Pambansang Walkout, inorganisa ng mga progresibong grupo

26 February 2017
441 Views

ni Andrea Jasmin Pila

Kasing-init ng panahon ang hinaing ng mga estudyante sa Pambansang Walkout na inorganisa ng mga progresibong grupo noong Huwebes, Pebrero 23 sa Mendiola. Nagsalita rito ang mga estudyante laban sa komersyalisado, kolonyal, at pasismong sistema ng edukasyon sa bansa.

Binigyang-diin ng mga kabataan ang mga karagdagang bayarin tulad ng spiritual fees, athletic fees, at iba pang miscellaneous fees na hindi naman umano pinakikinabangan ng mga estudyante. Nakadaragdag pa raw ito sa walang tigil na pagtaas ng matrikula taon-taon.

Ngayon, tila isa na lamang pribilehiyo umano ang pag-aaral sa halip na karapatang ipinagkakaloob ng estado sa nasasakupan nito. Saad ni Jon Callueng, National President ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), parami nang parami ang kabataang walang sapat na panggastos para sa matrikula at nagkukulang din sa mga trabahong maaaring ipagkaloob sa kanila.

Bukod dito, isinaad na hindi nahuhubog ng edukasyon sa Pilipinas ang mga kabataan upang magsilbi para sa bansa. Pahayag ni Diana Breboneria ng Ateneo De Manila University, “Unti-unting iniindoktrina [ang] mga mag-aaral na mag-silbi hindi [para] sa kalakhang Pilipinong nagdarahop […] kundi para sa mga multinational corporations.”

Iginiit ng mga estudyanteng dumalo na maipagkakaloob lamang daw ang edukasyon sa mga may-kaya bunsod ng patuloy na pagtaas ng matrikula at pagiging profit-oriented ng sistema. Anila, isa itong malinaw na paglabag sa karapatan ng mga mamamayan. Pahayag ni Vinz Simon, tagapangulo ng Anakbayan Vito Cruz, dapat maging makamasa, makabayan, siyentipiko, at demokratiko ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Iisa lang ang sigaw ng mga dumalo sa programa: karapatan ang edukasyon at hindi dapat ito ibinebenta sa mga mamamayan. Nananawagan si Breboneria na ipagpatuloy ang laban para sa mapagpalayang edukasyon sa lahat ng antas. Hinikayat din ni Simon na kumilos ang mga estudyante sapagkat kailangan sila ng mga Pilipino.

 

Retrato – kuha ni John Dayego

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?