Bida sa likod ng batalyon: Iba’t ibang supporting roles sa mundo ng isports

12 April 2017
230 Views

nina Karl Niccolo Dela Cruz, Maria Jose Elumba, at Kathleen Jhoanne Martinez

INAABANGAN ang ilang pelikula o palabas dahil sa mga bidang artista dahil sila ang kadalasang pinagtutuunan ng pansin. Nakasentro sa kanila ang atensyon ng madla at mistulang tutok na tutok ang lente ng kamera sa mga bida. Lingid sa kaalaman ng mga manonood, mahalaga rin ang papel ng mga tagasuporta na kadalasang nagpapaikot sa kwento ng palabas.

Sa kabilang dako, hindi lamang nakikita ang mga suportang ito sa pelikula. Maging sa larangan ng isports, may kumakatawan din sa mga gampaning ito.

Pagpalo ng bola, paghampas ng bat, at pagsipa tungo sa goal, ilan lamang ito sa mga gampaning madalas tinututukan ng mga tagasubaybay ng volleyball, baseball, at football tournaments ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang mga taga-set, tagasalo, at tagadepensa ang gumagawa ng agos ng laban. Hindi man kasing tanyag ng ibang posisyon ang kanilang papel sa koponan, sila rin ang mga mata at utak ng laro na sumusuporta sa mga bida ng bawat larangang nabanggit.

 

Utak sa gitna ng taraflex

Puso, tiwala, at gawa ang mga pinanghahawakan ni Lady Spiker Michelle Cobb bilang setter tuwing sumasabak sa volleyball court. Kung titignang mabuti, mas mabigat ang tungkulin ng setters kompara sa spikers sapagkat sila ang nagkokontrol sa bola.

Tinatawag na playmakers sa volleyball, sila ang puso ng koponan bunsod ng pagpapatakbo nila ng buong laro. Sa larangang ito, may konsepto ng three touches o ang bump, set, spike. Sa tatlong ito, nasa ikalawang touch ang pinakamabigat na kilos dahil nakasalalay rito ang bawat bolang pinapalo ng spikers at sinasalba nila ang bolang sinasalo ng libero.

Malaking tiwala sa sarili at sa hitters ang kinakailangan ng setter dahil hindi rin madali pag-isipin kung kanino ibibigay ang bola, lalo na pag dikdikan ang bakbakan. “Tiwala sa spikers mo. Okay ibibigay ko ‘to sayo, papaluin mo, makakapatay tayo. Tapos tiwala rin sa sarili mo na ma-didistribute mo yung bola. Ayun trust talaga,” pagbabahagi ni Cobb.

Importante ang bawat galaw nila dahil sa kanila sumasandal ang buong koponan. Bukod pa rito, kinakailangan din ng setter ang matalim na pag-iisip. Hindi man nagkakaroon ng pagkakataong pumuntos kagaya ng hitters, sa kanila nakadepende ang scoring at defensive patterns ng koponan.

“You dont get the rejoicing moment every spiker gets pero parang isipin mo pag nag-rejoice ang spiker mo, dahil kasi maganda yung set ko. Ayun parang the small joys [of being a setter],” pagtatapos ni Cobb.

 

Mata sa unahan ng diamond

Sa larong baseball, kadalasang nasa pitcher o batter ang atensyon ng mga manonood. Nakaabang sila sa pagkumpas ng bat, pagtakbo ng base men, at pagdepensa ng field players. Matikas na nakahanda sa likod ng home plate, layunin ng isang catcher na saluhin ang bola at idikta ang pitch na dapat ipamalas batay sa kanyang perspektibo ng laro.

Hindi biro ang gampanin na ito sapagkat sa catcher nakasalalay ang magiging takbo ng laro mula sa pagtimbang ng laban hanggang sa paggabay sa mga kasamahan. Pagbabahagi ni Green Batter Joaquin Bilbao, “The catcher controls the game. He directs how the game goes. He’s the one who controls his teammates and sets the play.”

