Dalawang campus, iisang layunin: Taft campus at STC, nagkaisa para sa Animolympics!

7 April 2017
249 Views

Jea Rhycar Molina at Justine Earl Taboso

ONE WORLD, ONE LA SALLE – mga katagang nais itatak sa kamalayan ng mga Lasalyano. Gayunpaman, bihirang magtagpo ang mga landas ng mga estudyante mula sa De La Salle University – Manila (DLSU-M) at De La Salle University – Science and Technology Complex (DLSU-STC). Bunsod nito, inilunsad ng Science and Technology Complex Government (STCG) ang Animolympics 2017: Inter-College Sportsfest, isang patimpalak na pinapayagang makilahok ang mga estudyante mula sa dalawang campus, na isinigawa noong Pebrero 10,17,24 at Marso 3, 2017.

Nakipagtulungan ang STCG sa DLSU – Parents of University Students Organization (DLSU-PUSO) upang mas pagbutihin ang Animolympics ngayong taon. Buhat nito, isinagawa rin nila ang Familympics (Family Olympics) sa kauna-unahang pagkakataon.

 

Pagbuo sa pundasyon

Katulad ng paggawa ng establisimyento, kinakailangang simulan ito ng pagpaplano sa disenyo na naisasakatuparan sa pamamagitan ng paggawa ng matibay na pundasyon. Kahalintulad nito ang pagbuo sa kinasasabikang Animolympics. Bitbit ang konseptong pagbuklurin ang mga estudyante mula sa Manila at Laguna campus, inilunsad ng STCG A.Y. 2014-2015 ang programa sa pamumuno ng Campus President Angel Alva. Sa tulong ng STCG – Office of the Campus President Officers, naisakatuparan nina Alva ang plano.

Mayroong iba’t ibang larangang maaaring salihan sa patimpalak tulad ng basketball, football, volleyball, at ultimate Frisbee. Dagdag pa rito, bilang pagkilala sa e-sports, idinagdag nila ngayong taon ang Defense of the Ancients 2 (DotA2) at Counter Strike:Go (CS:Go).

 

Hangarin ng patimpalak

Bunsod ng layo ng dalawang campus, hindi maiiwasang walang masyadong interaksyon sa mga mag-aaral mula sa DLSU Manila at DLSU-STC. Kaugnay nito, naitatag ang Animolympics sa tulong ng pagnanais na pagtibayin pa ang samahan ng buong pamayanang Lasalyano.

Isa rin sa mga pangunahing layunin ng patimpalak na makapagpahinga ang mga estudyante mula sa pagod na naidudulot ng mga aktibidad pang-eskwela. “The Inter-College Sportsfest aims to strengthen the relationship between the students of the Taft and STC campuses. It is an avenue for students to relieve themselves of the stress brought upon by academic activities,” ani Kristian Sisayan, kasalukuyang STCG President.

Buhat din ng distansya, hindi pa nakapupunta lahat ng mga estudyante mula sa Manila sa STC. Inaanyayahan ni Sisayan ang mga estudyante mula sa Manila Campus sa kanila upang masilayan nila ang ganda ng STC. Aniya, “We would like to promote STC to the students of DLSU as not everyone has been able to visit the campus in Laguna.”

 

Minimithing tagumpay

“Animolympics 2017 is co-organized by the STCG with the DLSU-PUSO this year,” pagbabahagi ni Sisayan. Nakipagtulungan ang PUSO dahil sa pagnanais ng mga magulang na matiyak na patuloy na nalilinang ang kakayahan ng mga estudyante sa larangan ng isports, pati na rin ang pakikitungo nila sa mga kapwa nila Lasalyano.

Sa pagtatapos ng kompetisyon, ilan sa mga nagwagi sina Clark Amigable, Kyle Bartobalac, Vincent Dacanay, Sean Escanilla, Mickel Majarais, at Migs Singson sa Ultimate Frisbee.

Sa football, sina Andre Acantilado, Aaron Angeles, Sean Escanilla, Andro Leongson, Carlos Mariano, at Gio Rana naman ang mga nagtagumpay.

Itinanghal namang kampeon sa larangan ng DotA 2 sina Thomas Johansson, Sean Lazo, Jomel Lorenzo, Lenard Lozano, Jaime Rivera, at Angelo Suniga.

Hindi naman nagpahuli sina Jolo Cutaran, Sean Escanilla, Jaden del Rosario, at Jayson Ubungen para sa CS:GO.

Pinarangalan naman bilang Most Valuable Players (MVPs) sina Ryan Bernabe at JM Rosqueta sa basketball at volleyball, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Maikli man ang isang araw para sa Animolympics, siniguro naman ng mga tagapamahala ng patimpalak na ito na naisabuhay nila ang mga layunin nila hindi lamang para sa ikabubuti ng mga estudyante ng dalawang campus kundi pati na rin sa buong pamayanang Lasalyano.

Isa lamang ang Animolympics sa mga hakbang ng student governments—darating ang araw na mawawala na ang pagkakaiba ng dalawang campus at mananaig ang iisang dugo, ang dugong Lasalyano.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?