Pagharap sa panganib ng apoy: Kwento sa likod ng natatanging propesyon ng mga bumbero

15 March 2017
285 Views

nina Claire Alfajardo, Ma. Carmina Dieta at Jhuneth Domiguez

Pagsapit ng gabi, habang isa-isang nagpapatayan ang mga ilaw ng mga kabahayan, umuusbong ang liwanag na binibigay ng mga matatayog na gusaling makikita rito. Isang gabi, kakaibang ilaw ang nakita ng marami mula sa mga gusaling ito. Habang naglalakbay ang naturang ilaw, unti-unti na rin nitong kinakain ang nadaraanan.

Sa paligid ng lugar, makikita ang isang kalamado at musmos na si Clara na nababalot ng dumi sa kanyang buong katawan at mukha. Bitbit ang kanyang manika, pinagmamasdan niya ang malalaking apoy na tumutupok sa mga gusali at ang mga taong nagsisitakbuhan bitbit ang mga gamit na kanilang naisalba. Nang narinig ni Clara ang tumutunog na sirena mula sa trak na paparating, tiningnan niya ito nang punong-puno ng pagtataka.

Sinundan ni Clara ng tingin ang mga bumberong bumaba mula sa trak na iyon at nakita ang mga dala nilang malalaking hose upang tuluyang patayin ang mga apoy. Nakita niyang habang pinapatay ng iba ang malalaking apoy, pumasok naman ang ibang bumbero sa mga gusali upang magsalba ng iba pang mga taong nakulong sa loob.

Nang maapula na ang apoy, nakita ni Clara ang mga bumbero at ang mga naligtas nitong papalabas sa gusaling nasira na ng sunog. Sa isang banda, makikita ang mga doktor at nurse na tumitingin sa mga taong nasaktan at ginagamot ang kanilang mga sugat.

Habang patuloy ang kanyang pagmamasid may isang bumbero na lumapit sa kanya at tinanong, “Nasaan ang kasama mo, iha?” Bigla na lamang umiyak ng malakas si Clara at paulit-ulit na sinasabing, “Nasa loob si Mama! Tinulak niya ako palabas.”

 

Pagpatay sa nagliliyab na apoy

Isa sa mga talagang kinatatakutang sakuna ang sunog. Bukod sa biglaan nitong pag-atake, agaran din itong nilalamon ang mga ari-arian at buhay ng mga tao. Sa ganitong sitwasyon mayroong mga bumberong pumapatay sa mga naglalakihan at nagbabagang apoy. Gaano man kalaki o ka-delikado ang apoy, sinusugpo nila ito sa abot ng kanilang makakaya.

Hindi maikakailang mahirap ang pagiging isang bumbero. Sa tuwing magkakaroon ng sunog, tila nakabaon na sa hukay ang isa nilang paa masugpo lamang ang mapanirang apoy. Sa malaking lungsod ng Mandaluyong matatagpuan ang isa sa mga magigiting na bumbero, si John Martin Canlas. Ayon sa kanya, nagsimula ang kanyang hilig sa pakikipaglaban sa apoy nang aksidente siyang masama ng kanyang amang bumbero sa isang operasyon. Sa una, natatakot pa siyang harapin ang mga apoy na mas malaki pa sa kanya ngunit hinarap niya ito dahil sa hilig na rin ng kanilang pamilya ang pagligtas sa mga tao tuwing may sunog.

Tunay ngang maraming buhay ang nakasalalay sa balikat ng mga bumbero kaya naman sinisigurado nilang maayos ang kanilang mga kagamitan bago sila sumabak sa kanilang operasyon. Inilahad ni Canlas na sinusuri nilang maigi ang trak dahil kung sira ito, hindi sila makareresponde nang mabilis at maayos. Sa kabila ng mariing paghahanda kanilang ginagawa, hindi pa rin maiiwasan ang ilang palyang ikinagagalit ng mga nasusunugan.

Aniya, “Minsan sinasabihan nila kami na mabagal ang aming pagresponde. Malayo pa [kasi] yung pinanggalingan namin kaya nagkakaroon ng pag-antala sa pagdating namin. Malawak kasi ang sakop ng AOR [Area of Responsibility] namin, hindi lamang sa iisang barangay at lungsod.” Sa kabila ng mga reklamong ito, lubos na lamang nilang iniintindi ang galit na nadarama ng mga tao sapagkat biktima sila ng isang trahedya.

Tuwing ginagampanan nila ang kanilang mga trabaho, para na rin nilang isinusugal ang sarili nilang buhay kapalit ng buhay ng iba. Minsan na ring nalagay sa peligro ang buhay ni Canlas habang nasa operasyon. Kwento niya, madilim ang paligid dahil sa sobrang kapal na ng usok sa paligid. Habang nasa loob pa siya ng gusaling nasusunog, bigla na lamang may sumabog na naging sanhi ng paghihirap nilang huminga.

