Lady Spikers, binawian ang Lady Eagles; finals game 1, inangkin!

3 May 2017
410 Views

ni Maria Jose Elumba

HINAGUPIT ng matitinding team play at on-court stability ng DLSU Lady Spikers ang Ateneo de Manila University (ADMU) Lady Eagles sa UAAP finals game 1 ng best-of-three series sa Smart Araneta Coliseum, Mayo 2. Sumubsob sa loob ng apat na sets ang Katipunan-based squad sa mga iskor na 21-25, 29-27, 25-22, 25-20. Nagtala ng 37 excellent sets at 10 puntos si graduating Spiker Kim Fajardo dahilan para tanghaling Player of the Game.

Kinulang sa puntos ang Taft mainstays sa unang yugto bunsod ng kanilang patong-patong na errors. Una mang nagtala ng puntos ang Lady Spikers, hindi naman nagpalamang ang Lady Eagles at nagsagutan ng power blocks at strong kills ang magkabilaang koponan, 9-all.

Sa pagpapatuloy ng set, nabigong sanggain ng DLSU ang mainit na tira ni Lady Eagle Maraguinot, 11-13. Nagpamalas naman ng liksi si Dawn Macandili matapos ang kanyang critical saves ngunit lumagpas nang ilang pulgada ang assault na pinakawalan ni Tiamzon, 11-15.

Sa kabila nito, nanatiling buhay ang defending champions ngunit binulilyaso sila ng kaliwa’t kanang errors kaya bigong makabuo ng long rallies, 19-16.

Hindi na nakapalag pa ang Lady Spikers at tuluyan na silang ginapi ng agila sa pagwawakas ng unang set, 25-21. Kapansin-pansin ang malamyang depensa ng Lady Spikers kaya madali silang nalusutan ng Lady Eagles.

Masidhi ang pagnanais ng Lady Spikers na itabla ang tunggalian. Pinahirapan man sila ng archrival, nanaig pa rin ang Animo ng defending champs. Agad na nag-agawan ng kalamangan ang DLSU at ADMU sa pagsisimula ng second set sa pangunguna ni prized recruit Kianna Dy, 14-all.

Nagpaulan din ng offensive strikes ang battle-tested duo nina Tin Tiamzon at Desiree Cheng. Sa crucial moments ng bakbakan ipinamalas nina Team Captain Kim Fajardo, Majoy Baron at Dy ang kanilang veteran prowess. Sa kasamaang palad, hindi pa rin ito sapat upang mapigilan ang pagratsada ng Blue and White Squad, 21-16.

Sa mga sumunod na game sequence, nagpasabog si Fajardo nang matitinding service ace. Bunsod nito, nakapaglunsad ang Lady Spikers ng 6-0 scoring arsenal at nagawang maitabla ang laban sa 22-all.

Mas naging maaksyon ang second set nang maitala ang 24-all set point deadlock. Walang nais sumuko sa magkabilaang koponan at mahigpit ang pagbabantay ni Lady Eagles sa Katipunan barricade ngunit nalusutan pa rin ito ni Cheng, 27-all.

Wala nang inaksayang sandali ang Lady Spikers. Mula sa quick hit ni Ogunsanya, dinala niya ang kanyang koponan sa set point, 28-27. Tuluyan nang tinapos ng Lady Spikers ang ikalawang yugto nang matagumpay, 29-27.

Patuloy ang pananalasa ng Lady Spikers sa ikatlong yugto. Pinagtibay ng Lady Spikers ang kanilang airtight floor defense at hindi hinayaang makapaglunsad ang ADMU ng long runs. Nakalamang ang Lady Spikers mula sa dagger-like attack ni Ogunsanya, 15-13. Hindi na pumayag ang Green and White team na maisahan ng Lady Eagles at tinapos na ang set, 25-22.

Hindi na hinayaan pa ng Lady Spikers umabot sa ikalimang set ang mainit na bakbakan ng matapos tuluyang tuldukan ang comeback aspirations ng Lady Eagles sa ikaapat na set, 25-20.

Naging dikit ang ikaapat na set para sa magkabilang koponan matapos ang magkakasunod na palitan ng matitinik na offensive at defensive adjustment. Bahagya na lamang nakaangat ang Lady Spikers matapos magpakawala ng 5-0 scoring run na pinangunahan ng back-row hit ni Dy. Hindi na muling nakalapit ang Katipunan-based squad sa ikaapat na set matapos tuluyang mapako ang kanilang scoring output, 24-19.

Muling raragasa ang Lady Spikers at tatangkaing tapusin ang serye sa Sabado, Mayo 6, Smart Araneta Coliseum.

 

Retrato – kuha ni Marvin Gonzales

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?