Isang tanong, isang sagot: Sulyap sa legasiya ni DLSU Batters Seasoned Coach Joseph Orillana

20 March 2017
395 Views

nina Karl Niccolo Dela Cruz at Maria Jose Elumba

MATIYAGA AT DEDIKADO – iyan ang ilan sa mga salitang ginagamit para ilarawan ang mga tumatayong coach ng mga sports team ng DLSU. Mahalaga ang papel ng mga coach sa bawat koponan na simbolo ng pamumuno at direksyon para sa mga atleta. Bilang mga pangunahing iniidolo sa larangan, malaki ang responsibilidad na pinanghahawakan ng mga coach.

Para sa DLSU Green at Lady Batters, isa si Coach Joseph Orillana sa mga punong abala sa bawat laban ng Taft-based squad sa loob ng diamond. Bilang dating Green Batter para sa Pamantasan, malaki ang tiwalang ibinibigay sa kanya ng Office of Sports Development (OSD) para paandarin ang makinang nagpapatakbo sa Green at Lady Batters.

 

Matagumpay na karera

Maningning ang karera ni Orillana sa larangan ng baseball. Samo’t saring parangal ang natanggap ni Orillana noong panahon niya bilang Green Batter sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Sa pagpasok niya bilang atleta para sa La Salle, agad siyang nagpakitang-gilas nang tanghalin siya bilang Rookie of the Year noong UAAP 62.

Bukod sa pagiging two-time champion sa UAAP, nasungkit din ni Orillana ang Most Valuable Player award kaakibat ng kampeonato sa kanyang huling taon para sa Green Batters. Bukod dito, naipamalas din ni Orillana ang angking galing sa baseball nang kilalanin bilang Best Pitcher noong UAAP 66.

Iniukit din niya ang kanyang pangalan sa UAAP Baseball nang tatlong beses gantimpalaan ng Most Homeruns Award sa UAAP. Sinabayan pa ito ng paggawad sa kanya bilang Student Athlete of the Year nang makapagtapos siya.

Matapos ang kanyang collegiate career, tumungo naman si Orillana sa big leagues nang mapabilang sa pambansang koponan ng bansa sa baseball. Sinuot ni Orillana ang mga kulay ng Pilipinas sa ilang Southeast Asian Games at nakakuha ang koponan ng dalawang ginto nang lumahok siya rito.

Nagpatuloy ang pagdadala niya ng karangalan sa bansa kaya hindi rin nagtagal, inanyayahan siya ng Pamantasan para magsilbing coach ng Green at Lady Batters.

 

Bilang isang coach

Kasalukuyang mahusay ang ipiapamalas ng Green at Lady Batters ngayong UAAP 79 Baseball at Softball Tournaments. Patuloy na nagsusumikap ang Lady Batters para mas makilala ang DLSU sa larangan ng softball. Samantala, nabali naman ng Green Batters ang 13-year drought sa kampeonato nang muling masungkit ang ginto para sa Green and White noong nakaraang taon at patuloy silang nagpapamalas ng galing ngayon.

Malaking papel ang tinutugunan ni Orillana para sa dalawang adhikaing ito at minabuti ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na kilalanin pa lalo ang coach sa likod ng DLSU Batters.

 

APP: Paano nagsimula ang paglalaro mo ng baseball at ilang taon ka na rito?

Orillana: Nagsimula ang career ko sa baseball noong sampung taong gulang ako dahil sa impluwensya ng tatay ko kasi player din sya noong araw ng kabataan nya. More than ten years [naman] akong nag-co-coach ng baseball and softball.

APP: Paano ka nagsimula bilang coach ng DLSU at bakit La Salle ang napili mong paglingkuran?

Orillana: Nag-tryout ako noon sa University of the Philippines (UP) [tapos] pinuntahan ako nung head coach ng DLSU noon sa Antipolo para kunin sa La Salle, then pumunta ako at nag-tryout din at kinuha na ako sa DLSU para mag-aral. Napili kong paglingkuran ang DLSU Batters kasi gusto ko ibalik [ang] lahat ng magandang nagawa [para] sa akin ng La Salle. Natutunan ko yung Lasallian values at pag-handle ng isang team.

APP: Ano ang pinakamagandang nangyari sa iyo bilang isang coach?

Orillana: Best thing yung ipagmalaki ako ng isang player ko sa isang subject [sa] class niya na marami siyang natutunan sa akin hindi lang sa baseball kung hindi pati [na rin] sa buhay.

APP: Ano naman ang pinakamapait na nangyari sa iyo bilang isang coach?

Orillana: Worst thing ay yung natalo kami noon sa championship game knowing na alam naming kaya namin manalo.

APP: Anong pagkakataon ang hindi mo makakalimutan sa bilang coach?

Orillana: Most unforgettable moment as a coach is yung nag-champion kami last year, Season 78. After 13 years [kasi], naibalik ulit ang titulo sa DLSU Green Batters.

APP: Bukod sa baseball at softball, ano pang isport ang hilig mong laruin o gusto mong matutunan?

Orillana: Naglalaro rin ako ng basketball, table tennis, darts at badminton.

 

Pagpapatuloy ng legasiya

Sa ngayon, doble-kayod na trabaho ang ginagawa ni Orillana bilang coach ng Green at Lady Batters. Inaasahan niya, kasama ang iba pang kabilang sa coaching staff, na maipagpatuloy ng dalawang koponan ang legasiya ng DLSU pagdating sa baseball at softball.

Susubukin ni Orillana hanggang sa kanyang makakaya na madepensahan ng Green Batters ang kanilang korona at maiangat naman ang Lady Batters sa standings ng softball. Patuloy na nananalaytay ang dugong La Salle kay Orillana na ipinapakita naman niya mula noon hanggang ngayon.

 

Dibuho ni Patricia Cometa

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?