Isang sagabal para sa koponan at catcher ang komunikasyon lalo na sa mga kritikal na pagkakataon. Gayunpaman, nagagawan ito ng paraan ni Green Batter Paul Naguit. “Just talk to them like gather them in one spot. Sometimes the coaches pause for a timeout. Sometimes we, catchers, make a timeout to talk to the pitchers,” paliwanag ni Naguit. Para naman kay Bilbao, tiwala ang susi sa epektibong komunikasyon sa loob ng field.

Nahuhubog ang isang catcher mula sa masidhing pag-eensayo at kasanayan sa karera. Sa gitgitang labanan, importante ang kritikal na pagdedesisyon ng isang catcher. “A lot is going through our heads but we try to control [it] and I think we’re built for that. I think we’ve played more than 8 or 10 years being a catcher and we can handle crucial games,” ani Naguit.

“Confidence, intelligence, patience, [being] tough, smart, at understanding.” Para kina Green Batters Naguit at Bilbao, ito ang mga katangiang dapat mayroon ang isang catcher upang magampanan niya ang kanyang tungkulin sa koponan at laban.

 

Tindig sa loob ng field

Pagdating sa larangan ng football, dakilang maituturing ang mga striker ng koponan. Kadalasan, sila ang nagmamanyobra ng ball possession habang naglalaro para maangkin nila ang momentum at makapuntos. Dagdag pa rito, nakaabang din ang madla sa mga keeper na nagsasalba ng bola para maiwasan ang pag-iskor ng kabilang koponan.

Striker at keeper man ang bida kapag naglalaro ng football, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng trabaho ng defensive players ng koponan o ang defenders. Sa defender nakasalalay ang backline bago pa man tumagos ang kabilang koponan sa penalty box na binabantayan naman ng goalkeeper. Para kina Lady Booters Angge Metillo at Dimple Tejada, malaking karangalan ang pagiging defender para sa Taft-based squad.

“Siguro kasi sa team, mostly nakikita ng people na walang [gaanong] knowledge sa game ay strikers kasi sila ang nakaka-goal at keeper kasi sila yung nakaka-save ng ball,” ani Metillo. Bagamat hindi gaanong napapansin ang mga defender, mahalaga pa rin ang papel nila sa bawat laro. Ito ang itinuturing na inspirasyon nina Metillo at Tejada para ipagpatuloy ang paglalaro. “Ginagawa namin siyang motivation na hindi porket defender kami, wala kaming use sa team,” pagbabahagi ni Metillo. Dagdag pa rito, inaasahan ang mga defender sa loob ng field para patuloy na pag-igtingin ang depensa ng koponan.

Sa tuwing nagiging agresibo ang kalaban sa opensa, rumaratsada ang mga defender para puksain ang pwersa ng kabilang koponan. “Kapag walang defenders, easily lang makaka-score yung opponent kasi nga walang haharang before mapunta sa keeper,” wika ni Metillo. Kaakibat nito ang pagkakaroon ng malalim na kaalaman sa football, pagpapakumbaba, at pasensya para sa mga defender. Itinuturing nila itong bentahe para panatilihin ang depensa ng koponan.

Sa pagbabantay ng backline ng field, pilosopiya ng mga defender na huwag palulusutin ang bola. “As long as nagagawa ko yung part ko para sa team namin,” pagkukwento ni Tejada. Matapang at may kompyansang kasing tibay ng pader ang bagay na paglalarawan para sa mga defender.

 

Pundasyon ng koponan

Hindi nabubuo ang isang koponan nang may kulang na pyesa katulad nang hindi makokompleto ang isang pelikula na walang tagasuportang mga aktor. Madalang man silang nabibigyang-pansin, hindi ito alintana sa pagpapamalas nila ng angking galing at dedikasyon sa kani-kanilang karera.

Walang makatutumbas sa halaga ng kanilang tungkulin sapagkat hindi maaabot ang panalo kung wala ang kanilang kontribusyon at papel. Unsung heroes man sa paningin ng iba, maituturing pa ring bida ang mga manlalarong umaagapay sa maniningning na bida.

 

Dibuho ni Lalaine Reyes

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?