Ika-118 taon ng Fil-Am war, ginunita sa embahada ng US

7 February 2017
301 Views

nina Samirah Janine Tamayo at Marc Daniel Abiño

NAGMARTSA ang mga militanteng grupo mula Plaza Ferguson, Ermita hanggang Embahada ng US bilang komemorasyon sa ika-118 taon ng digmaang Pilipino-Amerikano, Pebrero 4. Kinondena ng mga rallyista ang walang tigil na pang-aabuso umano ng Amerika sa kabila ng kalayaan ng bansa mula sa kanila. Anila, inaabuso, niyuyurakan, at pinagsasamantalahan ang mga Pilipino upang makinabang ang mga dayuhan.

Ibinandera ng mga lumahok sa protesta ang pagtutol sa makabagong paraan ng imperyalismo ng Amerika na isinasagawa umano sa ilalim ng pakikipag-alyansa at industriyalisasyon nito.

Ayon kay Robert Soluta, Vice-Chairperson ng Kilusang Mayo Uno, kailangan kumawala ng mga mamamayan mula sa paniniil ng US. Paliwanag niya, “Ang tungkulin ng sambayanang Pilipino ay kamtin ang tagumpay ng tuloy-tuloy na pakikibaka sa Estados Unidos.”

Abot-kamay na ng mga rebolusyonaryo ang kasarinlan mula sa kolonyalistang Kastila ngunit inagaw ito ng mga Amerikano sa bisa ng Kasunduan sa Paris, dagdag pa ni Soluta.

Sa kabilang banda, nagpahayag rin si *Alexa, isang rallyistang Pilipino-Amerikano, ng kanyang saloobin sa isyu. Aniya, naging hudyat ang imperyalismo ng US sa pakikibaka ng mga Pilipino para sa kasarinlan.

Isinalaysay din niyang pinagsilbi ang kanyang ama sa US Navy dahil sa kawalan ng trabaho. Bagaman naging diplomatiko na ang bansang Pilipinas at Estados Unidos, nakaranas pa rin umano ang kanyang ama ng pagpapahirap at diskriminasyon sa Amerika.

Nanawagan din si *Alexa na makiisa sa mga Black American at Muslim na nakararanas ng diskriminasyon sa ilalim ng pamumuno ni US President Donald Trump.

Kinondena ni JP Rosos ng League of Filipino Students ang presensya ng mga base militar ng US sa bansa sapagkat pruweba raw ito ng imperyalismo. Kaugnay nito, ibinunyag din ni Rosos na pinagsasamantalahan ng US ang yaman ng mga mala-kolonyal at kolonyal na bansa katulad ng langis at murang lakas-paggawa.

Bukod pa rito binatikos din ni Rosos ang kalupitan ng kapulisan sa bansa. “Ang pinakamalaking pagkakasala ng mga pulis na ‘yan sa bansa natin at sa mamamayan, ay ang ilang daang taon at ilang dekada ng pagpapakatuta sa imperyalismong Estados Unidos at pagsunod sa mga gusto at adhikain nila,” sigaw niya.

Sa kabila ng mga isyu, hinabilin ni Rosos sa sambayanang Pilipino na patuloy lamang silang lumaban. Bunsod nito, tuluyan nang mapagtatagumpayan ang pamamahagi ng lupang sakahan at pagtataguyod ang nagsasariling ekonomya at industriyalisasyon.

 

*hindi buong pangalan

 

Retrato – kuha ni Samirah Tamayo

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?