Pagkilala sa galing ng Lasalyano: Lee, pinakamahusay na international student sa bansa

9 April 2017
549 Views

nina Josee’ Ysabella Abriol at Hannah Gabrielle Mallorca

GINAWARAN ng Philippine International Friendship and Understanding Association (PIFUA) si Eunhye Lee, III-IBS, bilang isa sa tatlong pinakamahusay na intertnational students sa bansa. Pinili siya sa Search for the Three Most Outstanding International Students in the Philippines matapos pumasa sa criteria ng screening committee.

Binibigyang-parangal ng PIFUA ang natatanging international student na nagpakita ng angking potensyal at husay sa pamumuno at akademiko. Layon nitong lalong linangin ang kakayahan ng mga dayuhan upang mas maging mahusay sa larangang kanilang tinatahak.

 

Motibasyon at proseso sa pagsabak

“I was one of the few who were qualified to apply for the competition and I decided to challenge [myself],” paglalahad ni Lee.

Naging motibasyon ni Lee sa pagsali ang kagustuhan niyang sumubok ng bagay na hindi pa niya nagagawa sa huling taon niya sa Pamantasan.

Bago mapiling kinatawan ng DLSU, sumailalim si Lee sa ilang panel interview upang lalong matuklasan ang kanyang mga katangian bilang international student. Masusing sinuri ng mga opisyal ng Pamantasan ang kanyang academic background, leadership qualities, community involvement, at paraan ng adjustment sa Pilipinas.

Matapos mapiling finalist ng Pamantasan, dumaan pa si Lee sa apat na bahagi ng final screening. Binubuo ito ng individual interviews, written tests, extemporaneous speech, at talent portion.

 

Paghahanda at pagsubok

Bunsod ng kagustuhang mapagtagumpayan ang kompetisyon, ginawa ni Lee ang kanyang makakaya upang mangibabaw sa iba pang kalahok.

Bilang paghahanda, buong-pusong kinilala ni Lee ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng research ukol dito. Sinanay rin niya ang kanyang sariling gumawa ng talumpati at magsalita sa harap ng maraming tao upang mahasa ang kanyang kakayahan.

Naniniwala si Lee na malaking tulong din sa kanyang tagumpay ang naging sagot niya sa mga isinagawang interview. Pagsasaad ni Lee, ipinarating niya sa mga hurado ang positibong dulot sa kanyang buhay ng paninirahan sa Pilipinas.

Ani Lee, “I tried to share my visions which also the experience affected. [I also mentioned how] staying in the Philippines for 4 years have me convinced of what I want to do in the future, which is to be a social entrepreneur. I think I was able to express those things confidently during final screening.”

Malaki rin, aniya, ang tulong na naibigay ng International Center at kapwa international students na umalalay sa kanya mula panel interview hanggang sa paggawad. Bunsod ng pagtulong na kanyang nakuha, mas ginanahan si Lee na gawin ang kanyang makakaya upang mapili ng PIFUA.

Pinasasalamatan ni Lee ang DLSU dahil malaki ang ambag nito upang mas malinawan siya sa larangang kanyang tatahakin. Dagdag pa rito, nabigyan siya nito ng pagkakataong malinang ang kanyang kakayahang makipag-usap at makisalamuha sa ibang lahi, lalo na ang mga Pilipino.

 

Tungo sa sariling kaunlaran

Hindi naging mahirap para kay Lee ang pagbabago sa kanyang pamumuhay mula Korea patungong Pilipinas. Naniniwala siyang nakatulong ito sa kanya upang matutunang mamuhay sa sariling paa at mas maging matapang sa pagharap ng mga pagsubok.

Bunsod nito, inaanyayahan ni Lee ang kapwa niya international students na mas maging aktibo sa iba’t ibang aktibidad sa bansa upang lumawak ang karanasan. Naniniwala siyang makatutulong din ito upang makita nila ang kanilang tunay na potensyal at mas malinang ang kanilang mga kakayahan.

“Once you step out of the comfort zone, you’d realize you can do better and more, “ giit niya.

 

Retrato – kuha ni Abraham Nueda

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?