Susi sa matagumpay na negosyo, ibinahagi sa Young Professionals Summit

19 March 2017
332 Views

ni Andre Nidoy

BINIGYANG-INSPIRASYON ang mga nagsisimulang negosyante na makapagtayo ng sariling negosyo sa idinaos na Young Professionals Summit: Suit Up, Start up, Stand out, Marso 18 sa Henry Sy. Sr. Hall. Inorganisa ng Lasallian Student Ambassadors for Graduate Studies (SAGE) at Student Office of Student Leadership, Involvement, Formation and Empowerment (SLIFE) ang pagtitipon.

Unang nagbahagi ng kanyang karanasan bilang negosyante si Blu Coffee Distributor President Ronaldo “Oyan” Villanueva. Ibinahagi niya ang kanyang buhay bago maging matagumpay sa larangan, maging ang mga ugaling dapat taglayin ng isang negosyante. Para sa kanya, ang pag-uugali ng isang negosyante ang makatutulong para sa ikauunlad ng negosyo.

Binigyang-diin ni Villanueva na mahalagang makinig sa mga kliyente upang mapaigting ang kanilang relasyon sa negosyo. Dagdag pa niya, importante para sa mga negosyanteng maging malawak ang kaisipan, bukas sa pagbabago, at magkaroon ng motibasyong pag-igihin ang kanilang trabaho.

Sunod namang nagpakilala SEO-Hacker CEO at “CEO at 22” author Sean Si. Ibinahagi niya sa mga tagapakinig na hindi naging hadlang ang kanyang kursong Information Technology sa kanyang kagustuhang mag-aral ng pagnenegosyo.

Naniniwala si Si na ang maayos na pagpasok ng pera ang dapat isinasaalang-alang ng isang taong nagsisimula pa lamang magtayo ng negosyo. Dagdag pa niya, mahalaga para sa isang negosyante na maging handa at mahusay sa larangang tinatahak.

Huli namang nagbigay-inspirasyon sa mga dumalo sina Make a Difference Travel (MAD) Founder Thomas Graham at Human Nature Founder at Owner Camille Meloto. Hinihikayat nina Graham at Meloto ang mga negosyanteng gamitin ang likas na yaman ng Pilipinas sa kanilang mga negosyo.

Nakita ni Graham sa kanyang immersion sa mga komunidad ng Gawad Kalinga na may potensyal ang Pilipinas na manguna sa social tourism sa Asya. Paliwanag niya, bunsod ito ng ng bayanihan na ipinamamalas ng maraming Pilipino.

Sa kabilang banda, hinihikayat ni Meloto ang mga negosyanteng gamitin ang likas na yaman na matagpuan sa Pilipinas sa paggawa ng mga produkto.

Matapos magsalita ng bawat tagapagsalita, isinagawa ang isang panel discussion sa pangangasiwa nina Dexter Ortega, Benedict Carandang, Angelito Rivera, at Myreza Catherine Gonzales.

 

Retrato – kuha ni Renuela Altar

 

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?