Paghihiganti sa UP: Lady Spikers, pinadapa ang Lady Maroons!

19 March 2017
639 Views

ni Fhery Ahn Adajar

BINAWIAN ng DLSU Lady Spikers ang University of the Philippines (UP) Lady Maroons sa ikalawang round ng UAAP Season 79 Women’s Volleyball Tournament, Marso 19 sa Filoil Flying V Arena. Winalis ng La Salle ang kalaban sa loob ng tatlong magkakasunod na sets, 27-25, 25-11, 25-17. Matapos makapagtala ng 7 attacks, 3 blocks, at 6 service aces, itinanghal bilang best player of the game si Majoy Baron.

Agad na bumuo ng 4-0 run ang Taft-based squad sa simula ng laban sa pangunguna ng dalawang service aces ni Team Captain Kim Fajardo. Gayunpaman, nagawang tapyasan ng Diliman-based squad ang lamang at nakipagpalitan pa ng puntos sa La Salle sa huling bahagi ng unang set.

Sa pagpapatuloy ng unang set, hindi nagpapigil ang parehong koponan sa scoring department. Sinagot ni Lady Spiker Kim Dy ang off the block ni Lady Maroon Diana Carlos dahilan upang humantong pa sa deadlock ang nag-aatikabong bakbakan. Sa kabila nito, nasungkit ng La Salle ang tagumpay sa tulong ni Desiree Cheng, 27-25.

Mabilis na natuldukan ng Green and White team ang ikalawang set matapos nilang tambakan ang kalaban. Unang napako sa 5 points ang iskor ng Lady Maroons kaya sinubukan nilang tapyasan ang walong puntos na lamang ng Lady Spikers, 13-5.

Malaki man ang lamang ng Taft mainstays, patuloy pa rin ang pagtatangkang makaiskor ng Lady Maroons sa pangunguna ni Isa Molde. Matapos ang pagpuntos ni Diana Carlos, 20-11, hindi na pinayagan pa ng DLSU na tumagal pa ang laban at tuluyang ginapi ang UP matapos ang attacking error ni Diliman mainstay Marian Buitre, 25-11.

Muli namang nagsagutan ng puntos ang magkabilang koponan sa ikatlong set. Sa kabila nito, unti-unting naungusan ng La Salle ang Diliman mainstays nang mag-init ang mga manlalaro ng Taft. Malaking bagay rin ang momentum na nabuo ng Lady Spikers matapos mag-ambag ng back-to-back service aces si Baron.

Dagdag pa rito, malaking tulong din ang mga atake ni Ernestine Tiamzon tuwing nabibigyan siya ng bola ni libero Dawn Macandili. Buhat nito, nahirapan nang bumangon ang kalaban at tuluyan nang naisara ng DLSU ang bakbakan, 25-17.

Bunsod ng panalo, bitbit ng Taft mainstays ang 8-2 panalo-talo kartada sa susunod nilang laban kontra University of the East (UE) Lady Warriors, Marso 25 sa FilOil Flying V Arena. Isang panalo na lamang ang kailangan maitala ng koponan upang matiyak ang pwesto sa final four ng torneo.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?