Tungo sa holistic development: Socio-civic organizations, katuwang ng DLSU

22 March 2017
384 Views

nina Kathleen Elayda at Pia Escasinas

PUSPUSANG isinusulong ng Pamantasan ang pagkalinga sa mga nangangailangan kaakbay ang higit 75 partner organizations at ilang socio-civic organization. Pinangungunahan ng mga samahang ito ang paghahatid-tulong sa iba’t ibang sektor ng lipunan gaya ng urban poor, migrant workers, mga dayuhan, at iba pa. Sa pamamagitan ng Center for Social Concern and Action (COSCA), kumikilos ang Pamantasan upang matupad ang layunin ng bawat samahan.

Kaugnay nito, pinagtitibay ng mga socio-civic organization gaya ng Gawad Kalinga – DLSU (GK-DLSU), Rotaract, at United International Students Organization (UNISTO) ang kanya-kanya adhikain bilang pagsunod sa Sustainable Development Goals (SDGs) ng United Nations. Bunsod nito, inaanyayahan nila ang mga Lasalyano na makiisa sa pagbibigay-oportunidad sa marginalized sector ng lipunan.

 

Pagbibigay ng pag-asa

Isa ang GK-DLSU chapter sa mga proyektong handog ng opisina ni Vice President for Lasallian Mission, Br. Michael Broughton FSC. Ayon kay GK Special Projects Coordinator Carmel Puertollano, kasalukuyang tutok ang samahan sa paghahanap ng mga iskolar at ibang community partner na kanilang gagabayan. Tinatrabaho rin ng GK ang integrasyon nito sa Lasallian Social Enterprise and Economic Development (LSEED) Program na nakasentro sa pagseserbisyo sa bayan, lalo na sa mahihirap.

Itinuturing na pinakamatagumpay na programa ng GK-DLSU ang scholarship program na naghahatid-tulong sa 150 iskolar mula sa iba’t ibang komunidad. Sumasailalim sa mentoring programs at buwanang pagpupulong ang mga iskolar upang patuloy na mahasa ang kanilang mga kakayahan. Tinutulungan din ng samahan ang mga iskolar sa kanilang gastos sa mga libro at iba pang materyales na kailangan sa eskwelahan.

Bukod pa rito, ani Puertollano, kinikilala nilang mabuti ang bawat iskolar sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga personal na kwento. “We involve their parents from the get-go. We ensure that they know that we are a community,” saad niya.

 

Paglilingkod sa bayan

Gaya ng GK-DLSU, kabilang ang Rotaract sa mga samahang nagsisilbing-tulay sa pagitan ng mga Lasalyano at lipunan. Pangunahing layunin ng organisasyon ang makapaghubog ng mga pinunong mangunguna sa paglilingkod sa bayan at magmumulat sa pangangailangan ng iba. Ayon kay Rotaract-DLSU President Abigael Sarmiento, pilit na pinagyayaman ng organisasyon ang malasakit at kagustuhang maglingkod ng bawat myembro sa mga taong iba’t iba ang estado sa buhay.

32701279072_cc1ae1fdc6_o
Nakasentro ang samahan sa apat na aspekto ng serbisyo — club service, international service, community service, at professional development. Ilan sa mga aktibidad na matagumpay na naisagawa nito ang pagbisita sa Nation Children’s Hospital upang maghandog ng regalo sa mga bata, pagbibigay-kaalaman sa mga estudyante ukol sa corporate social governance, at patuloy na paglinang sa kakayahan ng mga kaanib nito.

Pagsasaad ni Clavaro, regular na sinisiyasat ng Rotaract ang resulta ng sarbey na ibinibigay ng Organizational Research (ORGRES) team ng Council of Student Organizations (CSO) upang mapabuti pa ang kalidad ng mga proyekto nito.

 

Pagbibigay-tahanan sa mga dayuhan

Itinatag noong 2005 ang organisasyong UNISTO sa Pamantasan. Nagsisilbi itong pangalawang tahanan ng mga dayuhang Lasalyano upang kanilang maibahagi ang kanilang kultura, anoman ang lahi.

Ilan sa mga programa ng samahan ang language at dance tutorials, food trips, at cultural nights na nagtataguyod ng multiculturalism sa mga dayuhan. Naipamamalas din ng mga myembro ang angking galing nila sa musika sa mga Open Mic event.

32474026460_c083600b6c_o0

Isinaad ni UNISTO Vice President Tricia Mae Dator na maglulunsad sila ng Art Fest sa Learning Commons na magpapakita ng talento ng mga dayuhan sa “paggawa ng tula, pagkuha ng litrato, pagpipinta, at iba pa.”

Bukod dito, tumutulong din ang UNISTO sa mga nangangailangan at nagpapaligaya sa komunidad ng partner nongovernmental organizations sa pamamagitan ng mga programa nito. Sa tulong ni COSCA Development Specialist Leo Tadeña at mga staff ng COSCA, nakahahanap ang organisasyon ng komunidad na maaaring abutan ng tulong.

 

Pagpapaunlak at pakikiisa

Ipinarating ni Clavero na ikinagagalak ng iba’t ibang socio-civic organization ang pagbuhos ng tulong ng DLSU. Aniya, “Ang pinakamagandang halimbawa ng pagsuporta ng kumunidad ng DLSU ay ang pag bigay nila ng mga gamit o pera sa mga donation drive.”

Kaugnay nito, inaanyayahan ng mga pinuno ng GK-DLSU, Rotaract, at UNISTO ang mga Lasalyano na patuloy pang makibahagi sa pagpapatupad ng layunin ng kanya-kanya samahan. Sa pamamagitan ng pakikiisa sa pagtulong, nakapagaambag ang lahat sa pagbabago ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

 

Retrato – mga kuha ni Arah Reguyal

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?