Abot-kayang presyo ng banyagang bigas, paglugmok ng agrikultura sa Pilipinas

13 April 2017
195 Views

nina Shanalyn Cañete, Jessie Angelo Lee, at Samirah Tamayo

Mahigit dalawang dekada na ang nakalipas nang ipatupad ang quantitative restriction (QR) sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at World Trade Organization (WTO). Nagsilbi itong susi sa pagkontrol ng presyo ng banyagang bigas sa pamamagitan ng pagpataw ng mataas na taripa. Gayunpaman, labis na ikinababahala ng agrikulturang sektor ang huli at nalalapit na pagwawakas ng quota sa importasyon ngayong darating na Hulyo.

Nahati ang sambayanan nang isapubliko ng pamahalaan ang huling implementasyon nito ng QR. Pinaniniwalaang maaaring magdulot ito sa paglakas ng banyaga laban sa lokal na mamumuhunan. Samakatwid, hihina ang industriya ng bigas at ng hanapbuhay ng mga magsasakang Pilipino.

Sa kabilang banda, iginiit ng gobyernong makatutulong ang kompetisyong ito. Dala nito ang pagbaba ng presyo at pagdami ng mabibiling bigas para sa mga mamimili. Dagdag ng pamahalaan, maaaring magbigay-daan ito sa pag-unlad ng sistema sa gawi ng pamamalakad sa agrikultura.

Maaaring makatulong sa mga ordinaryong Pilipino ang pagbaba ng presyo ng bigas subalit maaari itong makasama sa mga lokal na magsasaka. Bunsod nito, nararapat na sumailalim ang bansa sa masidhing pagsasaayos ng sistemang agrikultural upang matulungan nito ang mga magsasaka.

 

Implikasyon sa pagtaguyod ng QR

Isinulong ang QR upang makatulong sa kompetitibong kalakarang pang-agrikultura sa panahon ng globalisayon. Naglalayon itong pagtibayin ang katayuan ng bansa sa lokal at pandaigdigang merkado.

Unang itinalaga ang QR noong 1995 at pinaniniwalaang epektibo lamang sa loob ng 10 taon. Tinatayang nasa 35% taripa ang ipapataw sa importasyon ng bigas na hindi lalagpas sa Minimum Access Volume (MAV) na 805,200 metric tons. Napapatawan naman ng 40-50% na taripa ang lalagpas sa MAV.

Muling lumapit ang Pilipinas sa WTO at nakiusap na pahabain nang pitong taon ang quota sa importasyon sa bigas noong 2004. Naaprubahan ito noong 2006 at tumagal hanggang 2012.

Huling binigyang-pagkakataon ng WTO ang bansa sa pagpapatupad ng limang taong quota na magtatagal hanggang Hulyo 2017. Ipinatupad muli ang QR sa ilalim ng Executive Order No. 190 (EO 190) ng administrasyong Benigno Aquino III at nagresulta sa pagdagdag ng iba’t ibang produktong agrikulturang dumaraan sa preferential rate.

Tuluyan nang magwawakas ang QR sa Hulyo at malaki ang posibilidad na negatibo ang magiging epekto nito. Maaari itong makasama sa makasama sa lumalagong industriya ng bigas sa bansa.

Diin ni Romeo Royandayan, Executive Director ng Centro Saka, Inc., matindi ang magiging kompetisyon sa bigas dala ng mas mababang presyong ibibigay ng mga banyagang bansa kompara sa presyong lokal na sumasailalim sa mataas na taripa. Dagdag pa niya, “Flooding the market with cheap imported rice will destroy not only the local rice industry but most importantly the livelihood of rice farmers.”

Sa ganitong paraan, mamamatay ang lokal na merkado ng bigas sakaling matuloy ang pagtanggal ng QR. Papasok ang murang bigas mula sa ibang bansa na makikipagkompetensya sa mga mas mahal na bigas na tubo rito. Unti-unting mawawala ang mga magsasakang Pilipino at darating ang araw na wala nang kakayanan ang Pilipinas na magtanim at magbenta ng bigas.

