Lady Spikers, nanaig kontra Lady Warriors; Final four spot, kasado na!

26 March 2017
360 Views

nina Maricho Sermon at Christian Gerard Villalba

NASIGURO ng De La Salle University Lady Spikers ang pwesto sa final four ng UAAP Season 79 Women’s Volleyball Tournament nang talunin ang University of the East (UE) Lady Warriors, 25-16, 25-15, 25-9, Marso 25 sa Filoil Flying V Arena. Itinanghal bilang best player of the game si Desiree Cheng matapos makapagtalaga ng 10 puntos mula sa siyam na attack points at isang service ace.

Maagang pinag-init ng Taft-based squad ang laban kontra Lady Warriors mula sa off the block spike ni Kim Dy pagpasok ng first technical timeout ng unang set. Sinubukang dumikit ng UE sa pamamagitan back-to-back points ni Mariella Gabarda, 8-4. Gayunpaman, hindi natinag ang Green and White team sa pagpapakita ng lakas at tapang nila sa loob ng kort.

Lalo namang pinalobo ng Lady Spikers ang kanilang kalamangan sa pangunguna ni Dy buhat ng kanyang cross court shots, 20-11. Nakuha ng DLSU ang unang set sa iskor na 25-16 mula sa error ng Lady Warriors.

Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Lady Spikers sa pagpasok ng ikalawang set. Tangan ng La Salle ang 14-7 bentahe matapos ang drop ball point ni Kim Fajardo.  Hindi naman nagpahuli ang off the beach players ng Lady Spikers nang mag-ambag sina Norielle Ipac at Arriane Layug sa lalong pagpapalaki ng kalamangan ng defending champions, 19-10. Muling nakuha ng ng Taft-based squad ang ikalawang set buhat ng error ng UE, 25-15.

Madikit naman ang panimula ng ikatlong set nang magpalitan ng puntos ang dalawang koponan, 3-3. Sa kabila nito, nagawa pa ring kumawala ng Green and White team at naglunsad ng 3-0 scoring run, 6-3.

Ginamit ng Lady Spikers ang kanilang matinding depensa upang mahirapan ang Recto mainstays na makabuo ng kanilang set-up plays. Lalong lumaki ang kalamangan ng La Salle nang magpaulan ng dalawang service aces si Team Captain Fajardo. Sa huli, nanaig ang Green and White team sa labanan sa iskor na 25-9.

Habang papalapit na ang semifinals match ng torneo, malaki ang paniniwala ni Fajardo na marami pa ang kailangang pag-ensayuhan ng Lady Spikers. Gayunpaman, naniniwala ang kapitana na sa kabila ng ilang pagkukulang, nagiging maganda ang kinalalabasan ng kanilang teamwork sa loob ng kort.

“Lalaban kami kahit anong mangyari, hanggang dulo,” mensahe ni Fajardo para sa lahat ng mga naniniwala at sumusuporta sa kanilang koponan.

Susubuking mas patatagin ng Taft-based squad ang kanilang kapit sa final four standing sa susunod nilang laban kontra University of Santo Tomas (UST) Tigresses, Marso 29 sa Filoil Flying V Arena.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?