Ika-11 panalo ng Lady Spikers sa torneo, nakamit kontra Adamson!

2 April 2017
204 Views

ni Jaymee Lou Abedania

SINANDALAN ng DLSU Lady Spikers ang matinik na opensa at depensa upang mapanatili ang malinis na panalo-talo kartada sa ikalawang round ng UAAP Season 79 Women’s Volleyball Tournament kontra Adamson University (AdU) Lady Falcons, 25-13, 25-14, 25-16, Abril 1 sa Mall of Asia Arena. Sa kabila ng combo plays na ipinamalas ng Lady Falcons, nagawang manaig ng Taft-based squad nang pag-igihan ang parehong scoring at non-scoring departments.

Mabagal ang naging panimula ng unang set para sa Green and White team nang makapagtala ng 6-2 scoring run ang Adamson matapos magtulungan nina Jema Galanza at Joy Dacoron sa opensa. Gayunpaman, hindi nagpadaig ang defending champions nang magpakawala ng 10-2 run sa pangunguna ni Desiree Cheng at Aduke Ogunsanya.

Dagdag pa rito, kabi-kabilang unforced errors ang naitala ng Lady Falcons dahilan upang mahabol at maungusan sila ng DLSU, 12-8. Nailapit naman ni Galanza ang iskor, 12-10, matapos ang magkasunod na off the block hits. Hindi na pinatagal pa nina Tin Tiamzon, Majoy Baron, at Yhan Layug ang laro at pinangunahan ang La Salle sa 7-point run dahilan upang hindi na sila madikitan ng katunggali, 25-13.

Binuksan naman ng error ni Baron ang ikalawang set ngunit agad itong nabawi ng drop ball ni Kim Fajardo, 2-1. Panandalian namang nagsagutan ng puntos sina Baron at Lady Falcon Fatima Joaquin nang makahanap ng butas sa depensa ng koponan ng isa’t isa. Matapos nito, agad na rumatsada ang Lady Spikers matapos ang 11-2 run sa pangunguna ni Cheng. Nakapag-ambag din ng ilang puntos sina Fajardo at Baron matapos ang ilang drop ball at blocks nila, 16-9.

Naputol ni Galanza ang momentum ng kalabang koponan buhat ng matagumpay na cross-court hit ngunit bunsod ng errors ng AdU, agad ding nakabawi ang La Salle, 21-12. Muling sinubukan ni Galanza na patagalin pa ang ikalawang set ngunit ipinagpatuloy lamang nina Baron at May Luna ang pagpapamalas ng offensive prowess ng koponan, 25-14.

Nagpakitang-gilas agad sina Galanza at Bernadette Flora sa huling set ng laro matapos ang dalawang attacks, 2-0. Gayunpaman, sunod-sunod na error na naman ang naitala ng San Marcelino-based squad kaya muling nakalamang ang Taft mainstays, 6-2. Nagtuloy-tuloy naman ang pagpapaulan ng DLSU ng malalakas na atake at tuluyan nang naunahan ang kalaban, 14-5.

Tila nawalan na ng gana ang Falcons sa kalagitnaan ng set at nagpatuloy lamang ang pagtatala nila ng error dahilan ng lalo lamang paglobo ng bentahe ng Taft-based squad, 18-5. Nakipagsagutan naman ng puntos ang Adamson sa DLSU matapos ang palo ni Cheng sa tulong ni Michelle Cobb. Nagkaroon din ng ilang unforced errors ang La Salle ngunit agad din naman itong nababawi ni Ezra Barroga.

Pinilit pang makaiskor ni Galanza sa huling bahagi ng set matapos ang down-the-line hits. Gayunpaman, buhat ng service error ni Flora, tuluyan nang naselyuhan ng Lady Spikers ang laro, 25-16.

Itinanghal na Player of the Game si Dawn Macandili matapos ang 18 excellent digs at 12 excellent receptions.

Matapos ang tagumpay kontra AdU, sunod na kahaharapin ng Lady Spikers ang archrivals Ateneo De Manila University (ADMU) Lady Spikers para sa huling match nila sa elims, Abril 8 sa Araneta Coliseum.

 

Retrato – kuha ni Justin Aliman

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?