Pagtugon sa suliranin: Pagbabago ng kurikulum para sa 2018

21 March 2017
513 Views

nina Kathleen Elayda, Alyssa Gervacio, at Kyle Llanes

NAPAGKASUNDUAN ng mga opisyal ng Pamantasan na magiging mabisang solusyon ang pagbabago ng kurikulum sa 2018 sa problemang kinahaharap ng mga estudyanteng papasok ng Law at Medical schools. Maliban dito, isang paraan umano ito upang mapabuti ang sistema ng edukasyong handog nito sa mga estudyante.

Kabilang sa panibagong kurikulum ang pagbawas sa bilang ng unit na maaaring kunin ng mga estudyante. Bunsod nito, mababawasan din ang bilang ng kursong ituturo ng mga propesor bawat taon. Inaasahang, kasabay ng pagbabago ng kurikulum, mas mabibigyang-prayoridad ang pagkatuto ng mga estudyante sa labas ng silid-aralan.

 

Proseso ng pagbabago

Inihayag ni Vice Chancellor for Academics (VCA) Dr. Robert Roleda ang sinusunod na proseso ng Pamantasan sa pagbabago sa kurikulum. Paliwanag niya, sinisimulan ito matapos maglabas ng Commission on Higher Education (CHED) ng guidelines na maaaring sundin ng Pamantasan. Masinsinang pinag-aaralan ito ng department chairs upang makapaghandog ng mga programang angkop sa pangangailangan ng mga estudyante.

Ginagamit na pamantayan sa pagbuo ng kurikulum ang mga panukala ng CHED ngunit malaya pa rin ang bawat departamento na gumawa ng sarili nilang pagbabago. Dagdag ni Roleda, kinakailangan maaaprubahan ng mga opisyal ng Pamantasan ang lahat ng pagbabago bago isapinal at ipagbigay-alam sa CHED.

Sa proseso ng pag-aapruba, kinakailangan magpasa ang mga departamento ng planong ihahain para sa bagong kurikulum sa Academics Council. Bukod sa VCA, binubuo rin ito ng Chancellor, Vice Chancellor for Research and Innovation, Faculty Association President, mga dean ng iba’t ibang departmento, at University Registrar Matapos siyasatin ng lupon, itataas nila ito sa President’s Council para sa pinal na mga pagbabago at tuluyang pag-aapruba.

 

Mga panukala sa bagong kurikulum

Pagsasaad ni Roleda, kasabay ng pagbabago sa kurikulum ang pagbabawas ng units na kukunin ng bawat estudyante. Maaari itong mabawasan sa pagkakataong tanggalin ang foundational courses na ihahandog na sa Senior High School level. Bunsod nito, pilit na isinusulong ng Pamantasan ang maximum of 15 units kada termino sa lahat ng kolehiyo.

Kasama rin sa pinag-aaralan ang work load ng mga estudyante, kasabay ang pagbabalanse nila ng mga gawain sa loob at labas ng Pamantasan. Naniniwala si Roleda na marami ring aktibidad ang mga estudyante sa labas ng silid na makatutulong sa kanilang pagkatuto.

Giit ni Roleda, “Pinaguusapan namin ngayon ang standardized [work load] natin na kapag 1 unit, ibig sabihin ay 1 hour sa classroom at 2 hours outside sa classroom para may life pa rin ang estudyante, kasi importante pa rin ang life outside the curriculum.”

Dagdag din ni Roleda, ipinanunukala niya ang mandatory blended learning na bibigyang-halaga ang pagkatuto ng mga estudyante gamit ang online platforms. Bunsod nito, possible nang mabawasan ang teaching load ng mga propesor kada term.

Dumako rin si Roleda sa benepisyong matatanggap ng mga dean’s lister sa panibagong kurikulum. Saad ni Roleda, mabibigyan ng pagkakataon ang mga dean’s lister na magdagdag ng 3 hanggang 6 na units kada termino upang makapagtapos ng mas maaga.

 

Pagpapabuti sa kalidad ng pagkatuto

Ipinaliwanag ni Roleda ang kahalagahan ng pagbabago sa kurikulum ng edukasyon sa Pamantasan. “Hindi naman static ang discipline, nagbabago rin yan so importante lamang na narerenew at least man lang sa school syllabus,” aniya. Nagbibigay umano ito ng oportunidad para pagbutihin ang sistema at makipagsabayan sa mga unibersidad sa ibang bansa.

Makatutulong din ito sa mga papasok ng Law at Med school dahil maaari silang mabigyan ng advance classes at exams upang makahabol sa kanilang takdang pagtatapos, ani Roleda.

Sa pagpasok ng 15-unit curriculum, inaasahan ni Roleda na mas maiaangat ang kalidad ng edukasyon sa Pamantasan. Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga estudyanteng malinang ang galing nila sa pamamagitan ng pagkatuto sa labas ng silid.

Nakatitiyak si Roleda na magiging learner-centered ang Pamantasan sa panahong maisakatuparan ang pagbabago sa kurikulum. “Nakikita ko sa mga napag-uusapan namin na masmagiging totoo tayo sa pagiging learner-centered,” wika niya.

 

Dibuho ni Aramina Batiquin

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?