Dagdag pa niya, “Wala kaming breathing apparatus [noon]. [Hindi naman ganoon kalala] ang nangyari, binigyan lang kami ng oxygen tapos dinala sa ospital pero onting onti na lang talaga nasa mukha na namin yung kamatayan.”

Sa kabila ng hirap na kanyang pinagdaraanan, hindi niya kailanman ninais na magpalit ng propesyon. Para sa kanya, nagsisilbing paraan niya ng pasasalamat sa mga biyayang natatanggap ang pagiging bumbero mailigtas lamang ang marami. Sa huli, ipinarating ni Canlas na ipagpapatuloy niya ang pagiging bumbero hanggang sa huling araw ng kanyang buhay.

 

Pakikiharap sa kamatayan

Sa bawat sakunang nangyayari, katulad nalamang ng sunog, palaging mayroong mga taong naaapektuhan nito. May taglay mang magbigay ng ilaw at init ang apoy, may kakayahan din itong kumuha ng mga bagay na importante sa atin katulad na lamang ng ating sariling buhay.

Sa loob ng maraming taon, marami nang mga tao ang naging alipin sa kalupitang dala ng mga sunog. Isa na rito si Alijandra Oliveros, 66 na taong gulang, na naging biktima ng malaking sunog, sampung taon na ang nakalilipas. Aniya, nangyari sa likod ng Philippine Columbian sa Maynila ang pinakamapanganib na kaganapan sa kanyang buhay.

Sariwa pa sa alaala ni Oliveros ang mga nangyari kahit maraming taon na ang nakalilipas. Aniya, pinaglalaruan ng mga bata ang kandila at nang maiwan ito, natumba ito sa katabing medyas kaya mabilis na kumalat yung apoy. Walang nakapansin agad sa apoy kaya malubha ang perwisyong naidulot nito. Kahit pa tatlong bahay ang layo ng kanilang bahay sa pinagmulan ng sunog, umabot pa rin sa kanila ang malalaking apoy at kinain ang kaniyang ari-arian. “Tanghalian kasi noon tapos bilang may sumisigaw ng ‘Sunog! Sunog!’ kaya nataranta ako, special child kasi anak ko. Ayun, binitbit ko lahat ng makakaya ko pati yung bata tapos tumakbo na agad kami palayo,” paliwanag niya.

Malaki ang pasasalamat ni Oliveros sa mga rumespondeng bumbero noong araw na iyon. Para sa kanya, utang na loob nila ang kanilang buhay sa mga bumberong dumating noon. Isinalaysay niya paano inagapan ng mga bumbero ang apoy upang hindi ito kumalat at lumaki pa. Aniya, patuloy lamang sa pagbomba ng tubig ang mga bumbero kahit hirap sila ipasok ang trak dahil sa sobrang sikip ng mga daanan. Ginagabayan din ng mga bumbero ang ibang residente upang malayo sa mga nasusunog na gusali. Pinigilan din nila ang ibang pumasok sa kanilang mga bahay upang magsalba ng gamit. Pagkatapos ng apoy, tila walang natira sa kanilang mga ari-arian.

Sobra man ang takot at pangambang kanyang naramdaman, sigurado si Oliveros na naging panatag ang kanyang loob nang dumating ang mga bumbero noong araw na iyon. Para sa kanya, bumbero lamang ang may kakayahang humarap sa gaanong klase ng mapanganib na sitwasyon, Bukod pa rito, hinahangaan niya ang kasipagan nila at dedikasyon dahil anomang oras sila kailanganin, pinipilit nilang makarating upang matulungan ang nakararami.

 

Karangalan sa pagiging bumbero

Kahit isang beses sa ating buhay, hindi natin maiiwasang humarap sa sakuna. Likas ito sa ating mundo at hindi natin alam kailan at paano ito darating. Tanging pagiging handa lamang ang ating magagawa upang mabawasan ang pinsalang maidudulot nito sa atin. Gayunpaman, may mga pagkakataong kahit na handa tayo, hindi pa rin maiiwasang pangunahan tayo ng takot. Kaya naman, talagang kamangha-mangha ang mga taong may propesyong katulad ng sa mga bumberong inilalaan ang kanilang oras, pati na rin ang kanilang buong buhay, upang masigurado ang kaligtasan natin.

Hindi simple ang propesyong kanilang ginagawa. Bumbero sila at kaakibat ng kanilang propesyon ang panganib na dala ng nagbabagang apoy. Panahon na upang simulan natin ang pagbibigay-pugay sa mga manggagawang itinataya ang buhay nila upang mapaglingkuran tayong mga mamamayan. Hindi man kasing laki ng sweldo ng mga doktor, abogado o businessman ang sahod ng mga bumbero, walang mas hihigit pa sa karangalang daan-daang tao pa ang nabubuhay dahil sa kanilang pagsisikap.

 

Retrato – kuha ni Paulo Carlos

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?