Sa pagtatayo ng San Roque Dam: Nanganganib na kalagayan ng mga katutubo ng Ampucao at Dalupirip

17 April 2017
559 Views

nina Kristine Paula Garcia at Kyle Anthony Llanes

Nagsimulang mamuhunan ang Pilipinas sa mga renewable energy plant nang isulong ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang kanyang programang ‘Philippines 2000’, dahilan upang lumaganap ang paggamit ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.

Hindi lingid sa ating kaalamang malaki ang pangangailangan sa paglikha ng kuryente sa malinis na paraan upang mapangalagaan ang kalikasan. Sa kabila nito, dapat bang isakripisyo ang kapakanan ng ilang mga mamamayan para sa kapakinabangan ng nakararami?

Dumami ang mga itinatayong hydroelectric power plants sa Cordillera at pinangangasiwaan pa ito ng iba’t ibang korporasyon mula sa iba’t ibang bansa. Sa kabila ng pagiging rural ng rehiyon, nanguna ito sa pagkakaroon ng nasabing power plants sa bansa.

Bunsod ng pagtatayo ng mga planta, kinakailangang ilipat ang mga komunidad na nakatira sa iba pang barangay upang hindi malagay umano sa panganib ang buhay ng mga tao. Kaugnay nito, nawawalan ng kabuhayan ang mga tao at lalo pang napalalayo sa kabihasnan. Nagkakaroon din ng lamangan sa pagitan ng mga mamamayan dahil sa pagkakaiba ng pamumuhay na nagdudulot ng hindi pantay-pantay na pagpapahalaga sa mga karapatan ng bawat isa.

 

Pagpapatayo ng dam

Itinayo ang San Roque Multipurpose Project (SRMP) sa may ibabang bahagi ng ilog Agno sa probinsya ng Pangasinan. Itinuturing ang SRMP bilang pangatlong pinakamalaking dam sa buong Asya at ang pinakamalaking dam sa buong Pilipinas. Pinatatakbo ito ng San Roque Power Corporation (SRPC) na pinupondohan ng Japanese corporation, Marubeni.

Kabilang sa inaasahang benepisyong magmumula sa SRMP ang irigasyon ng higit-kumulang 87,000 hektarya ng lupang pangsasaka, pagpapabuti sa kalidad ng tubig, at pagbawas sa maaaring perwisyo ng baha na nakasisira sa pananim tuwing tag-ulan.

Dalawang barangay sa Itogon, Benguet ang apektado sa pagkabuo ng SRMP—Ampucao at Dalupirip. Ayon kay Luisa Cabalan, residente ng Dalupirip, may mga mamamayang tumutol sa pagbuo ng dam malapit sa kanilang barangay dahil sa pangangambang malagay sa peligro ang kanilang kaligtasan.

Magkahalong reaksyon ang mahihinuha mula sa pagpapatayo ng dam sa lugar Dalupirip. Nakikita ng ibang residenteng maraming benepisyong ibibigay ang pagtatayo ng dam sa kanilang lugar. Paliwanag ng ilan, direktang naaapektuhan ang kanilang tahanan at kabuhayan dahil sa lokasyon ng dam. Bukod dito, naniniwala silang hindi sapat ang kabayarang inihain ng SRPC.

Dagdag ni Cabalan, nagbigay ng listahan ng uri ng kabayaran, na tinatawag na 17 conditionalities, ang ilang kinatawan ng San Roque Power Corporations (SRPC) bago pa ito ipatayo. Kabilang sa 17 conditionalities ang mga kagamitang pananim at pantroso, pera, at handog na kabuhayan sa mga mamamayan. Ililipat naman ang mga direktang maaapektuhan ng dam sa isang resettlement site sa bundok Pulag.

Inihayag ni Cabalan na naging kontrobersyal ang SRMP dam sapagkat mayroong organisasyong hindi sumasang-ayon sa pagkatatag nito. Kinikilala ang organisasyon bilang Cordillera People’s Alliance (CPA) na nagsusulong sa karapatan ng mga katutubo na ipaglaban ang kanilang katutubong lupa bilang tunay na may-ari ng mga ito. Ibinahagi rin niyang malaki ang naging tulong ng CPA sapagkat nagkaroon ng kamalayan ang ilang Ibaloi sa kanilang karapatang pantao.

 

Pagharap sa mga pagsubok

Bago ipatayo ang SRMP, namalagi ang mga Ibaloi sa bahagi ng Ilog Agno na malapit sa Barrio Phengbasan, isa sa mga pamayanan sa Dalupirip. Dito sila nagsasagawa ng gold panning, o ang pagpupulot ng ginto, na pangunahin nilang kabuhayan. Bukod dito, pinagkikitaan din nila ang pagsasaka, pangingisda, at pangangaso.

Noong 1995, nagsagawa ng survey ang SRPC upang kilalanin ang mga naninirahan sa Phengbasan at tukuyin ang mga dapat nilang bayaran para sa perwisyong idudulot ng proyekto sa mga mamamayan. Tinimbang din ang uri ng kabayarang dapat ibigay sa bawat isa.

