Green Spikers, pinutulan ng pakpak ang Soaring Falcons!

20 March 2017
230 Views

ni Isabelle Francez Raymundo

PINAASA ng DLSU Green Spikers ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons sa pagpapatuloy ng ikalawang round ng UAAP 79 Men’s Volleyball Tournament matapos ang apat na maiinit na sets, 27-29, 25-22, 25-21, 25-18, Marso 19 sa Filoil Flying V Arena.

Maagang inangkin ng Green Spikers ang kalamangan sa pagbubukas ng unang set. Pumukol muna ng service ace si Green Spiker Joshua Jose, 5-1, bago nahabol ng AdU ang DLSU. Napanatili ng Green and White team ang bentahe ngunit matapos ang anim na deadlock, naagaw ng Adamson ang lamang bunsod ng error ni Team Captain Green Spiker Geuel Asia.

Muling itinabla ng cross court hit ni Green Spiker Arjay Onia ang iskor, 20-all. Unang napasakamay ng AdU ang set point, 22-24, ngunit napanatiling buhay ng single block ni Green Spiker David Delos Reyes ang pag-asa ng koponan. Matapos nito, muling humantong sa deuce ang laban dahil sa net violation ng Falcons, 24-all. Tatlong deadlock ang sinapit ng sagupaan bago tuluyang inangkin ng Falcons ang panalo, 27-29.

Tila nagkapalit ang kapalaran ng magkalabang koponan sa ikalawang set. Agad umabante ang AdU ngunit naitabla ng La Salle ang iskor, 15-all, nang magkasunod na error ang maitala ng Falcons. Humantong muna sa 20-all ang iskor ng dalawang koponan bago nakuha ng Taft-based squad ang set point at tuluyan nang winakasan ng single block ni Delos Reyes ang set, 25-22.

Nagtuloy-tuloy ang momentum ng Green Spikers sa ikatlong set. Bitbit ng Taft mainstays ang bentahe sa kabuoan ng laban bago muling magtabla ang parehong koponan. Kabi-kabilang atake ang pinakawalan nina Geuel at Jose bago wakasan ni Onia ang set, 25-21.

Wala nang nagawa ang San Marcelino-based squad sa ikaapat na set nang agad na umarangkada ang Green Spikers. Naibulsa ng DLSU ang pinakamalaking bentahe nila sa laban matapos ang isang running attack mula kay Dumago, 20-11. Bahagyang dumikit ang Adamson ngunit hindi na pinatagal pa ni Geraint Bacon ang laban matapos butasan ang depensa ng Falcons, 25-18.

Ibang line-up ang isinalang ni Head Coach Nes Pamilar sa laban kontra Adamson Falcons. Kabilang sa starting six sina Bacon at Jose, kapalit nina Levin Dimayuga at Raymark Woo na kadalasang kasama sa first six.

Paliwanag ni Pamilar, makatutulong ang kanyang plano para lalo pang makilala pa ang mga myembro ng koponan. “Hindi ko pa masyadong kabisado yung mga player, bago pa lang ako. So nandun yung nag-iisip pa ako ng mas magandang rotation. May nakikita ako na araw na maganda yung ganito, so [pag-eensayuhan] namin [iyon]. Hanggang ngayon wala pang permanent na first 6,” ani Pamilar.

Hinggil sa hindi pagpasok kay Woo, “May preperasyon ako para sa kanya. Mayroon akong araw na gagamitin ko siya,” paliwanag ni Pamilar. Ibinahagi rin ni Pamilar na magaling na ang injury ni Woo ngunit kinakailangan muna niyang magsanay ulit bago muling sumabak sa kort. “Sabi okay na, pero kailangan ko munang ihanda talaga nang maayos [para] pag ginamit ko talagang 100% [na magaling na],” ayon kay Pamilar.

Muling sasabak ang Green Spikers, Marso 25 sa Filoil Flying V Arena kontra National University (NU) Bulldogs.

 

 

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?