Pait sa ikalawang paghaharap: DLSU Lady Spikers, muling nasugatan ng rivals ADMU!

9 April 2017
315 Views

ni Maria Jose Elumba

NAPUTOL ang winning streak ng Lady Spikers matapos mabigong kompletuhin ang revenge comeback kontra Ateneo De Manla University (ADMU) Lady Eagles sa loob ng apat na set, 25-12, 20-25, 21-25, 19-25, Abril 8 sa Araneta Coliseum. Nakatungtong sa second seed ang koponan sa pagpasok ng playoffs para sa UAAP 79 women’s volleyball tournament.

Tinambakan ng Green and White team ang Ateneo Lady Eagles sa unang yugto. Hawak ng DLSU ang limang puntos na bentahe sa unang technical time out ng laban, 8-3. Dinagdagan pa ni Team Captain Kim Fajardo ang kalamangan nang bumira ng service ace at sinundan pa ng umaatikabong atake ni Desiree Cheng para wasakin ang Katipunan Wall, 12-7.

Bagamat sinikap ng ADMU na humabol sa pamamagitan ng mas matinding opensa, nauwi lamang ito sa ilang errors, 17-9. Nakapaglunsad ang koponan ng scoring rally bunsod ng legendary Majoy Baron-Fajardo connection, 24-9. Pansamantalang nakabuo ng mini-run ang kabilang koponan ngunit napasakamay ng DLSU ang first set matapos ang error ni Pauline Gaston, 25-12.

Maaksyon ang naging labanan sa second set. Mainit na binuksan ng DLSU ang ikalawang yugto matapos agad na nagtala ng back-to-back points sina Baron at Tiamzon, 2-0. Dikdikan ang mga sumunod na aksyon nang magsagutan ng matitinding blocks at malalakas na assault ang parehong koponan, 10-all. Naungusan ng DLSU ang kalaban mula sa down the line at service ace ni Tiamzon, 13-11.

Hindi naman pumayag ang archrival na maisahan ng defending champs kaya sinasangga nila ang maiinit na tirang pinakakawalan ng DLSU, 20-22. Napako na ang iskor ng Taft-based squad at tuluyan nang umabante ang Katipunan-based squad, 20-25.

Parehong kwento ang sinapit ng Lady Spikers sa third set. Hawak man ng DLSU ang ilang puntos na kalamangan sa mga unang minuto ng yugto, nagawa na naman silang matapatan ng Ateneo sa pangunguna ni middle hitter Bea De Leon, 10-all. Sa kabilang banda, humataw si Fajardo ng magkasunod na service ace na sinundan naman ng savage attack ni Dy, 13-11. Patuloy ang pag-abante ng DLSU mula sa mas pinalakas na opensa nina Cheng at Dy.

Pinagtibay rin nila ang depensang dinagdagan pa ng magkasunod na service ace ni Ogunsanya, 20-17. Nagawa namang maharangan ng Ateneo blockers ang powerful attack ni Cheng na sinundan ng isang puntos mula kay Ana Gopico kaya natabla ang laban, 20-all. Katulad ng nangyari sa naunang yugto, bigong maisahan ng Lady Spikers ang Lady Eagles, 21-25.

Nanatiling buo ang kompyansa ng Lady Spikers na mapapaabot ang ikalawang paghaharap sa fifth set. Nagsimula ang yugto na nasa kamay ng Green and White team ang bentahe, 17-15. Nagbago ang takbo ng istorya nang masira ng Ateneo ang Taft defense, 20-15.

Muling nakaapak sa service line ang DLSU sa tulong ng quick ni reigning best blocker Baron ngunit agad itong nabawi ng error ni Cheng, 16-22. Hindi na nakaangat pa ang La Salle at muling dinagit ng agila ang top seed ng eliminations, 25-19.

Hawak ng koponan ang twice-to-beat advantage sa pagpasok ng semi-finals round. Sunod na makahaharap nila ang University of Santo Tomans (UST) Golden Tigresses, Abril 22 sa Araneta Coliseum. Pansamantalang ipagpaliban ang torneo upang magbigay-daan sa paggunita ng Mahal na Araw.

 

Retrato – kuha ni Justin Aliman

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?