Sa kasamaang palad, magkasabay na nagsimula ang pagpapatayo ng SRMP at ang kalbaryong hinarap ng mga Ibaloi bunsod ng nasabing proyekto. Dinanas ng mga taga-Phengbasan ang sapilitang pagpapalipat upang hindi maging sagabal sa paggawa ng dam. Lupain, bahay, pagkain, kabuhayan, at buhay—nawala ang mga ito sa kamay ng mga Ibaloi na pinaalis sa kanilang mga tirahan.

Sa kasagsagan ng hirap na dinanas ng mga Ibaloi, nag-abot ng tulong ang National Power Corporation (NAPOCOR) sa mga naapektuhan. Ginamit na batayan ng NAPOCOR ang 1995 survey sa pagbibigay-tulong sa mga mamamayan. Pabahay, pagmamay-ari ng lupa, o tulong pampinansyal ang maaaring matanggap ng mga Ibaloi.

Binigyan ng mga alagang hayop, pananim, at iba pang kagamitan ang mga nakatira sa Ampucao at Dalupirip upang makatulong sa kanilang pagsasaka at pangangaso. Samantala, pinapili ang mga taga-Phengbasan kung lilipat sila sa Bantic, ang pamayanan sa itaas ng Bundok Pulag, o kung sila na ang bahalang maghanap ng malilipatan.

Nang lumipat na ang mga piniling manirahan sa bundok, marami pa silang kinailangang gawin upang lubos na mapakinabangan ang kanilang kapaligiran. Nagtayo ng sariling bahay ang ilan sa kanila upang mapalapit sa mga lupang mapagtatamnan at mga pasilidad sa Bantic. May mga itinayo ring kapilya at maliliit na paaralan sa bayan.

Sa kabilang banda, wala silang mapagkunan ng malinis na tubig. Wala ring health center para kuhanan nila ng mga gamot para sa iba’t ibang uri ng sakit. Bukod dito, natuklasan nilang sakitin pala ang mga ibinigay sa kanilang alagang hayop na naging balakid sa kanilang paghahanapbuhay. Hindi lamang sila inilayo sa kabihasnan. Ipinagkait din sa kanila ang mga pangunahing pangangailangan.

Napag-alaman ding nag-abot lamang ng tulong ang SRPC at ang NAPOCOR hanggang sa ikatlong taon ng pagpapagawa sa proyekto. Sa mga sumunod na taon, higit na nahirapan ang mga Ibaloi sa paghingi ng tulong mula sa dalawang korporasyon.

 

Suliraning dulot ng urbanisasyon

Nagsimulang maging mainit na usapin ang development-induced displacement ng mga katutubo sa iba’t ibang panig ng daigdig noong dekada ‘90. Ayon sa isang pag-aaral ni Michael Cernea, tinatayang nasa 10 milyon katao ang nawawalan ng tirahan bawat taon dahil sa mga development project. Mula noon, kinilala na ito bilang pandaigdigang suliranin.

Maiiwasan ang tuluyang pagbaba ng kalagayan ng pamumuhay ng mga naapektuhang komunidad at indibidwal sa pamamagitan ng mahusay na implementasyon ng mga komprehensibong proyekto bilang kabayaran. Ito ang inaasahang aksyon mula sa gobyerno subalit nakagawian na ng maraming bansang isantabi ang obligasyon nito sa karapatan ng mga katutubo.

Sa kaso ng mga naninirahan sa Bantic, naipagwalang-bahala ang kanilang karapatang mabigyan ng tamang kabayaran at tulong upang mapataas ang kalagayan ng kanilang pamumuhay. Makikitang napagkaitan ng hustisya at karapatan ang ilan sa mga ito sapagkat nawawalan ang ilan ng kabuhayan, isinasantabi ang kalusugan ng nakararami, nauuhaw ang katutubo sa malinis na tubig at inilayo sila sa kabihasnan.

 

Pagkamit sa hustisya

Sa kasalukuyan, hindi kinikilala ng nakararami ang mga katutubong lumalaban para sa kanilang karapatan. Mahirap makiramay sa mga katutubo dahil sa distansya ng kanilang lugar sa mga pangunahing bahagi ng bansa. Hindi nailalantad sa karamihan ang karumal-dumal na sinapit ng kanilang pamumuhay. Bagamat may benepisyong dulot ang dam sa nakararami, itinuturing nila itong kalbaryong dapat malampasan.

Malaki ang naiambag ng mga Ibaloi at ng ibang mga pangkat-etniko sa makulay na kultura ng ating bansa — kulturang unti-unti na ring naglalaho dahil sa urbanisasyon. Kaakibat ng pangangalaga sa kultura at pagkakakilanlan natin bilang Pilipino ang pagprotekta sa mga taong bumubuhay nito.

Kailangan pagtuunan nang mas maigi ng pamahalaan ang pagtitiyak sa kaligtasan ng lahat, katutubo man o hindi.

 

Dibuho ni Patricia Cometa

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?