DLSU Lady Spikers, winasak ang UST Growling Tigresses para sa finals spot!

22 April 2017
781 Views

nina Maria Jose Elumba at Justine Earl Taboso

NIYANIG ng  matinding offensive prowess at clutch teamplays ng DLSU Lady Spikers ang UST Growling Tigresses sa loob ng apat na sets, 25-14, 25-20, 24-26, 25-13, sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 Women’s Volleyball Tournament. Bunsod nito, nakamit ng koponan ang ticket para sa finals appearance. Matapos magtala ng 11 points at 39 excellent sets, kinilalang player of the game si Team Captain at reigning best setter Kim Fajardo.

Malupit na Lady Spikers ang nasaksihan sa first set. Walang awang pinahirapan ng Taft Army ang España-based squad at dumagdag pa ang malamyang depensa ng UST.

Pinangunahan ni Tiamzon ang scoring para sa kanyang koponan ngunit nasundan ito ng error ni Team Captain Fajardo, 1-all. Gayunpaman, hindi pumayag si Baron na maisahan ng kalaban at bumira ng quick ngunit agad itong sinagot ni Lady Tigress Rondina ng isang mabigat na atake, 2-all.

Back-to-back points mula sa intense attack at off the block ni Dy na dinagdagan pa ng ilang attacks nina Tiamzon at Cheng at kill block mula kay Ogunsanya ang nagbigay ng five-point lead sa DLSU sa unang yugto ng laban, 8-3.

Sa mga sumunod na sequence, mas pinagtibay ng DLSU ang kanilang on-court chemistry at hindi hinayaang maagaw ng UST ang bentahe. Pinaigting pa nila ito sa pamamagitan ng sama-samang offensive at defensive output, 18-12. Hindi nakayanan ng UST na matibag ang matibay na pader ng DLSU kaya wala nang inaksayang sandali pa ang defending champions at tuluyang ibinaon ang Gold and White Team, 25- 14.  

Nagpatuloy ang offensive domination ng DLSU Lady Spikers sa second set ng laro. Pinangunahan nina twin towers Dy at Baron ang defensive stops nang magpamalas ng kabilaang blocks upang pigilan ang scoring attempts ng kalabang koponan. Sinabayan pa ito ng magagandang set ni Fajardo—hudyat ng paglobo ng kalamangan ng Taft mainstays.

Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang España-based squad sa pagtatala ng puntos. Dinala ng main gunner na si Cherry Rondina ang paggawa ng puntos para sa UST upang habulin ang bentahe ng DLSU ngunit hindi ito naging sapat. Natapos ang ikalawang set sa iskor na 25-20, pabor sa Green and White Team.

Tila ginahan naman sa ikatlong set ang UST Growling Tigresses at inilabas ang kanilang bagsik. Humarurot sa opensa ang UST matapos magpamalas ng malulupit na spike. Sinundan pa ang mga ito ng unforced errors ng DLSU dahilan upang lumamang ang kalabang koponan sa kalagitnaan ng set. Makapigil-hiningang rallies ang ipinakita ng parehong koponan ngunit nanaig pa rin ang UST sa ikatlong set ng laro, 24-26.

Hindi sumuko ang parehong koponan para sa huling set ng laro. Hindi nagpatalo ang DLSU Lady Spikers nang basagin ang depensa ng UST sa pamamagitan ng tip-in moves nina Dy at Baron.

Gayunpaman, hindi nagpahuli ang UST sa deceiving plays ngunit magagandang dig ang ginawa ni Dawn Macandili upang pigilan ang nagbabadyang pagpuntos ng España-based squad. Sinubukang humabol ng UST Growling Tigresses pero hindi na kinaya pa ang matinding kalamangan. Natapos ang ikaapat na set, 25-13, pabor sa DLSU.

Sunod na makahaharap ng Lady Spikers ang koponang mananaig sa bakbakan ng FEU Lady Tamaraws at ADMU Blue Eagles para sa finals.

Retrato – Kuha ni Marvin Gonzales

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?