag ang DLSU nang muling sumipa mula sa kaliwang banda ng field si Navaja sa 19’ minute mark ngunit lumabas lamang ito.

Sa kabilang banda, matibay na barikada ang binuo ni DLSU Goalkeeper Inna Palacios. Sunod-sunod na attempts ang ginawa ng UST ngunit magandang fingertip saves at denies ang ipinamalas ni Palacios.

Tila walang nais magpatalo sa parehong koponan sa tindi ng offensive at defensive prowess ng dalawa. Bunsod nito, natapos ang 1st half na walang puntos ang DLSU at UST, 0-0.

Ginulat naman ni scoring machine Kyra Dimaandal ang mga manonood matapos makamit ang kauna-unahang puntos sa 56’ minute mark ng laro.

Ipinagpatuloy ng Taft-based squad ang matinding depensa sa pamamagitan ng field pressure at man to man defense. Sinubukang tibagin ni Mary Joy Indac ang depensa sa pamamagitan  ng isang center shot sa 64’ minute mark ngunit hindi ito hinayaan ni Goalkeeper Inna Palacios.

Gayunpaman, nalusutan ni UST scorer Hazel Lustan at ng kanyang matinik na ball handling ang matatag na pader ni Palacios nang  maka-iskor ang UST. Bunsod nito, naitabla ng UST ang laro, 1-1.

Nanatiling buo ang kompansya ng Taft mainstays sa kabila ng pagpuntos ng UST. Itinapat ng DLSU sa UST ang kanilang fast-paced game style dahilan para matagumpay na maisagawa ang isang combination play mula kina Navaja at midfielder Sara Castañeda sa ika-80 minuto ng laro. Sa pamamagitan nito, naitala ng DLSU ang bentahe sa laro, 2-1.

Hindi rito natapos ang scoring surge ng DLSU. Ginamit ng Green and White team ang kanilang momentum upang madagdagan ang offensive input. Sa 90+2’ minute mark ng laro, muli na namang nakapuntos ang DLSU nang maipasok ni Palacios ang bola mula sa isang penalty.

Sinubukang humabol ng UST ngunit hindi na nila kinaya ang bagsik ng Taft based squad. Isinara ng DLSU Lady Booters ang laro, 3-1.

Sa pagtatapos ng matagumpay na kampanya, humakot ng kaliwa’t kanang parangal ang Lady Booters. Hinirang na mythical six sina Lady Booter Castañeda, Dimaandal, Metillo, Navaja, Tejada, Palacios. Itinuturing na malaki ang kanilang naging kontribusyon sa muling pag-angkin ng kampeonato.

Naglalagablab ang bangis na ipinapamalas ni Kyla Inquig tuwing sasabak sa field. Dagdag pa rito, sinandalan din ng koponan ang kanyang lightning quick plays dahilan para tanghaling Most Valuable Player ng torneo. Kinilala namang Best Goalkeeper si master deceptor Inna Palacios bunsod ng kanyang mahigpit na pagbabantay at walang awang pagpigil sa nagbabadyang pagpuntos ng kalaban.

Pinarangalan din para sa kanilang outstanding performance sina Angge Metillo bilang Best Defender, Kyra Dimaandal bilang Best Striker, at Sara Castañeda bilang Best Midfielder.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?