Katarungan sa kapayapaang ipinagkait: Muling paglunsad ng peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP

1 February 2017
310 Views

nina Shanalyn Cañete, Abigail Faith Javier, at Andrea Jasmin Pila     

Dumulog muli sa usapang pangkapayapaan ang kampo ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ilang dekada nang sinusubukang lutasin ng mga nagdaang pangulo ang paghihimagsik ng mga militanteng grupo laban sa pamahalaan. Sa kasamaang palad, madalas lamang itong nauuwi sa armadong rebelyon.

Binansagan ang Communist Party of the Philippines (CPP) bilang pinakamatagal na komunistang himagsikan sa Southeast Asia. Ngayong itinulak muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagresolba sa alitan ng GRP at NDFP, layunin nitong matuldukan na ang hindi pagkakaunawaanlong-lalo na ang armadong labanan. Bukod dito, pag-uusapan din sa negosasyon ang pagresolba sa iba pang isyung panlipunan tulad ng reporma sa lupa para sa magsasaka at pambansang industriyalisasyon.

Idinaos ang pag-uusap ng magkabilang panig tungkol sa social economic reforms sa Rome, Italy noong Enero 19-24. Ito ang pangatlong yugto ng peace talks na sinimulan sa Oslo, Norway noong Agosto 2016.

 

Kalagayan ng peace talks

Mahigit apat na dekada na ang rebelyon ng Communist Party of the Philippines (CPP). Ayon kay Teodoro Casiño, dating kinatawan ng Bayan Muna Party-List, mahigit sampung kasunduan na ang nalagdaan ng GRP simula noong 1986. Kabilang sa mga ito ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na napirmahan noong 1999. Layunin ng CARHRIHL na pangalagaan at mabantayan ang mga karapatang pantao, lalo na ang masa. Matapos itong lagdaan, hindi na umano umusad ang pakikipagsunduan ng gobyerno sa NDFP.

Tinalakay sa ikatlong yugto ng peace talks ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER). Pahayag ni Ruben Saluta, NDFP consultant ng Visayas at ng Social Economic Reforms (SEC), mahalaga ang yugtong ito sapagkat nakasentro ang usapin sa ugat ng nagpapatuloy na armadong rebelyon.

Aniya, layunin ng CASER na solusyunan ang matinding karalitaan buhat ng pagkamkam sa lupang sakahan, pagkabansot ng ekonomya sa kanayunan, at pagkukulang sa trabaho. Ipinaliwanag din ni Saluta na nagdudulot ng kakulangan ng disenteng sweldo ang kawalan ng nagsasariling industriyalisasyon at pagiging sunud-sunuran sa mga dayuhang kapitalista.

Bukod sa mga social economic reform, naghain din ng kondisyon ang NDFP na palayain ang natitirang 392 bilanggong politikal. Dagdag pa ni Saluta, patuloy silang nananawagang palayain na ang kanilang mga kasamahan, lalong-lalo na ang mga may sakit, mga may edad na, mga matagal nang nakakulong, at mga kababaihan. Sa kabilang banda, dalawang bilanggo ang nabigyan ng parole noong Disyembre 2016mayroon ding 18 napalaya bunsod ng pagtatagumpay laban sa mga kasong isinampa sa kanila.

Hindi lamang usapang “good will” ang pagpapalaya sa kanilang mga kasamahanyon kay Saluta. Obligasyon din ito ng gobyerno dahil napagtibay na ito noong unang round pa lamang ng peace talks sa Oslo, Norway. “Gayunman, handa ang NDFP na pumasok sa bilateral ceasefire agreement … kung palalayain ni President Duterte ang lahat ng bilanggong politikal makalipas ang 48 oras na paglagda [sa kasunduan],” wika ni Saluta.

 

Ugat ng armadong labanan

Ibinunyag ng NDFP na nag-ugat ang armadong labanan dulot ng matinding kahirapan, kawalan ng pambansang industriya, at kawalan ng lupa para sa mga magsasaka. Mahigit apat na dekada na itong ipinaglalaban ng mga rebelde sa gobyerno. Bunsod nito, hindi maiwasang mauwi sa digmaan ang paglutas sa ganitong mga problema.

Dagdag ni San Juan, malaki ang impluwensya ng mga taong bumubuo sa pamahalaan dahil kabilang sa oligarkiya sa bansa ang karamihan ng may hawak ng matataas na posisyon sa gabinete. Sa kabilang banda, binubuo naman ng mga manggagawa, magsasaka, at maralitang Pilipino ang kabilang panig na bumabatikos sa pamamahala ng gobyerno. Opinyon ng propesor, “Talagang kapag nag-usap sila medyo [magkakasalungat] kasi financial interest ang binabangga.”

Ipinahiwatig naman ni Saluta na “lupa, trabaho, malaya, maunlad, at progresibong ekonomya, at independyenteng patakarang panlabas ang posisyon ng NDFP.” Isinaad diin niyang handa silang makipagkompromiso gobyerno hangga’t patas ang mga nakahaing kondisyon at probisyon.

 

Para sa makatarungan at matagalang kapayapaan

Hindi kailanman madadaan sa dahas ang paglutas ng mga problemang pinasiklab ng kahirapan. Para kay San Juan, isang malayong pangarap man na pagkasunduin ang GRP at NDFP, mas marami pang magagawa ang magkabilang panig para sa bayan kung mas lalalim ang kanilang samahan.

Nangangamba naman si Casiño na maaaring umabot ang pagkabigo ng negosasyon sa pagsidhi ng armadong rebelyon. Sakaling hindi raw magkasundo ang dalawang panig, hindi na lamang limitado ang extrajudicial killings sa mga kriminal kundi pati na rin sa mga taong kritikal sa gobyerno.

Bagamat hindi ito ang unang pagtangka ng pamahalaang wakasan ang hidwaan, mabuting isinasagawa muli ang peace negotiations. Isa itong magandang hakbang mula sa panig ng pamahalaan sapagkat nakapag-uusap ang dalawang panig sa mapayapang paraan.

Saad ni Saluta, “Nakikipag-usap ang kasalukuyang gobyerno sa NDFP bilang co-equal ang status – na ito [ay] may sariling gobyerno, may hukbong bayan, at teritoryong kinikilusan.” Nabigyan din ng pagkakataon ang NDFP na maipahayag sa bansa ang kanilang mga adhikain. Nasa kamay na lamang ng gobyerno kung didinggin nila ito o hindi.

Maituturing na magandang balita para sa mga progresibong mamamayan ang muling pag-usad ng peace negotiations dahil sinabi ni Casiño na komplikado umano ito mula pa noong 1986. Sa paglulunsad ng CASER, maaaring magbigay-daan ito upang maramdaman ng lahat ang pag-unlad ng ekonomya.

Tuluyan na kayang malulutas ang mahigit apat na dekadang hidwaan ng pamahalaan at NDFP sa kasalukuyang administrasyon? Abangan natin.

 

Dibuho ni Kadi Shah

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?