Pangangalaga at pag-unlad: Yaman ng kalikasan, nararapat bang pagkakitaan ng minahan?

15 April 2017
1083 Views

nina John Angelo Dayego, Andrea Jasmin Pila, at Manuel Bryan Vinluan

Ikinagalak ng mga environmental group ang pag-upo ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kanyang dedikasyon para sa kalikasan. Sa kabilang banda, naalarma naman ang mga mining company sa pangyayaring ito sapagkat pursigido siyang ipasara ang mga minahang lumalabag sa safety at environmental standards. Bunsod nito, kabi-kabilang batikos ang natatanggap ni Lopez sa diumanong biglaan nitong aksyong maaaring ikabagsak ng mga naglalakihang mining corporation at ekonomya.

Ipinataw ni Lopez ang pagsuspinde sa mga minahang lumalabag sa mga probisyong nakasaad sa Mining Act of 1995. Umapela ang maraming kompanyang apektado sa pagpapatupad ng aksyon ni Lopez. Anila, nararapat na sumailalim sa tama at masusing proseso ang memorandum bago tuluyang ipasara ang mga minahan. Sa kabilang banda, binigyan din sila ng panahon upang maghain ng motion for reconsideration bilang tugon dito.

Patuloy pa ring inilalaban ni Lopez ang kanyang adbokasiya para sa kalikasan sa Commision on Appointments (CA) sa kabila ng mga alegasyon laban sa kanya. Naniniwala si Lopez na maaagapan ang tuluyang pagkasira ng kalikasan sa mga probinsya tulad ng Benguet, Marinduque, at Palawan na dulot ng pagmimina.
Papel ng industriya sa bansa

Nag-aambag ang pagmimina sa produksyon, hanapbuhay, buwis, teknolohiya, at pag-usbong ng bagong industriya sa ekonomya, ayon kay Joel Tanchuco, propesor sa Economics Department.

Ipinaliwanag ni Tanchuco na kinakailangan ng iba pang industriya ang mga produktong nakukuha mula sa pagmimina. “Kunyari, nagmimina ng iron tapos ngayon na naggagawa ka yung pagtutunaw na […] nag-u-upgrade,” paliwanag ni Tanchuco.

Pahayag naman ni Atty. Maria Paz Luna, Officer-in-Charge Undersecretary for Legal Affairs ng DENR, kailangan baguhin ang sistema sa pagbabahagi ng kita mula sa pagmimina. Aniya, pag-aari ng estado ang mga produktong nanggaling sa industriyang ito kaya malaking bahagdan ang dapat na mapunta sa bansa.

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Finance (DOF) ang maaaring epekto ng memorandum sa kita ng mga apektadong Local Government Unit (LGU). Batay sa datos na nakalap ng DOF, tinatayang P653.64 milyong halaga ang mawawala sa posibleng pagpapasara ng mga ilang mining firm sa bansa at dahil dito, maraming manggagawa ang mawawalan ng trabaho.

Kasalukuyang 0.7% ang kontribusyon ng industriya sa Gross Domestic Product (GDP). Sa kabila nito, ayon sa panayam ng Philstar kay Sec. Ernesto Pernia ng National Economic Development Authority (NEDA), hindi gaanong malaki ang magiging epekto ng pagsasara ng ilang minahan sa GDP ng bansa. Uunahin munang bigyang pansin ng pamahalaan ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho.

 

Pinsalang dulot ng pagmimina

Pagkasira ng kalikasan ang nagiging bunga ng kapabayaan ng mga korporasyon sa lupang miniminahan nila. Ibinunyag ni Luna na karaniwang walang tree cutting permit ang mga mining company. Saad niya, “Pag-aari din ng estado [ang mga puno, kaya] kailangan nila ng tree cutting permit.” Dagdag pa rito, mayroon ding mga kompanyang lumalabag sa water waste discharge permit. Mayroon din ilang korporasyong nagmimina nang lagpas sa sukat ng kanilang mga lupain.

 

04.16.17. Mining Firms 2 (Kuha ni Mitzi Gabit)

 

Hindi malalagyan ng halaga ang kayamanang nawawala gawa ng pagmimina, sabi ni Tanchuco. Giit niya, “Priceless eh, kasi are you willing to put a price on your tomorrow? We can perhaps manage it in such a way na it can be prolonged.” Sa kabila nito, may mga resource economist ang maaaring magbigay-halaga para sa pagbabalik ng ecosystem mula sa mapipinsala ng pagmimina, ayon kay Luna. Kabilang dito ang Royal Institution of Chartered Surveyors (RICS) na naglalagay ng karampatang halaga sa pagsasaaayos muli ng nasirang ecosystem sa lugar.

Iminumungkahi ni Luna na kailangang suriin muli ang Mining Act of 1995. Aniya, may mga bago nang banta ngayon sa kalikasan kaya dapat dagdagan pa ang mga probisyong nakasaad sa batas.

Maaaring mapangalagaan nang tama ang kalikasan sa kabila ng pagmimina, pahayag ni Luna. Gayunpaman, mahirap gawin ito dahil isang arkipelago ang bansa. Hindi madali ang transportasyon at madalas na walang komunidad na maaaring mangalaga sa mga liblib na lugar.

Naniniwala pa rin si Luna na kakayaning mabuhay ng industriya sa kabila ng mga hamon na kinahaharap nito ngayon kung isasaalang-alang at tutugunang mabuti ang mga pinsalang maidudulot nito sa kalikasan at mamamayan.
Kinabukasan ng mining industry

Para kay Tanchuco, kailangan lamang mapatupad nang maayos ang batas na nangangasiwa sa pagmimina. Pahayag naman ni Luna, “They will always be there until we figure out a way to mine islands especially small islands without destroying the ecosystems [with the] services that feed the people there [in the province] and allow them to drink and survive.”

Ilang dekada na ring nahaharap sa panganib ang kalikasan upang magbigay-daan sa pag-usbong ng mga industriyang magpapalago pa sa ekonomya ng bansa. Hindi dapat makaligtaang bigyang pansin ang mga suliraning ito. Sino pa ba ang mag-aalaga sa mga likas na yaman kundi ang estado at ang mamamayan mismo?

Sa dedikasyon ni Lopez sa kanyang trabaho, umaasa ang mga environmental group na masolusyonan na ang walang habas na pagsasamantala ng mga naglalakihang korporasyon sa lupa ng Pilipinas. Saad ni Tanchuco, “It will put a lot of people in a difficult term and it will put our own government a legal liability pero there is something you must know kasi nga it’s necessary.”

Hindi man maaaring buwagin ang pagmimina sa bansa, dapat mahigpit na mapatupad ang batas na nangangasiwa rito. Nangangailangan lamang ang industriya ng epektibong mekanismo at serbisyo para sa kalikasan ayon kay Luna. Kakayaning maitustos ng kalikasan ang mga kailangan ng mga negosyante kung ginagawa nila ang tamang proseso.

Nakakabit sa adbokasiya ni Lopez ang responsibilidad ng lahat ng mga Pilipino, hindi lamang ng DENR, na alagaan ang kalikasan at ang mga katutubong maaapektuhan ng pagmimina. Kung hindi ito iingatan, tuluyan nang maglalaho ang kayamanang kinang ng perlas ng silangan.

 

Retrato – mga kuha ni Mitzi Gabit

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?