Huling laban ng Green Booters sa torneo, nauwi sa tabla!

20 April 2017
216 Views

ni Jaymee Lou Abedania

BIGONG manaig ang opensa at depensa ng DLSU Green Booters at University of Santo Tomas (UST) Golden Booters sa UAAP Season 79 Men’s Football Tournament kaya nauwi sa draw ang paghaharap nila, 0-0, Abril 20 sa Moro Lorenzo Field. Itinanghal na Man of the Match si DLSU goalkeeper Kerbi Almonte matapos magpakitang-gilas sa sagupaan.

Mabagal ang naging galaw ng parehong koponan sa pagbubukas ng bakbakan at tila hindi pa nakukuha ang matatag na kontrol sa bola. Pagpatak ng 18-minute mark, sinubukang makaiskor ni Renz Gumban ng UST ngunit lumagpas sa goal ang kanyang tira. Sinubukan namang sumagot ng Taft mainstays sa 20-minute mark ngunit agad silang napigilan ni Golden Booter Juan Villanueva.

Hindi nagpatinag si Darius Diamante ng DLSU at sumubok ding makabuo ng goal sa 25-minute mark. Bigong pangunahan ni Diamante ang pag-iskor ng koponan nang mapalakas ang long-range attempt niya. Nagpatuloy ang shot attempts ng Taft at España-based squads bagamat masyadong mahigpit ang plays ng parehong koponan kaya hindi nila magawang makaiskor.

Buhat pagnanais na mapigilan ang pag-iskor ni Golden Booter Darwin Busmion, napatawan ng yellow card si Taft mainstay Christian Villacin. Matapos nito, patuloy na nagsisikap ang dalawang koponan hanggang sa magantimpalaan ng free kick si Green Booter Noel Brago ngunit bigo pa ring makauna ang Green and White team. Nagtapos ang 1st half ng sagupaan nang walang nakalulusot sa depensa ng magkalabang koponan, 0-0.

Mabilis namang binuksan ng Green Booters ang 2nd half ng laro sa pamamagitan ng isang shot attempt sa 46-minute mark. Gayunpaman, matagumpay itong napigilan ni UST goalkeeper Rey Catalino. Sa kasagsagan ng sagutan ng dalawang koponan, napatawan ng foul si Green Booter Michael Alcantara dahilan ng free kick para sa UST ngunit hindi pa rin ito naging daan upang makaisa ang España mainstays.

Hindi naman nagtagumpay si Villanueva ng UST sa 59-minute mark bunsod ng matibay na block ni Villacin. Naging bukas naman ang depensa ng Golden Booters sa 61-minute mark. Gayunpaman, bigo pa ring makabuo ng goal si Gelo Diamante.

Muling nagpalitan ng shot attempts ang DLSU at UST sa 64 at 67-minute mark, ayon sa pagkakasunod-sunod. Naunang sinubukan ng Taft mainstays na makalamang sa laban pero mabilis itong napigilan ni John De Castro ng UST. Sumunod naman ang UST ngunit hindi rin sila nakalusot sa depensa ng katunggali.

Nagpatuloy ang pilit na pagpuntos ng Green at Golden Booters. Pagdating ng 88-minute mark, muntik nang makalamang ang UST. Gayunpaman, sa tulong ni Almonte, hindi naging matagumpay ang pagsubok ng kalaban. Pinilit humabol ng attempt ni Marvin Bricenio sa 93-minute mark ngunit hindi niya ito napagtagumpayan.

Mainit man ang larong ipinakita sa 1st half at unang bahagi ng 2nd half ng DLSU, hindi pa rin ito naging sapat upang makaiskor laban sa España mainstays. Hindi man makaaabante sa semis, bitbit ng Green Booters ang 4-4-6 panalo-tabla-talo kartada sa pagwawakas ng kampanya nila ngayong taon.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?