Peace talks, sinuportahan ng mga militante; mga isyu ng bansa, tinalakay sa kilos-protesta

20 January 2017
249 Views

ni Marc Daniel Abiño

“Support negotiations on socio-economic reforms.”

Ito ang nakasulat sa mga hawak-hawak na placard ng mga militanteng grupo habang sinusuportahan ang ikatlong bahagi ng usaping pangkapayapaan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), Enero 18 sa Mendiola. Nanawagan ang mga lumahok na maresolba ang pinag-ugatan ng armadong rebelyon, respetuhin ang karapatang pantao, at palayain na ang mga bilanggong politikal.

Ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, ayaw umanong tuparin ni Pangulong Duterte ang pangakong palayain ang mga bilanggong politikal. Dagdag pa niya, mas pinakikinggan ng gobyerno ang militar sa halip na mga progresibong myembro ng gabinete.

Isinigaw rin ni Crisostomo na handa silang mamundok at lumaban sakaling magdeklara ang Pangulo ng Batas Militar. Bukod pa rito, ibinunyag din niya ang iba pang isyu tulad ng pagtaas ng kontribusyon sa pensyon ng SSS, kondisyunal na pagbabahagi ng libreng matrikula sa state universities and colleges (SUC), at pagpapatuloy sa kontraktwalisasyon.

Nilinaw naman ni Renato Reyes Jr., Secretary-General ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), na hindi lamang bilateral cease fire ang layunin ng nagaganap na peace negotiations. Pahayag niya, “Ang NDFP [ay] pumapasok sa peace talks para lutasin ang batayan ng armadong labanan [at] para makakuha ng pakinabang [para] sa mamamayan.”

Dagdag pa ni Reyes, maaapektuhan ang unilateral cease fire kung walang intensyon ang gobyernong palayain ang mga political prisoner. Hindi raw dapat hintaying matigil ang armadong labanan bago palayain ang mga bilanggong politikal, aniya.

Nang tanungin si Teodoro Casiño ng Bayan Muna Party-List tungkol sa implikasyon ng peace talks sa extrajudicial killings (EJK), iginiit niyang hindi na lamang mga napaghihinalaang drug pusher ang maaaring mapatay. Paliwanag ni Casiño. “Posibleng ma-expand ito (EJK) sa political dissidence and even members of people’s organizations na kritikal sa gobyerno at mas nagtutulak ng mga repormang tinutulak din ng NDF.”

Kasalukuyang nangyayari ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at NDFP sa Roma.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?