Isang tanong, isang sagot: Panig ng DOH TRC sa war on drugs ni Duterte

16 March 2017
601 Views

nina Zyril Bautista at Shanalyn Cañete

Mabigat ang kinahaharap na suliranin ng Pilipinas sa usaping droga, pahayag ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte. Batay sa kanilang ulat, mahigit 4 milyon katao ang gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot. Ibinunyag ng Dangerous Drugs Board (DDB) na mahigit 5,402 lamang ang naitalang kaso galing sa drug residential facilities noong 2015. Bunsod nito, maaaring tumaas pa ang naturang bilang ng kaso sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kabilang banda, may mga institusyong tumutulong at nagbibigay-serbisyo sa mga dumaranas ng mapanirang sakit ng droga. Ayon sa DDB mayroong 50 DOH accredited treatment and drug rehabilitation centers sa bansa, pribado at pampubliko. Kung sisiyasatin, hindi sapat ang mga pasilidad upang makupkop ang kalakihan ng populasyon ng mga nangangailangan nito.

Nabigyan ng pagkakataong makapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Mark Anthony Advincula, Health Program Officer II sa Operations Division ng Department of Health Treatment and Rehabilitation Center (DOH TRC) – Bicutan, tungkol sa kasalukuyang lagay ng drug rehabilitation centers. Dagdag pa rito, binigyang-pansin din ni Advincula ang lumalalang isyu ukol sa drug-related operations at extrajudicial killings.

Ipinaliwanag ni Advincula na tumutugon ang rehabilitasyon sa pisikal, psychosocial, at spiritwal na aspekto ng pagkatao. Halimbawa rito ang pagsasagawa ng mga medical at psychological examination, at mga aktibidad na nagbubuklod sa komunidad ng rehabilitation center.

APP: Ano-ano ang pagbabago sa bilang ng mga pasyenteng sumasailalim sa drug rehabilitation?

Advincula: “Ang rehab naman na ito, ever since, ang pinakamalaki in terms ng population. Bago pa umupo si President Duterte, ang [patients] namin [ay] naglalaro lang between 1,100 to 1,500. Nung January 2016, 1,100 kami, steadily umaangat siya. Pagdating ng May to July nagkaroon ng kaunting biglang akyat—although paakyat na dahan-dahan. Mula 1,100, pagdating ng May, June and July to August, umabot na siya nang almost 1,600. Pero ang kapansin-pansin doon, after nung period na yun, dahan-dahan naman siyang nag-stabilize. So, either bumaba nang kaunti at some point ng buwan noong last year or nag-maintain. Ang pasyente namin ngayon ay nasa 1,070 plus lang, bumaba na siya. Yung significant influence nung pagkakaupo ni President Duterte, unang 3 months—even yung bago siya umupo, nagkaroon ng shoot up, biglang mabilis na pagdami. Pero after 3 months or 4, nagkaroon na ng dahan-dahang pagbaba.”

APP: Gaano kalaki ang kapasidad ng center na ito?

Advincula: “Technically speaking, ang dapat lang naming i-handle ay 550 [batay sa] accreditation. Pero ang budget talaga ng center para sa pagkain ng pasyente is for 1,000. Kasi sa nakalipas na taon lagi namang ganoon ang pasyente namin. In fact, naabutan ko pa yung panahon na 2,800 ‘to, panahon ng PNP. So, basically maliit na bagay pa kumpara dati na 1,000. Yun nga lang, yung food kasi pang-isang libo lang. So, ang nangyayari, laging nagre-request sila ng supplemental budget para ma-meet yung pangangailangan ng iba pang pasyente. Lalo na nung halos umabot, almost 1,600.”

APP: Gaano katagal ang rehabilitation program?

Advincula: “Ang minimum na program namin is 6 months pero hanggang 12 months. Depende sa magiging progreso nila sa loob ng rehabilitation. Kaya lang ang naging problema lang noong panahon ng pagdami ng [pasyente] hindi na masyadong [nasusunod]. Nagkaroon ng [panahon] na kailangan after 6 months pauuwiin. Otherwise, hindi na namin maa-accumulate yung iba pang dumadating. Pero minimum yun, hindi kami, hangga’t maaari, magpapalabas ng below 6 months, unless yun ay may court order, may utos ng judge, wala kaming magagawa.”

