Chinese New Year: Pagtatak ng kulturang Tsino sa Pilipinas

29 January 2017
732 Views

nina Ezekiel Enric Andres at Jhuneth Dominguez

Pagsapit ng bukang-liwayway, karaniwang unang maririnig ang malakas na tilaok ng mga tandang. Hudyat itong magsisimula na naman ang panibagong araw at haharap muli ang bawat isa sa mga bagong pagsubok at karanasan sa buhay. Maihahalintulad ito sa pagbubukas ng Year of the Rooster—panibagong taong magbibigay ng mga oportunidad hindi lamang para sa mga may lahing Tsino kung hindi pati na rin sa mga Pilipino na kinagisnang mamuhay sa parehas na tradisyon.

Makukulay, kumikinang, at naglalakihang mga dancing dragon—isa lamang ito sa hudyat ng pagdiriwang ng Chinese New Year. Taon-taon, nakagawian nang magkaroon ng isang malaking pagtitipon sa Chinatown mapa-Pilipino o may lahing Tsino upang salubungin ang Chinese New Year. Bagamat mayroong pagkakaiba sa mga nakasanayang tradisyon, tunay ngang hindi pa rin mapapantayan ang pagtanggap ng mga Pilipino sa kulturang nagmula sa Tsina.

 

Pagtuklas sa kakaibang pagkakakilanlan

Naging palaisipan para sa ibang mga Pilipino ang pabago-bagong petsa ng Chinese New Year bawat taon. Ayon kay Dominique David, 115-BSA, Chinese, ibinabatay nila ang pagtatakda ng araw ng kanilang bagong taon sa Lunar calendar. Mas mabilis ang araw sa Lunar Calendar sapagkat mas maikli ito sa Gregorian o karaniwang kalendaryo. Hindi tulad sa Gregorian Calendar, paiba-iba ang mga petsa ng pagdiriwang nila sa Lunar Calendar. Buhat nito, walang tiyak na araw ang nakatakda para sa isang partikular na pagdiriwang.

Marami sa mga Tsino ang kasalukuyang naninirahan sa bansa natin. Permanente nang nakatira dito ang karamihan sa kanila. Bagamat magkaiba ng lahi, mayroong karampatang respeto at pagkilala sa kultura at tradisyon ang bawat isa. Hindi rin nagiging balakid sa magandang samahan ang pagkakaiba ng dalawang lahi.

Isa si David sa mga Tsino na lumaki at naninirahan dito sa Pilipinas. Bagamat dito na sila namuhay, patuloy pa rin ang kanyang pamilya sa pagsunod sa mga nakagawian nilang tradisyon sa kanilang kultura. Bilang pagtatapos niya, “Actually dalawang beses nga ako nagse-celebrate ng birthday ko eh. Pero mas matanda ako in terms of Gregorian calendar kasi sa Chinese calendar maikli lang so tulad ng new year mas nauuna yung birthday ko kapag Gregorian.”

 

Mga nakagawiang tradisyon at paniniwala

Tulad ng tipikal na pagsalubong sa bagong taon, may mga tradisyon at pamahiin ding sinusunod ang mga Tsino sa pagdiriwang ng Chinese New Year. Isa na rito ang pagsusuot ng damit na kulay pula. Ayon kay Andre Cordero Sy, 115-BSA, Chinese, “Sabi nila, red daw ang kulay ng fortune kaya dapat red ang suotin para pampaswerte. Same reason din sa pagpapagupit ng buhok at sa pagbabawal ng pagwawalis.”

Bukod dito, nakagawian na rin nila ang pagkakaroon ng dragon dance at pag-aalay sa kanilang diyos. Bilang tanda ng pag-aalay, nagsusunog sila ng mga lumang perang kulay ginto at nag-aalay ng mga bilog na prutas sa kani-kanilang mga altar. “Usually may mga altar yung mga Chinese families sa bahay nila lalo na’t karamihan sa mga Tsino ay Buddhist,” dagdag ni Cordero Sy.

Ilan rin sa mga nakasanayan nila ang pagbubukas ng lahat ng ilaw sa bahay, paggamit ng paputok upang magtaboy ang malas, pagbibigay ng mga ampao, at ang paghahanda ng iba’t ibang mga putaheng maihahalintulad natin sa media noche. Kabilang sa mga putaheng ito ang hindi matatawarang sarap ng tikoy na naging paborito na rin nating mga Pilipino. Ani Cordero Sy, “Bilog yung tikoy kasi it symbolizes peace, unity, and long life.”

Dagdag pa niya, nakikita sa bawat selebrasyon ng Chinese New Year ang mga malalagkit na pagkain tulad ng peanut balls.  Gaya ng mga kaugalin tuwing sasapit ang bagong taon, nagkakaroon din sila ng countdown sa pagsapit ng unang araw bilang pagsalubong sa panibagong taon.

 

Dalawang identidad na pinagbuklod ng kultura

Kung ihahalintulad ang kultura sa bahaghari, isa ang mga paniniwala at tradisyon ng mga Tsino sa nagbibigay ng kulay rito. Kaugnay nito, maituturing na mayaman ang ating bansa dahil sa iba’t ibang kulturang nagbubuklod sa mga tao nito.

Bagamat hindi maitatangging mayroong iba’t ibang kaugalian ang bawat isa sa atin, ang pagkakaibang ito ang nagdudulot ng patuloy na pagyakap natin sa kultura ng isa’t isa.

Malaki ang naging papel ng kulturang Tsino sa kasaysayan ng Pilipinas. Mula sa pagkakaibigang umuugat pa sa sinaunang kasaysayan, nananatili pa rin itong matatag at patuloy na nilalampasan ang pagsubok ng panahon.

Retrato – kuha ni Don Pablo

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?