Luisita farmers, patuloy ang paghahanap ng katarungan

20 March 2017
330 Views

ni Kristine Paula Garcia

DININIG ng mga kabataan, mamamahayag, at opisyal ng pamahalaan ang naging karanasan ng mga magsasaka ng Mindanao sa Hacienda Luisita sa Department of Agrarian Reform (DAR), Marso 17. Inorganisa ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang nasabing pagtitipon na naglalayong ipaalam sa madla ang tunay na kalagayan ng mga magsasakang nagtatrabaho sa kontrobersyal na lupang sakahan.

Nagkwento ang ilang migratory sugar workers (MSW) o sakada na ipinadala sa Luisita at mga karatig-lugar nito upang magtrabaho. Nailantad sa kanilang mga salaysay na hindi nila natatanggap nang buo ang sweldo nila. Habang tumatagal, paliit pa nang paliit ang kanilang sahod. Bukod dito, hindi rin sila nabibigyan ng mga ipinangakong benepisyo sa mga magsasaka katulad ng SSS, PhilHealth, at PAG-IBIG.

“May CR pero napakabaho; walang salop, walang bubong,” paglalarawan ng isang magsasaka sa naging tirahan nila. Sa tuwing nagkakasakit sila, tumatanggi silang ipadala sa ospital dahil sila ang magbabayad para sa pagpapagamot sa halip na tustusan ito ng kompanyang may hawak sa kanila.

Napag-alaman ding ikinakaltas sa kanilang sahod ang mga gamot at kagamitang ibinibigay sa mga sakada. Himutok pa ng isa nilang kasamahan, “Hindi na nga po kami nakakapagpadala [sa mga pamilya namin] sa Mindanao, nababaon pa kami sa utang.”

Hindi rin umano ipinabasa sa kanila ang kontratang pinirmahan nila noong recruitment dahil ipinaliwanag na raw sa kanila ang mga nilalaman nito. Gayunpaman, lumalabas sa ginawang pagsusuri sa kontrata na hindi tugma ang mga impormasyong nilalaman nito at ang mga ipinangako sa mga sakada. Dagdag pa rito ang physical at verbal abuse na natanggap ng iilan mula sa kanilang mga amo.

Bilang mga Lumad, pinangakuan din umano sila ng kanilang recruiter na tutulungan sila sa pagbawi sa kanilang mga lupain. Hinikayat din silang magtrabaho sa Luisita dahil isa ito sa mga pangkabuhayang proyekto ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kabila nito, hindi pa rin napagbuti ang kanilang kalagayan bilang mga magsasaka.

Sa dulo ng programa, ibinahagi ng UMA ang kanilang mga hakbang sa pagtugon sa naturang isyu, katulad ng pagdaraos ng educational campaign sa mga Lumad upang hindi nila maranasan ang pinagdaanan ng mga magsasaka.

Pinaimbestigahan na rin ni Joel Maglunsod, Undersecretary ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang kasalukuyang lagay ng iba pang mga sakadang naiwan sa Luisita. Bukod dito, nakapagsampa na rin ng kaso ang unang pangkat ng mga sakada laban sa recruitment agency at sa kompanyang humawak sa kanila sa Luisita. Nakatakda ring sumunod sa pagsampa ng kaso ang kanilang mga kasamahan.

Ipinakita rin sa programa ang maikling video tungkol sa kasaysayan ng Hacienda Luisita at pag-asam ng mga magsasaka sa lupaing matagal na umanong ipinagkakait sa kanila.

Nagpahayag naman ang mga lumahok na kinatawan ng kabataan, midya, at pamahalaan ng pakikiisa sa mga sakada. Pagkatapos nito, binigyang-pagkakataon ang mga dumalong mas kilalanin ang mga magsasaka sa pamamagitan ng isang breakout session.

 

Retrato – kuha ni Kristine Paula Garcia

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?