 

Suliranin ng industriya ng bigas

Bagamat bigas ang pangunahing produkto ng Pilipinas sa agrikultura, limitado ang produksyon nito upang maghatid ng mababang presyo sa sambayanan sa kabila ng implementasyon ng QR.

Batay sa Action for Economic Reforms, mataas ang presyo ng bigas ng Pilipinas kompara sa global market. Kahit lapatan pa ng 50% o 70% na taripa ang mga imported rice galing sa Vietnam o Thailand, hindi pa rin mapapantayan ng mga banyagang bigas ang mahal na presyo ng lokal na bigas.

Ayon kay Royandayan, “There is insufficient supply of seeds since not all seed growers can really produce seeds. Seed growers rely on government procurement.” Kompara sa Thailand, Vietnam, at Myanmar, buo ang suporta ng gobyerno magmula palay hanggang sa pangkalahatang pamumuhay ng mga magsasaka.

Isa ang post-harvest losses sa mga salik bakit hindi maibaba ang presyo ng bigas sa bansa. Saklaw nito ang mga proseso sa pagbabalat, pagpapatuyo at pagtago ng bigas sa mga storage house. Bunsod ng kakulangan sa teknolohiya, marami ang nasasayang na bigas tuwing dumaraan sa mga nasabing proseso.

Idagdag pa rito ang kakulangan sa labor, irigasyon, sistema ng pagsasaka, natural o organic na pagsasaka, marketing at value chain, pati na rin ang credit at insurance. Ito ang mga dahilan ng mataas na presyo ng lokal na bigas na kaya naman maiwasan kapag tinutulungan ng pamahalaan ang mga magsasakang Pilipino.

 

Sa pagwawakas ng QR

Bilang paghahanda sa pagtanggal ng QR sa sektor ng agrikulturang bigas, binuo ang mga Technical Working Group (TWG) upang tulungan ang industriya ng bigas.

Layunin ng TWG na solusyunan ang mga suliraning humahadlang sa epektibong pagpapayabong ng industriya. Hinati ito sa walong sanay: (1) seeds and other outputs (2) labor, mekanisasyon, at post-harvest (3) marketing at value chain (4) credit, guarantee, at insurance (5) Marketing and Value Chain (6) Farming System at (7) Organic Rice Farming.

Sang-ayon si Rosemarie Edillon, Deputy Director-General ng National Economic and Development Authority (NEDA), sa layunin ng TWG. “There [are] still a number of farms in the Philippines that can compete with world prices given more competitive conditions. But for some of them, they really have to diversify outside of rice,” pagbabahagi niya.

Para masolusyunan din ang ibang isyu ukol sa usapin, naniniwala ang pamahalaang kailangang amyendahin ang Republic Act No. 8178 o Agricultural Tariffication Act of 1996 na lumilimita sa merkadong lokal dala ng malaking buwis. Nais ng polisiyang itong bumuo ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund para tulungan ang mga magsasaka sa mga pangangailangang panteknolohiya. Sa ganitong paraan, may direktang takbuhan na ang mga magsasaka ng bigas sakaling kailangan nila ng pondo.

 

Panahon ng pagbabago
Hindi maipagkakailang kulang ang QR sa paglutas ng pighating ikinahaharap ng industriya ng bigas sa bansa. Bagamat direktang maaapektuhan ang agrikulturang sektor sa pagtigil ng QR, maaari naman itong magbunga ng pag-unlad sa ekonomya.

Marapat na maituwid ang problema sa inepektibong merkadong nakaaapekto sa lokal at global na estado ng Pilipinas. Mahalagang tutukan ang kompetisyon ng globalisayon lalo na ang estabilisasyon ng pansariling industriya.

Malaki ang responsibilidad ng pamahalaan dito. Kinakailangang bigyan nila ng isang daang porsyentong suporta ang mga lokal na magsasaka upang hindi mamatay ang industriya.

Maisasagawa lamang ang pagpapabuting ito sa pamamagitan ng maayos na pamamalakad, pag-amyenda ng mga lumang batas, pagsulong ng mga makabagong makinarya, pagsasaalang-alang ng pambansang interes, at pagbuklod ng sambayang Pilipino.

 

Dibuho ni Aramina Batiquin

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?