Isang taon matapos ang campus lockdown: Seguridad sa Pamantasan, napaigting nga ba?

8 April 2017
600 Views

nina Faye Caryl Chico at Pia Joyce Escasinas

GINULANTANG ang pamayanang Lasalyano sa nangyaring assault sa isang babaeng estudyante sa Yuchengco Building, Marso 31 noong nakaraang taon. Nagdulot ang nasabing insidente ng 30-minute campus lockdown para sa pagsasagawa ng imbestigasyon. Batay sa ulat, nag-aaral umano ang biktima sa isang silid nang atakihin siya ng taong nakatakip ang mukha.

Bago pa man ang insidente, ilang estudyante na ang nagbahagi isyu hinggil sa seguridad sa loob ng nasabing gusali. Kaugnay nito, kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Security Office Director Col. Eduardo Bruno upang malaman ang kasalukuyang lagay ng seguridad sa kampus isang taon matapos ang insidente.

 

Aksyon sa insidente

Ayon kay Bruno, matapos ang insidente sa Yuchengco Building, pinagtuunan nila ng pansin ang paglalagay ng mga gwardya sa mga lugar na walang CCTV upang maiwasan na ang kaparehong pangyayari.

Paliwanag pa niya, sa kabila ng panukalang pagbabawas ng security personnel, tinitiyak nilang mayroon pa ring sapat na bilang ng gwardya upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa loob ng Pamantasan.

“Hindi tayo nagdagdag, kasi magdagdag ka nga, pero hindi naman maganda management mo, useless yun. Kahit tama lang (yung bilang ng mga gwardya), pero alam mo yung distribution at employment nila, mas maayos yun at mas magtatrabaho sila nang mahusay,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa 105 gwardya ang nakatalaga para sa halos 21,000 katao sa loob ng kampus. Paliwanag ni Bruno, nahahati pa ang bilang na ito sa pang-araw at panggabing shifts.

 

Seguridad sa Pamantasan

Katulong ang Office of Student Affairs (OSA), nagsasagawa ang Security Office ng mga emergency response plan para sa kaligtasan ng mga estudyante..

Ani Bruno, napananatili ang seguridad sa loob ng Pamantasan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inspection sa bawat taong pumapasok sa kampus at pagtatalaga ng bomb detection K9 dogs sa loob. Humingi na rin ng narcotics detection dogs ang Security Office mula sa security agency upang mapanatili ang pagiging drug-free ng Pamantasan.

Sa kabila ng kakulangan ng mga gwardya, tinitiyak naman ng Security Office ang kalidad ng mga security personnel nito. Tinitiyak nilang nabibigyan sila ng mga training at corresponding awareness tungkol sa pagpapatupad ng seguridad sa kampus.

Bukod sa special training ng mga gwardya, nagbalangkas si Bruno ng campus security plan na naglalaman ng protocols na maaaring sundin ng security kapag may emergency. Maliban pa rito, nagtatag ang opisina ng ready deployable team na maaaring aasahan sa oras ng emergency. Kabilang din sa kanilang hakbang ang pagkakaroon ng civilian spotters na gagabay sa mga estudyante sa off-campus activities.

“We must be ready all the time, yun ang lagi kong ini-inculcate sa kanilang isipan. We, security personnel, are the first responder in any incident so dapat mabilis tayo,” pagtatapos ni Bruno.

Sa kasalukuyan, inaasahan ng Security Office ang paglalagay ng karagdagang CCTV at pagkakaroon ng walk through detector at X-ray machines sa bawat gate ng Pamantasan upang mapaigting ang seguridad.

 

Pananaw ng mga Lasalyano

Sa obserbasyon ni Lorenzo Libosada, III-MKT, mas dumalas ang pagpapatrol ng mga gwardya sa kampus matapos ang insidente. Aniya, napansin din niyang naging mas mahigpit ang inspeksyon ng mga gwardya sa bawat gate sa loob ng kampus.

Paglalahad ni Libosada, “Sa bag checking, hindi ka nila palalagpasin hangga’t hindi mo pinapakita ang laman ng bag mo. Subalit, kapag mahaba na ang pila, pinapalagpas nalang nila yung sa tingin nila ay hindi kailangan tignan pa.”

Napansin naman ni Raissa Go, III-BS-ENT, ang pagtaas ng seguridad dulot ng pagdagdag ng CCTV sa ibang lugar gaya ng Yuchengco building.

Para naman sa ilan tulad nina Aina Espiritu, IV-BSA, at Abimelech Rigodon, III-BSA, wala masyadong nagbago sa seguridad ng Pamantasan. Anila, hindi nila masyadong ramdam ang mga pagbabago sakaling mayroon mang isinulong ang Security Office.

Ibinahagi rin ng ilang Lasalyano ang kanilang sariling paraan ng pagtulong sa pagpapaigting at pagpapanatili ng seguridad sa loob ng kampus. Ayon kay Trish Victoria, IV-PSYCH, “I think it’s all about watching out for each other. I think we get too busy with our own selves and we forget that we’re actually supposed to be a community,” ani Victoria.

Higit ding hinikayat ng mga estudyante ang pagdagdag at paglalagay ng mga CCTV sa ilang building at lugar na hindi masyadong matao. Iminungkahi ni Victoria ang paglalagay ng metal detector machines sa bawat gate ng Pamantasan na makatutulong sa pagpapaigting ng seguridad. Aniya, “Harmful weapons are not just found in bags […] Another thing is a routine check on the floors of buildings, especially pag walang class.”

 

Partisipasyon ng mga Lasalyano

Hinihingi ni Bruno ang kooperasyon ng bawat Lasalyano at departamento upang mapaigting pa ang seguridad sa loob ng Pamantasan. “Hinihikayat ko nga yung ibang department na kapag dumating tayo sa ganitong seguridad, kailangan sama sama tayo. Everybody will cooperate para maiayos natin,” ani Bruno.

Giit niya, magiging malaking tulong para sa Security Office kung magkakaroon ng sapat na kaalaman ang pamayanang Lasalyano sa mga dapat nilang gawin sa panahon ng mga emergency.

“A secured place will bring all things sa atin. Mapayapa tayong nagtuturo. Mapayapa tayong nag-aaral. Mapayapa yung lugar natin,” pagtatatapos ni Bruno.

 

Retrato – kuha ni Arah Reguyal

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?