APP: Paano masisigurado ng publiko ang tuluyang paggaling ng mga taong lulong sa droga?

Advincula: “Walang guarantee na [hindi na sila] gagamit [muli]. All we can do sa level namin is to minimize that risks. Ang addiction ay na-develop hindi sa isang tulugan but through the years. In fact, ang personality natin somehow ay may kinalaman kung gagamit ka ng drugs eventually, kasi nagko-complement yan. Kung ang addiction ay na-develop nang matagalan, ang recovery din ay matagalan. So kung sila man ay gumamit ulit, it doesn’t mean na total failure ang program.

[Halimbawa] upon assessment, nung binalik [ang pasyente] rito ang tanging nangyari lang ay gumamit lang siya ulit pero yung iba’t ibang aspect ng buhay niya ay nag-improve drastically. So naka-iwas siya sa legal problem, na-meet niya mga obligation niya sa family or sa work, kaya lang napagamit siya ulit. Kung titingnan lang ng publiko ay paggamit ulit as sole indicator ng safety, sa tingin ko ay unfair sa part ng nagpapagaling kasi hindi yun ganun kadali. Yun ay parang imagine niyo utak niyo na-program or nakondisyon at kailangan mong baligtarin ang program na yun so that mamuhay sila ulit ng wala yun. So walang garantiya, ang meron lang is itong mga centers ay tina-try i-minimize ang risk ng pagbalik ulit.

Besides hindi lahat ng gumagamit ay involved sa pagpatay or pagho-holdap. Yung iba hinoholdap lang ang nanay nila, nagnanakaw lang ng sarili nilang gamit at ang tanging pinapatay ay ang sarili nila. So hindi lahat katulad ng alam natin sa labas. Yun yung isang bagay na dapat maintindihan ng publiko dahil hindi lahat ganun.”

APP: Ano ang inyong opinyon patungkol sa extrajudicial killings?

Advincula: “Hindi kami sang-ayon sa extrajudicial killings. In fact, hindi tayo sure kung dahil ba talaga sa drugs. Nagkakataon na majority dun ay involved sa drugs or may ibang ginawa. Hindi ko masasabi personally dahil wala naman malinaw na datos. Basta ang commonality, either na-tokhang siya or nasa listahan siya.

Naniniwala kaming may kakayanan lahat ng tao [para] magbago. [Gayunpaman] ito ang legal landscape ng Pilipinas. Bukod sa meron silang (pasyente) needs dahil maysakit sila, meron pa din silang legal accountability.

Kailangan naming tugunan ang kanilang needs pero ibang ahensya na ang bahala sa legal na aspeto na kanyang ginawa. Siyempre dun tayo sa kung ano ang nakasulat sa konstitusyon na ang bawat indibidwal ay may karapatan at wala silang [karapatang] tapusin ang buhay na hindi dumadaan sa tamang proseso.”

Rehabilitation Center (Kuha NI Samantha Ramos)
Bilang bahagi ng rehabilitation program, masiglang nag-eehersisyo ang mga pasyente ng Department of Health Treatment and Rehabilitation Center, Bicutan.

Pangmatagalang solusyon

Dala ng kakulangan sa naturang pamamalakad ng ating gobyerno, marapat na bigyang-pansin ang sanhi ng droga, at idaan sa tamang proseso ang mga kasong kabilang dito. Sa ganitong paraan, maaaring mabawasan ang pagtuligsa at pagkondena ng publiko sa mga biktima rin ng nasabing gamot.

Dagdag dito, labis na mahalagang matutunan ng publiko ang patungkol sa pang-aabuso ng droga. Kailangan ng masidhing kaalaman upang magbigay-daan sa mas epektibong solusyon para sa mga pasyente: medical o therapeutic.

Gaya ng sinambit ni Advincula, mas mabuting sumailalim sa drug rehabilitation program ang mga lulong sa ipinagbabawal na gamot upang maibalik sila bilang malusog at produktibong na mamamayan sa komunidad.

 

Retrato – mga kuha ni Samantha Ramos

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?