Muling pagsilang ng MMFF: Paghubog sa kaisipan ng mga manonood

27 December 2016
1392 Views

nina Rexielyn Tan at Gabriel Frances Timog

“Ilang kabit pa ba dapat magkaroon si Derek Ramsay?”

Ito ang binitawang kataga ng batikang direktor na si Joey Reyes sa MMFF 2016: Reelvolution or Elitism, isang pulong na pinangunahan ng Communication Department ng De La Salle University-Manila noong Disyembre 7 sa Faculty Center. Kaugnay ang pahayag ng direktor sa tila paulit-ulit na kwento ng mga mainstream film na ipinalalabas sa bansa. Inilunsad ang naturang aktibidad para talakayin ang panibagong seleksyon ng mga kalahok na pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016.

Naging laman ng mga usapin sa social media at inulan ng sari-saring opinyon ang MMFF ngayong taon bunsod ng maraming kalahok na indie film. Sa pamamagitan ng nasabing pagpupulong, naisiwalat ang bawat panig ng mga sektor na bumubuo sa MMFF na naging daan upang mabuo ang iisang desisyon–isantabi ang komersyal na aspekto at bigyang-pansin ang mismong nilalaman ng pelikula para makapaghatid ng mahusay na seleksyon para sa mga manonood.


Simula ng pamamayagpag

Pinasinayaan ang unang MMFF bilang “Manila Film Festival” na pinangunahan ng dating mayor Antonio Villegas sa pagdiriwang ng araw ng Maynila tuwing buwan ng Hunyo noong 1966. Ipinatupad sa panahong ito ang polisiyang pelikulang Pilipino lamang ang ipalalabas sa mga sinehan sa bansa. Ito ang nagsilbing hamon at opurtunidad sa mga Pilipinong direktor sa pagyabong ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Sa kabila ng kakulangan ng suporta mula sa kinauukulan, namayagpag pa rin ang pelikulang Pilipino. Ilan sa mga magandang halimbawa ang “Maynila sa Kuko ng Liwanag” ni Lino Brocka, “Himala” ni Ishmael Bernal, at “Kisapmata” ni Mike de Leon. Tunay ngang mabisa ang klasikong pelikula sapagkat nagsisilbing inspirasyon ang mga ito sa kasalukuyang estado ng pelikulang Pilipino.

MMFF bilang instrumento ng komersyalismo

Sa pagyabong ng MMFF, ilang taong lamang ang lumipas at inilipat ito sa buwan ng Disyembre bunsod ng pagtangkilik ng mga pamilya sa mga pelikula tuwing Pasko. Napalitan ang paggawad ng pinakamahusay na pelikula sapagkat ibinatay ito sa pinakamataas na kita ng kalahok sa takilya. Dito unting-unti nabago ang pamantayan sa industriya at nawala ang mismong diwa at laman ng pelikula. Tila nabibigyang-pokus na lamang ang mga sikat na artista upang dumugin ng mga manonood ang mga pelikulang ipapalabas para sa film festival.

Hanggang sa nakaraang taon, umani ng batikos ang mga nasa likod ng MMFF dulot ng hindi umanong makatarungang pagtanggal sa pelikulang Honor Thy Father sa line-up ng MMFF 2015. Ayon kay Philbert Dy, dating myembro ng komite ng MMFF, may katotohanan ang pag-abuso ng proseso at wala sa ayos ang pagpili ng seleksyon ng dating komite. Dagdag pa niya, basta sikat at may pangalan ang bidang artista sa pelikula, tiyak itong mapipili dahil siguradong tatangkilikin ito ng mga Pilipino.


Muling pagkinang ng pelikulang Pilipino

Pagtawag sa mga serye ng pagpupulong ng iba’t ibang sektor ng MMFF ang naging solusyon sa nasabing problemang kinaharap ng dating komite ng MMFF. Binigyang-boses ang mga kinatawan ng MTRCB, theater owners, commercial establishments, at akademya sa MMFF. Sa huli, kanilang napagkasunduang kahusayan sa nilalaman at tema ang dapat pangunahing gawing batayan sa pagpili ng mga pelikulang lalahok sa MMFF 2016.

Bunga ng pagkakaisang ito, inihahandog sa masang Pilipino ang walong opisyal na pelikulang napili mula sa napagkasunduan sa mga nasabing pulong. Inaasahang sasalubingin tayo ng mga bagong mukha at interesadong mga tema na tatalakay ng mga iba’t ibang isyung napapanahon sa bansa.

Tiniyak ni Ed Cabagnot, myembro ng komite sa MMFF 2016, na mayroong pelikula para sa lahat ng klase ng manonood. Dagdag pa niya, ito na ang tamang panahon upang ipakilala sa mga manonood ang pagkakaiba ng uri ng sining sa telebisyon mula sa pelikula.

Independent films o Indie films ang karamihan sa mga aabangan ngayong taon. Ilan na rito ang sumusunod: Die Beautiful ni Jun Lana, Saving Sally ni Avid Liongoren, at Sunday Beauty Queen ni Babyruth Villarama.

Pamana sa mga susunod na henerasyon

Sinasabing mahusay at epektibo ang isang sining kung nanatili itong buhay sa paglipas ng panahon. Bukod dito, may kakayahan itong makapagmulat ng mata ng mga manonood at itatak sa bawat isa ang mensaheng nais nitong ipabatid. Tunay ngang ang ating mga ikinikilos sa kasalukuyan ang sasalamin sa ating henerasyon. Tatanawin din ito ng mga susunod pang mga panahon bilang ehemplo ng paninindigan tungo sa pagkamit ng mga makabuluhang pelikulang Pilipino.

Mahalaga ang bawat aspekto ng sining sa ating kasaysayan. Ito ang simbolo ng kalayaan ng bawat Pilipinong makapaglingkod sa bayan sa pagpapahayag ng kaniyang sarili. Bigyan sana ng pagkakataon ng madla ang MMFF 2016 sa pagpapatunay na may kakayahan itong makaaliw kasabay ng makabuluhang pagtalakay sa mga usaping pambansa.

Tunay na ang pagtangkilik ng mga manonood sa pagbabagong-bihis ng MMFF magsisilbing-tulay sa muling pagbangon ng pelikulang Pilipino.

 

Retrato – kuha ni Justin Aliman

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?