Pagsulong sa pagiging makabayan: Umuusbong na industriya sa Pilipinas

8 February 2017
1915 Views

nina Ezekiel Enric Andres, Marina Hanawa, at John Emer Patacsil

“Gusto ko ng bago, ayoko nang sumunod sa uso.”

Tuwing sumasapit ang panibagong taon, hindi maitatanggi ang abot-langit na pag-aasam ng mga produktong nagmula sa ibang bansa. Naiukit na sa isipan ng bawat Pilipino ang ‘di matatawarang tibay at kakaibang disenyo ng mga inaangkat sa bansa. Bukod sa pagkakakilanlan ng mga yaring banyaga, nakasanayan na rin na mga Pilipino ang sumunod sa daloy ng uso; ika nga ng karamihan, “’pag in ka, sikat ka!”

Pinaniniwalaan ng karamihang limitado lamang ang de-kalidad na mga produktong gawa sa Pilipinas, salungat sa kasalukuyang nagaganap sa iba’t ibang mga bansa. Batay sa mga nauuso, muling gumagawa ng ingay ang mga gawang lokal sa iba’t ibang industriya gaya ng fashion, arts, at iba pa. Indikasyon itonng tunay namang mayroong ibubuga ang kakayahan ng mga Pilipino na makipagsabayan sa mga kilalang banyagang produkto.

 

Pagtuklas sa mga lokal na produkto

Hindi maitatangging tunay na nakapupukaw ng impresyon ang magandang ayos ng buhok . Kaya naman, naging pangunahing atraksyon na ng mga tao ang kumikinang at magagandang buhok na kanilang tinataglay. Bunsod nito, naging tanyag ang iba’t ibang mga produktong makatutulong upang mapaayos at mas maging maaliwalas ang mukha ng mga gumagamit nito.

Gayunpaman, hindi tayo ganoon kadalas nakakikita ng Pinoy na gumagamit ng pomada o isang klase ng panglagay sa buhok. Hindi mapagkakaila na mas naging tanyag ang mga hair wax at gel kompara sa pomada kaya naman hindi ito kilala. Bunsod ng kakulangan nito sa lokal na pamilihan, naisipan ni Brian Gabriel Corella, may-ari ng The Mavericks Pomade, na gumawa ng kanyang sariling tatak ng pomada.

Ayon kay Corella, natuklasan niya ang paggawa sa pomada dahil napapansin niyang unti-unting nasisira at pumapangit na ang kanyang buhok sa madalas na paggamit ng wax. “Kaya naghanap ako ng pomade dito sa’tin and napansin ko, walang readily available sa market. Then, nakita ko may mga resellers online na for meet-ups kaso ‘di nagtutugma ‘yung schedule namin kaya nagdecide ako magresearch pa and nakita ko nga paano gumawa [ng pomada],” pagbabahagi niya.

Sanhi na rin ng kanyang interes tungkol sa mga lokal na produkto, nagsimula ang kanyang pagtangkilik sa mga ito. Ayon sa kanya, nagustuhan niya ang dedikasyon ng mga Pilipino na magpatuloy sa kanilang negosyo kahit na hindi ganoon kalakihan ang kanilang kinikita. Ito rin ang nag-udyok sa kanya na gawin ding lokal ang kanyang mga pomada.

 

Patuloy na paglago ng industriyang Pilipino

Hindi lamang limitado ang mga nauusong produktong Pilipino sa mga kagamitang araw-araw na pinakikinabangan. Gumagawa na rin ng ingay ang mga produktong lokal maging sa mga alahas tulad ng relo at isang ehemplo na rito ang Ibarra Watches.

Binuo ito ni Nico Moreno, isang alumnus ng Pamantasang De La Salle na nakapagtapos noong 2012. “Gusto kong bumuo ng brand na yung tipong magkakaroon ng connection sa Pilipino kasi it’s difficult to establish a brand especially for your market which is the Filipinos.” Ito ang naging paliwanag ni Moreno sa kakaibang ipinangalaniya sa kanyang produkto.

Hindi rin naging madali ang daang kanyang tinahak sa pag-uumpisa ng ganitong negosyo. Aminado si Moreno na hindi pa sapat ang mga kagamitan sa bansa upang makagawa ng mga mahahalagang bahagi ng isang relo. Ito ang rason bakit kailangan pa rin nilang bumili ng mga pyesa sa ibang bansa tulad ng Switzerland, Japan at China.

Hindi man likhang Pilipino ang ilan sa mga pyesang ginagamit sa paggawa ng kanilang mga produkto, itinuturing pa rin itong yaring lokal sapagkat binuo ito ng mga manggagawang Pilipino.

Buhat nito, sinusubukan ng Ibarra Watches na makipag-ugnayan sa ilang eksperto sa Pamantasan upang manaliksik at makabuo ng teknolohiyang kayang gumawa ng mga pirasong may kapareho o higit pang kalidad kompara sa mga inaangkat nila sa kasalukuyan. Nagiging tulay ito upang maging 100 porsyentong gawang Pilipino ang mga relong kanilang nililikha mula sa piyesa hanggang sa paggawa.

Sa tulong ng social media, nakilala rin ang mga relong ginagawa ng Ibarra Watches sa ibang bansa. Sa katunayan, inaangkat at tinatangkilik na rin ang mga produkto nila sa iba’t ibang lugar sa mundo.

 

Kasalatan sa suporta’t pagmamahal

Naging karaniwang kaugalian na ng mga tao ang pagkakaroon ng pangamba sa mga hindi kilalang produkto. Mapapansing sa hanay ng mga mamimili, mas pipiliin nilang manatili sa mga subok na banyagang produkto kaysa sumugal sa mga gayang lokal na halos pareho o mas mura pa ang presyo.

Buhat nito, apektado rin ang naging pagtugon ng karamihan sa mga nais magtaguyod ng kanilang sariling negosyo sa bansa. Naging malaking dagok para sa kanila ang pagkalugi dulot ng kakaibang hilig ng madla.

Ilan lamang ang Maverick Pomade at Ibarra Watches sa mga naglakas-loob at buong pusong sumalungat sa rumaragasang hanay ng mga produkto mula ibang bansa. Pinatunayan nilang hindi limitado sa palay at niyog ang kayang ipagmalaki ng bansa. Bagkus, kaya rin nitong makipagsabayan sa iba pang mga bagay at aspekto ng industriya.

Sa kasalukuyang hilig ng mga Pilipino, tila nililimitahan natin ang ating mga sarili na kilalanin, pahalagahan, at mahalin ang mga kakayahang ipinagkaloob sa mga tao ng ating bansa. Indikasyon ng kahusayan ng bawat isa ang pag-unlad at pagkakaroon ng pagkakakilanlan. Matatamo lamang ito kung susuportahan at bibigyan natin sila ng pagkakataong patunayan ang kalidad ng kanilang mga produkto.

Hindi lamang negosyo at pangalan ang mapalalago ng ganitong kaugalian dahil mapayayabong din nito ang kultura at kompyansa ng ating mamamayan.

 

Retrato – kuha ni Jilliane Lozares

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?